Friday, November 23, 2007

ENGKUWENTRO

Kagabi, napadpad na naman ako sa aking ikatlong tahanan, ang dakilang SM San Lazaro. Para sa mga nagtatanong kung ano ang una at ikalawa kong tahanan (at siyempre masyado kong in-assume na may nagtataka e noh? Hahaha), ang butihin kong tahanan talagang inuuwian sa araw-araw ang una, at ang eskuwelahan siyempre ang ikalawa (talaga lang ah. HAHAHA).

Eniwey, kagabi kasi, may kasiya-siyang engkuwentro na naman akong naranasan. Mega lamyerda akong ganyan sa pinakamamahal kong ikatlong tahanan, at pababa ako ng escalator mula sa Ground Floor patungong Lower Ground Floor. Sa mga tulad kong bihasa sa lugar na 'yun, ang tinutukoy kong escalator ay 'yung sa may Jollibee, pababa sa may Dunkin' Donuts. Tuwang-tuwa ako habang tumitingin-tingin sa mga tanawin habang umaandar pababa ang nabanggit, nang biglang may tumabi sa akin sabay kalabit: "S'an na tatay mo?"

UFC! [Sa mga hindi pa nakababatid kung ano 'yan, UFC=Uy, Feeling Close!]

Major gulantang naman ang inabot ko dahil wala akong natatandaang gan'ung pagmumukha na kakilala ng butihin kong ama. Subalit dahil medyo bata pa ako noong panay ang dalaw ng mga kaibigan, katrabaho, at kasangga ng tatay ko, sumagi sa isip kong baka nga kilala niya. Sumunod ang tanong na: "Nasa bahay na tatay mo?"

Bilang kausap na may kaunti pang modo, sinagot ko naman: "Aah, wala pa po siguro, baka nasa trabaho pa."

Marami pang satsat na naganap. Pinuna pa niya kung gaano na kaputi ang buhok ko, na kesyo ang laki ko na raw pala, na kesyo et cetera, et cetera, et chusa. Naumpog pa ng kamay niya ang cellphone kong nasa bulsa ko, at naaalala ko ang bulalas niyang "UY!" Bago pa kami nakatapak sa Lower Ground, nagpasabi siyang pakibanggit at pakikumusta na lang daw siya sa tatay ko, ang dagdag pa'y pakisabi ko raw na nakita ko si Robert.

Hmmm, sinong Robert? Robert siya diyan.

Pagkatuntong namin sa destinasyon (ang dami nang kuwento, parang ang tagal ng pag-usad ng escalator), naianunsiyo niyang magbeberday daw ang anak niya. Ako namang nagsisimula nang magduda dulot na rin ng mga nakaraang karanasang muntik-muntik-muntikan na talaga akong malagay sa alanganin dahil sa panggogoyo ng iba, umakting na kesyo hindi ko narinig ang sinabi at lumihis ng landas, kasabay ng mahinang pagsabi ng "Babay na ho," para hindi niya marinig.

Ayos, hindi nga narinig. Pero naman, hindi pa ako nakalalayo, napalingon-lingon na siya at nadiskubreng napalihis na ako ng tinatahak na daan, lihis sa kanyang plano. Ang kasalanan ko, nilingon ko pa siya, nakawayan pa tuloy ako, sabay sabing: "Halika, bigay ko sa'yo 'yung invitation."

Sa hindi malamang kadahilanan, kahit medyo duda na ako sa tunay niyang pakay, sumama pa rin ako. Mula Dunkin' Donuts, napadaan kami sa bagong branch ng Copytrade, hanggang sa may tapat ng David's Salon, hanggang sa pumasok sa Supermarket. Habang tinatahak namin ang naturang paikot-ikot na landas, tila baga sa pamamaraaang walang kadire-direksiyon, nag-usisa siya ukol sa aking buhay. Gusto yatang siya na ang magsulat sa Wish Ko Lang o MMK para sa akin. Naitanong kung ilang taon na daw ba ako, sabay sabi ko naman "17 po," maya-maya'y nadugtungan ng "ay, 18 na po pala ako. Hehehe." Sabi ko na, hindi pa nga nanunuot sa lamanloob kong kabeberday ko lang at unti-unti na akong tumatanda.

Kung magtimang-timangan pa akong muli tulad ng ginawa ko kagabi, baka nga hindi na ako tumanda; baka isang araw, magising ka na lang na ako ang biktimang nasa "Police/Crime Section" (o kung anuman ang tawag d'un) ng paborito mong tabloid, o sa Ronda Patrol segment ng TV Patrol: ginahasa (assuming na naman e noh? HAHAHA), pinagsasaksak, ninakawan, pinugutan ng ulo, inagawan ng cellphone bago binaril, et cetera. Kasi naman, kasalanan part 2, sumama pa ako sa walang direksiyong paglalakad namin, at tumugon-tugon pa sa samu't sari niyang sumunod na mga katanungan.

Nandiyang naitanong kung kolehiyo na raw ba ako, at umoo naman ang timang niyong abang lingkod. Nausisa pa nga ang kursong kinukuha ko, at nang malaman niyang Legal Management, komento namang: "Aba, maganda 'yan."

Nandiyan ding tinanong niya ako kung may pera pa raw ba ako. Siyempre dahil hindi ako sinungaling, sabi ko naman, "Ayy,wala na rin ho eh." Sa mga oras na 'yun, umakyat to the highest level ang pagdududa kong may maitim na balak ang mamang 'yun. Magprisinta pa raw bang bibigyan daw ako ng limandaang piso, basta raw 'wag kong sasabihin sa tatay ko at baka magalit. Kesyo kagagaling lang raw ng mokong sa abroad. Haler, kahit pa gaano kayo ka-close ng tatay ko, walang sinuman ang magpiprisintang magpamudmod ng gayong salapi sa isang nilalang na anak lamang ng "kumpare" mo kuno, na makalipas ang ilang dekada, ngayon mo lang muling nakita.

Hindi ako naniniwalang may Santa Claus.

Naglabas nga ng wallet, wala namang ipinakitang kaperahan. Lalong tumibay ang hinala ko. Kung magbibigay siya talaga, magtatangka pa rin siyang maglabas ng PERA at hindi lamang wallet, kahit pa nagmi-mini protesta na akong huwag na lang siyang magpamudmod ng limandaan. Nang ilabas niya't buklatin ang wallet, isinara niyang muli nang mabilis sabay saksak sa bulsa. Palagay ko ginawa lang 'yun para hindi ko siya pag-isipan na nanakawan niya ako, dahil "may pera," take note con todo quotation marks, naman siya.

Naitanong pa kung kumain na raw ba ako. Dahil totoo lang ang namumutawi sa aking mga labi (CHOZ. HAHA), sabi ko naman hindi pa. Nag-alok siya, subalit tumanggi na ako, nagdahilang uuwi na rin naman ako. Habang nagaganap ang lahat ng 'yan, medyo mega paikot siya ng isang kumpol ng mga susing nakakabit sa keychain, kaya't naghihinala na akong dadalhin niya ako sa parking lot at d'un isasakatuparan ang maitim na adhikain.

Naghanda na akong tumanggi sakaling dadalhin niya nga ako sa madilim na lugar na kung tawagin ay parking lot. Pero nang kami'y umikot para lumabas mula sa Supermarket, siya na rin ang naging dahilan para maudlot ang anumang kanyang nais gawin.

Nagtanong ba naman: "Ano ba'ng cellphone number mo?"

Ako: 1. Sa isip lang: "Fans club kita??"
2. Sa tunay na buhay: "Uhmm, bakit po?"

Siya: "Aaah, ano, para kapag may kuwan, aaah, puwede kitang i-refer, para may pagkakitaan ka rin naman."

Ako: 1. Sa isip lang: "Hindi kaya ako ang pagkakitaan mo kapag hindi pa 'to natapos?"
2. Sa tunay na buhay: "Uhmmm, hindi ko po kasi kayo naaalala, naninigurado lang po."

Kumunot ang pagmumukha niya at medyo natagalan ang pagtugon, "Aah, pano'ng hindi naaalala?"

Sagot ko: "Hindi ko po naaalalang kumpare kayo ng tatay ko."

Sabay tanong naman niya, "Ano ba'ng pangalan ng tatay mo?"

Siyempre hindi ko sasagutin, dahil kung halimbawang sabihin ko nga ang pangalan ng tatay ko,

Let X=Pangalan ng tatay ko.

Ako: "Aah, X po."
Siya: "A! OO! Si, X nga! Magkumpare kami n'un..." and so on and so forth, dot dot dot.

Kung nagkagayon, malamang marami na siyang maiisip na mga kaechusahan at malalagay nang tuluyan sa alanganin ang buhay at mga pangarap ko. Baka hindi ko na 'to nasulat ngayon, at naibalita na ako sa TV Patrol bilang napaslang sa kung saan man sa paligid-ligid ng butihin kong ikatlong tahanan.

So ang isinagot ko, "Aaah, hindi po ba kumpare niyo kamo, e 'di dapat po alam niyo?"

Medyo natigilan siya nang kaunti at d'un nagsimula ang isang munting guessing game a la Norman (isa kong guro sa kolehiyo na araw-araw magpapahula ng salita at 'yun lang ang gagawin sa halos buong semstre, one word a day). Makalipas ang halos isang minuto,

"Aah, Tony ba?"

"Naku, hindi po."

"Ano ba'ng pangalan ng tatay mo?"

Hindi na ako umimik, at hindi na rin lumakad, para mapirme kami sa tapat ng Food Court. Sakaling i-harass niya ako, puwedeng puwede akong mag-eskandalo galore. Hehehe.

At talagang nanghula pa si kuya: "Uhmm, Carlito?"

Wala na ako sa mood makipaghulaan, kaya ang sabi ko: "Hindi rin po. Baka nagkamali lang ho sila." Sabay layas.

Hindi ko siya tinalikuran nang tuluyan kaagad, kaya medyo naaninag ko pa ang pagkadismaya sa pagmumukha niya samantalang ibinubulalas: "Ay, akala ko taga-Bulacan ka."

Haler, HINDI PO! Dumere-deretso na lang ang paglarga ko papalayo sa kanya, sabay grand entrance sa Book Sale, para mahimasmasan naman ako at malayuan ng demonyo. Napansin ko, habang pakunwaring tumitingin-tingin ng mga libro, medyo nanginginig ang tuhod ko. Kahit makailang-ulit na akong naganyan, mahal ko pa pala ang buhay ko at nagigimbal pa rin sa mga ganyang kaechusahan. Mas madaling ipayo na kesyo "sanayan lang 'yan," o basta "huwag magpamukhang inosente," o "umastang parang kabisado mo ang lugar kahit 1st time mo lang." Madali ngang magsalita, pero kapag naroon ka na mismo sa sitwasyon, mahirap gawin ang lahat ng ibinulalas ng bunganga mo bilang payo.

Hindi ko rin alam, malay ko kung in good faith ba talagang nagkamali siya, na walang malice o any unconstitutional intention. Subalit sa pagbabalik-tanaw ko, unti-unti akong nakukumbinsing in bad faith talaga ang mokong.

Kaya mga kids, talagang para yata sa ikabubuti natin ang imortal na linyang "Don't talk to strangers." N'ung nakaraang taon, may magtatanong lang sa'kin, hanggang sa unti-unti na akong na-harass at nagimbal.

Sa isang maikling paglalahad ng mahabang istorya noong magkakatapusan ng Agosto ng nakaraang taon, may kumaway sa akin sa may MMDA Waiting Shed sa Aurora Boulevard, malapit sa istasyon ng LRT2. Kesyo hihingi lang raw ng tulong dahil may bumastos at nanghipo raw sa pamangkin niya noong umaga ring 'yun. May nakuha raw ID, at magpapatulong sana kung makikilala ko raw o maituturo sila sa puwedeng makakilala. Naisip ko kalaunan, ang timang naman, manghihipo na lang malalaglagan pa ng ID?? Hanggang sa nausisa na ang buhay ko, kung saan daw ako nag-aaral, habang unti-unting dumadagdag paisa-isa ang nakikisalo sa aming kuwentuhan. Wala naman silang inilalabas na ID, at nang makatunog akong masama ang binabalak ng sa umpisa'y isa lang hanggang sa kalauna'y naging apat na lalaki, nagsabi na akong kailangan ko nang umuwi. Ang itinugon, mura. Pinagmumura ako, na kesyo nagtatanong lang raw sila nang maayos, tapos bastos raw ako't walang galang. Eh sa walang mailabas na ID, ano 'yun?? Hindi ko naman sila ka-close para bahaginan ng life story. Hinanap ko na ang ID na tinutukoy, pero iniiba nila ang usapan. Matagal kaming nagka-usap sa ilalim ng waiting shed, marahil inabot ng mga trenta minutos dahil sa pesteng ID kuno. Sa hindi malamang kadahilanan, siguro himala ng Maykapal, pinauwi rin ako't inihatid pa n'ung isa papuntang istasyon. Nakakahiya naman daw sa akin.

Akala ko talaga n'un, hindi ko na makikita kahit kailan ang mga kapamilya't kaibigan ko. At baka damputin na lang nila akong lulutang-lutang sa Ilog Pasig o sa Manila Bay. Pero sa lahat ng pagkakataong naganyan ako, salamat sa Panginoon na hindi ako napapahamak nang totohanan.

Ngayon nga, kung may manghihingi lang ng direksiyon kung saan ang ganito o ganyan, medyo hindi na ako sumasagot at nagdadahilang nagmamadali na ako. Pasensiya po sa mga tunay na nangangailangang hindi ko na nabibigyan ng tulong, ang karanasan po sa mga manggogoyong nagkukunwaring nangangailangan ang dahilan. Masisisi niyo ba naman kaming maraming beses nang muntik-muntikang mabiktima?

Kapag nga nadale ako ng isang social experiment ng Noypi: Ikaw Ba 'To?, malamang mapabilang ako sa mga pinangangalanang masamang Filipino. Kahit gusto mo talaga, magbabahagi ka pa ba ng buong-buong tulong kung naranasan mo na dati na masailalim sa sariling bersiyon ng social experiment ng mga ulupong sa lipunan? Kung alam mong anumang oras maaari kang pagnakawan, o sa pinakamasahol na mga sitwasyon, mabawian ng buhay ng mga tao sa kalsada na marahil nagpapanggap lamang na magtatanong ng direksiyon, nawawala, o kung anuman? 'Yang mga nanghihingi umano/kuno/kunwa ng barya, barya lang kaya ang hinihingi, o buong wallet mo ang pinag-iinteresan at pati buhay mo ang hingin?

Wednesday, November 21, 2007

HARASSMENT

Hindi ko na alam.

Ikalawang linggo pa lang ng semestre (actually kalahati pa lang ng ikalawang linggo dahil Miyerkules pa lang) sabog na sabog na ako. Kamusta naman, parang hithitero ng katol forever.

Sasailalim ka ba naman sa Law Class ng alas sais hanggang alas nuwebe ng gabi tuwing Martes, tapos ang simula ng Miyerkules, alas siete y media in the morning, sino kayang hindi sasabog? Idagdag pa ang cool na cool na Leadership & Strategy, aka LS10, isang major subject na isang beses lang sa isang linggo kung aming danasin; naman, bakit pa 'yun inilagak tuwing Miyerkules??

Idagdag pa further ang katotohanang hindi ako "morning person," ibig sabihin, pinasosyal ko lang at iningles-Ingles ang "tulugero ako/mantikero, at hindi kayang gumising nang pagkaaga-aga (as in 5:15AM tuwing MWF, at mga 5:45 naman tuwing TTh) para makarating nang matiwasay sa klase." Sa ibang salita, hindi na baleng hapon hanggang gabi ang mga klase ko, huwag lang umagang-umaga. Wala akong balak, ni guni-guning mag-audition bilang host ng Unang Hirit, o 'yung morning show na pinaghati-hatian ng NBN (Ch. 4), RPN (Ch. 9), at IBC (Ch. 13) tuwing umaga, kaya hindi ko kailangan ng ganitong training sa pagmulat nang maaga.

Harassment talaga araw-araw. Walang halong pagmamalabis. Kung maikukumpara, sa tingin ko pareho na 'yung pakiramdam ko n'ung week before finals nitong nakaraang semestre at ang pakiramdam ngayon. Sana mag-Pasko na, para maibsan kahit papaano ang ganitong impiyerno.

Wa na muna kome-komentaryo ukol sa mga propesor. Medyo marami kasi akong parang hindi natitipuhan, exception na marahil ang bentang bentang propesor ko sa Ec102 (Economics cheverloo). Isama na rin ang dakilang JSP1 (Japanese chenes) sensei na nakapagpapaaalala sa akin sa isa kong cool na cool na HS teacher.

Drama-dramahan mang ituring, MISS KO NA ANG HIGH SCHOOL. (Ewan ko lang 'yung mismong paaralan, pero 'yung buhay-HS, ka-miss talaga. Pagpasensiyahan, hindi ako mabuting alumnus [kung paano man ispelengin 'yan]. )

Dito na rin muna siguro magtatapos ang aking munting pagbubulalas ukol sa mga kapighatiang nararanasan sa unang dalawang linggo ng semestre. Harinawang umayos-ayos ang buhay-buhay hanggang sa muling pagbabalik ni Kristo.

So help me God.

Sunday, November 11, 2007

PAGPAPARAMDAM

Hello Philippines and hello world.

Ito na siguro ang pinakamaikli kong mailalagak dito sa aking mumunting blog site. Naman, medyo sandamukal pa ang nabitin kong mga komposisyon, na kung hindi isang talata, ay isang pangungusap pa lamang ang aking naisusulat. Kaya naman hindi ko rin maipaskil dito, dahil hindi pa talaga natatapos. At dahil medyo napaglipasan na naman ng limang dekada, pag-iisipan ko pa kung tatapusin ko pa.

Ipagpaumanhin, dahil hindi talaga ako makagawa ng paraan upang makatapos ng matinong ilalagay dito. (Para namang may matino nang nailagay e noh?) Para lang sa mga tagasubaybay ng blog na ito (meaning myself and imaginary friends. Hahaha. Choz!) nagpaparamdam lang po, baka inakala ninyong ako'y pumanaw na.

Oh well, bukas (12 Nobyembre 2007) magsisimula na naman ang isang semestreng kalbaryo. Wish ko lang maging matiwasay dahil naman, alas siyete y media in da morning ang aking unang klase. At take note MWF 'yun, ibig sabihin, tatlong beses sa isang linggo ko 'yun titiisin. Medyo ipinanalangin ko nang makailang ulit magmula nang malaman ko ang ka-iritasyong balitang 'yan na sana, sana lang, hindi ako magkanda-ewan-ewan dahil sa pagkahuli sa pagtuntong sa silid-aralan.

Marami pa sana akong kuwento, pero ito na lang muna. Hanggang sa muli, usap tayo, kaibigan. (Baligtad yata, 'di ba "kaibigan, usap tayo." 'yun? Whatever. Haha.)