Friday, July 27, 2007

IKALIMANG LARO

Hindi pa nakalilipas ang isang buwan magmula nang bisitahin ko ang Araneta Coliseum dahil sa PBB Big Night, bumalik na naman ako kahapon (26 Hulyo 2007) para sa pinananabikang muling pagtutuos ng magkaribal na unibersidad: ang inabangang UAAP Season 70 Round 1 bakbakan sa basketball ng Ateneo at La Salle.

Suwerte't napadpad pa ako sa Upper Box A, salamat sa isang kaibigan ko noon pang high school na may kakayahang makakuha ng ticket sa mga ganyang mahahalagang okasyon. Nitong nakaraan, medyo nagkagulo ang paunang pagkuha niya ng mga ticket, kaya naman hindi ko na inakalang makapupunta pa ako't makapanonood nang live sa kinasasabikang labanan. Hindi na rin ako pumila nang nagbenta sa eskuwelahan noong martes (24 Hulyo 2007). Pero kahapon, alas siete ng umaga, PE class namin (magkaklase kasi kami), bumungad ang isang magandang balita. Nakahagilap siya ng ticket, at nag-back-out ang dapat sana'y isasama niya, kaya naman nakasabit ako. 'Yun nga lang, kakailanganin kong lumiban ng klase ko sa Psych (130-300PM) dahil kukunin pa mula sa isang mensahero (na nag-aabang sa Coliseum) ang mga ticket. Cut na rin siya (pati 'yung isa niyang blockmate na nakasama namin) ng klase nila sa Com (300-430PM). Last minute na talaga, pero ayos lang. At least mayroon. At isyu mang ituring ang nasabing pagliban sa klase, 'di ba't may mangilan-ngilang mga bagay-bagay sa buhay na mas mahalaga kaysa sa pag-aaral? Chos! Hahaha!

[Hindi ko na siya papangalanan dahil malamang na kumita siya ng hindi bababa sa milyong piso kung piliin siyang tangkilikin ng mga desperadong makakuha ng ticket, at kung pipiliin niyang pasukin ang negosyo ng pag-sa-scalper. Hahaha! Pero salamat pa rin sa pag-imbita, chong! :) ]

Hindi ko alam kung bakit ako nadadamay sa kaechusahang labanan sa pagitan ng dalawang eskuwelahan. Wala naman akong natural na galit sa La Salle. Natural bang pumapasok ito sa katauhan mo kapag pumasok ka sa Ateneo? O sa kabaligtaran, kusa rin bang pumapasok sa katauhan ng mga taga-La Salle ang pakikisangkot sa bakbakang ito laban sa mga Atenista? Hindi rin naman ako tulad ng iba na tatlong buwang gulang pa lamang, miyembro na ng papaslang-ako-para-makanood-ng-laro club. Anu't ano pa man, nadamay na nga ako, e ano pang magagawa kundi makisangkot na nga?

Hayun, hindi pa tapos ang laro ng UST at NU, halos puno na ng mga naka-kulay berde ang kalahati ng Coliseum, at siyempre pa, ang mga dugong bughaw sa kabilang kalahati. At bandang mga alas kuwatro y medya, itinampok na ang isa sa pinakaaabangang laro ng halos lahat ng nilalang, kolehiyo man, elementarya, nagtatrabaho sa Makati o karinderya, o nasa sinapupunan pa lang.

May nahagilap na upuan 'yung blockmate ng kaibigan ko para sa aming tatlo, pero parang wala rin namang silbi. Ayon nga sa narinig ko sa kung saan, ito 'yung larong nagpupumilit makahanap ng upuan ang mga tao, pero tatayo rin lang naman. Oo nga, bukod sa tayo nang tayo 'yung nasa harapan ko, hindi yata talaga mapipigilang mapatayo sa gan'un kahusay na laro. Matigang ba naman sa labanan nang isang taon dahil sa suspensiyon, sino'ng hindi mananabik na makapanood?

Dikit ang laban; nang manood ako ng Bandila kagabi, "dikdikan" ang salitang ginamit. Kung hindi mo napanood, ayyy. Kung napanood mo, ang saya 'di ba? Makalilimutan talaga na mayroon ka pang Long Test kinabukasan, o Paper (at Notecards para sa English paper! Haha!) na kailangan na rin kinabukasan. Tila baga huminto ang panahon, ang pagtakbo ng oras, nang mga oras na 'yun. Kahit nga raw 'yung mga kapamilya ko sa bahay, mega tutok. Special mention, napaaga nang 'di hamak ang pag-uwi ng kapatid ko, na hindi naman kadalasang umuuwi nang maaga.

Dikitan talaga ang score sa bawat quarter, sa memorya kong walang tulong ng MemoPlus o ng Glutaphos, natapos nang pantay, 30-30, noong 1st half. Hanggang sa umabante nang kaunti ang asul, didikitan na naman ng luntian, at sa kadulu-duluhan, nagpantay na naman sa pagtatapos ng 4th quarter. 'Yun nga lang, hindi ko na talaga matandaan ang puntos, 'di ko man lang mahulaan tulad ng unang nabanggit noong 1st half.

Overtime. Karagdagang limang minuto ng kantiyawan, sigawan, at pagkamangha. Akala ko, mauulit ang trahedyang naganap noong isang taon sa Game 3 ng Finals laban sa UST. Bigla kong naalala, pareho pala ang suot kong tshirt kahapon sa suot ko noong isang taon. Kamusta naman, UAAP uniform? Nagbabadya ba? Hindi.

Naungusan ng Ateneo ang La Salle sa Overtime. Dikitan pa rin, hindi lumalayo nang sobra ang lamang, 'di tulad ng trahedyang naganap sa pagitan ng DLSU at UE nitong nakaraang..umm..hindi ko na maalala kung kailan 'yun. Pagkatapos ng hindi mabilang na kantiyawan sa pagitan ng dalawang nag-aalab na kampo ng manonood, pagkalipas ng hindi mabilang na pagsigaw ng "Go Ateneo!" katuwang ng cheer ng kabilang panig, pagkalipas ng hindi mabilang na pagsubo ng kaibigan ko ng Strepsils bilang first aid sa nagbabadyang kawalan ng boses, pagkalipas ng hindi mabilang na hinayang, palakpak, talon, at tuwa, natapos ang laro sa puntos na 80-77, ang ikaapat na panalo naming nag-angat sa estado ng aming basketball team sa ikalawang puwesto, may apat na panalo't isang talo.

Masarap nga yata talaga ang pakiramdam ng nananalo, kaibang-kaiba sa mga karanasan ko sa panonood ng mga laro namin ng basketball noong high school. Lalong kaiba sa pakiramdam noong Game 3 noong isang taon. Naaalala ko pa, nang pauwi ako sakay ng LRT matapos ang 'di kaaya-ayang pangyayari, mega dilaw ang nasakyan ko, at ako lang yata ang naka-asul. Ngayon, masarap dalhin kahit ang malaking support paraphernalia na nakulimbat ko ('yung kamay na nakapormang number 1 tapos sponsored ng Samsung) hanggang bahay (take note, dyip lang ang sinasakyan ko pauwi). At kahit pa medyo pinagtitinginan ako ng mga tao dahil sa kakaibang dala-dalahan ko, keber lang. Panalo naman eh.

Wala na ring pakialam kung may hindi pa natatapos na gawain, o may Long Test pa kinabukasan. Panalo naman eh. Iba talaga ang pakiramdam ng nananalo, at lalong iba ang pakiramdam ng nasa Araneta (panalo man o talo, iba ang saya. Sakay na!) Ramdam na ramdam ang tesiyon. Higit sa lahat, libre ang sumigaw. Mapa-"Go Ateneo!", "One Big Fight!", o "Suspended!", walang makikialam. Hindi katulad ng nasa bahay, na mapasigaw ka lang nang kaunti dahil sa galak o panghihinayang, minsan mukha ka nang ewan, lalo kung walang pakialam sa mga ganyan ang mga kasama mo sa bahay.

Hindi ko talaga masuri ang buong laro dahil una, short-term memory lang ako't hindi ako nakapag-notes dahil sa dikdikang laban, at pangalawa, hindi ako eksperto sa sports. Anu't ano pa man, harinawang naipahatid ko at nailabas ang kasiyahan mula sa naturang pangyayari. At harinawang magpatuloy ang pagkapanalo ng dugong bughaw. We bleed blue.

Ah, basta. Mahusay talaga 'yung laro. Hindi kabagot-bagot. Bawat segundo, katutok-tutok. Makalaglag-baba. Makalaglag-panga. Pagbati sa parehong koponan para sa isang mahusay na laro!

At siyempre pa, 80-77. WIN or lose, it's the SCHOOL WE CHOOSE! Go Ateneo! One Big Fight!
I-shoot mo, i-shoot mo, i-shoot mo na ang ball,
i-shoot mo na ang ball,
ang sarap mag-basketball! (Repeat)

Monday, July 2, 2007

ANG MALAKING GABI

Whatever. Parang masagwa kapag isinalin sa Filipino. Ang tinutukoy ko diyan ay ang Big Night ng Pinoy Big Brother season 2 nitong nakaraang Sabado (30 Hunyo 2007).

Dahil sa ABS-CBN nagtatrabaho ang kapitbahay namin, nagpamudmod siya ng mga ticket para sa naturang magaganap na finale ng isa na namang edisyon ng PBB. Nakakuha ang tatay ko ng tatlo, kaya naman kahit na ipinangangalandakan kong isinusuka ko ang PBB2, pinili ko na ring kunin ang pambihirang oportunidad na makapanood ng isang live television event.

Pambihira lamang talaga ang gan'un dahil bukod sa hindi ako sanay na makipagpilahan (at kung minsan, makipagpatayan pa sa mga sinigitero't singitera) para lamang makapanood ng isang event (gayong puwede ka namang manood sa TV), madalas ring para sa pag-aakala ko, hindi convenient ang pagdarausang lugar ng mga event na gan'un. Ngayon-ngayon lang rin kasi ako nagkamalay na hindi naman pala gan'un kahirap pumunta ng Araneta Coliseum galing sa bahay namin. Hanggang Folk Arts Theatre (na Tanghalang Francisco Balagtas na ngayon) lang yata ang alam kong mapuntahan (bagaman hindi pa rin ako nakapapasok d'un). Subalit kung sa ABS-CBN studio, Ninoy Aquino Stadium, Cuneta Astrodome, Philsports Arena (dating Ultra), o Meralco Theatre idaraos ang seremonyas, ibang usapan na 'yan. Sa bahay na lang ako manonood; maraming lugar na sa pangalan ko lang alam. At bukod sa katimangan sa lugar, hindi rin lagi-lagi na may kapitbahay kang taga-ABS, o GMA. Kamakailan lamang din namin sila naging kapitbahay.

Dahil nga alam ko na ngayon kung nasaan ang Araneta Coliseum, at dahil pagkakataon na ito upang mabigyang-kasagutan ang mangilan-ngilang tanong ko sa production chenes ng mga produksiyong pantelebisyon, inangkin ko na ang tatlong ticket at hindi na hinayaan pang umanod sa ilog. Kahit nagkaroon ng mangilan-ngilang pagkakataon na inisip ng mga kapamilya kong ipamigay na lamang ang ticket at pagkakitaan (binalak yata nilang ibenta ng 50-75 piso, haha!) wala silang nagawa dahil nga inangkin ko na ang mga 'yun. At napag-isip-isip rin ng kapatid at nanay ko na sumama. Para na rin siguro sa karanasan ng panonood nang live sa mismong pinaggaganapan.

May klase ako ng Sabado, kaya't nagkita na lamang kami sa Araneta ng mga alas kuwatro. Aba, wala pang gaanong tao; hindi napatunayan ang inaasahan at inaakala kong may mga pipila na mga alas singko pa lang ng umaga. Siguro sa Wowowee lang 'yun o sa Eat Bulaga. Pero may dumating nang mga tagasuporta ni Beatriz, at nagpamudmod ng mangilan-ngilang support paraphernalia.

Dahil nga wala pa namang gaanong tao at wala pang pila, naglamyerda muna kaming tatlo sa Gateway; d'un na lang kami naghintay at nagpalipas ng oras. Aircon eh, samantalang saksakan naman ng init sa labas. Siyempre, d'un na rin kami lumamon at d'un na namin inihanda ang mga sikmura sa mukhang matagal-tagal na pilahan at panonood. At d'un ko rin napag-alamang may mga takubets na babayaran mo ng sampung piso bago ka makagamit. Alam ko namang may ilang mga takubets na may bayad, pero sa pagkakaalala ko, hanggang dos pesos, o siguro hanggang mga limang piso lamang ang sinisingil. Ano ba 'yan, diyes pesos? Magpapalit lang naman ako ng damit! Pero dahil diyahe naman kung sa gitna ng Gateway e bigla akong mag-burles, at dahil mega naiinip ako sa dami ng tagapagtangkilik ng takubets sa may Food Court (libre kasi), nagbayad na rin ako. At d'un ko nadiskubreng malinis naman pala ang naturang kubeta, at punuan ang lalagyan ng mga tisyu, paper towel, at sabon; 'di katulad ng ilang CR na minsan pati tubig wala (alalahanin mo ang magiting na patalastas ng Diatabs o Imodium ba 'yun). Pero kahit na, sana ibinili ko na lang ng fishball 'yung sampung piso ko at naghintay na lang d'un sa libre, kahit tumirik pa ang mga mata ko o makatulog dahil sa tagal.

Buweno, dahil medyo nawili kami sa pagtitingin sa mga bagay na wala naman kaming balak bilhin, bahagyang hindi natupad ang pinlano kong pagbalik sa Coliseum ng mga alas sais. Mga 630PM na kami nakabalik, at pagpunta namin sa may green gate ng Coliseum (sa tapat ng Shopwise), nagulantang kami na wala pa ring tao. 'Yun pala, nagsimula ang pila sa may kabilang kanto ng green gate, at sandamakmak na ang mga tao. Muntik nang mapuno ang buong bangketa hanggang sa susunod na kanto ng mga naghihintay makapasok. Nang makapila na kami, medyo nagkausap-usap ang mga tao, at naulinigan kong sa kabilang gate (red gate naman daw ang tawag), mas marami pa ang nakapila. Dahil sa ekspresyon ng nagkukuwento na para bang may rebolusyon na sa kabila sa dami ng tao, inisip ko na lang na sana makapasok pa kami, kahit man lang Lower Box o Upper Box A. Utang na loob, huwag lang sa General Admission. Bakit ba kasi ako nahilig sa pagwi-window shopping; kung sana kanina pa kami pumila e di malamang nasa may unahan pa kami, parang sayang tuloy, ang aga pa naman din naming dumating. Anu't ano pa man, wala na rin namang magagawa kundi sumunod sa mga "naunang" pumila (oo, may mga panipi 'yan dahil hindi naman talaga nauna 'yung iba sa pila, kundi <*ehem*>).


Nagulantang na naman ako nang wala pang alas siete ay biglang gumalaw na ang pila. Akala ko may kung anumang kaguluhan sa may harapan. 'Yun pala, nagpapapasok na. Aba, ilang beses ipinangalandakan ni Toni Gonzaga na "gates open at 730," tapos mga 7PM pa lang nagpapapasok na? Laking gulat ko dahil inakala ko pa nga na mga alas otso na magsisimulang magpapasok; pero nakakatuwa ring paminsan-minsan ay napabubulaanan ang mga inaasahan mo. Ibig sabihin (siguro), nagbabago na ang kaugalian (malamang-lamang, tungo sa ikabubuti) kaya't hindi na nangyayari ang mga inaasahan mo (na ibinabase naman kadalasan sa mga nakaraang balasubas na karanasan).

Hayun na nga, nagpapasok ng mga alas siete, at pag-akyat namin, may nagsisigawan. Hindi ko na inalam kung ano ang dahilan ng pagbubulyawan nila, pero mukhang malala dahil may mga mura-mura pa, with matching tono na parang papatay ng tao. Siguro, may napakalalim silang dahilan kung bakit sila nagbubulyawan at nagmumurahan--tulad marahil ng kainisan dulot ng hindi pagpapapasok. Aba, sapat na sigurong dahilan 'yun para sa kanila para hugutin ang mga itak at magsimula ng rebolusyon.


Pagpasok namin, sa Upper Box B kami napadpad. Nakapasok pa ako para sa Upper A, pero dahil hindi na yata sanay makipag-gitgitan ang nanay at kapatid ko (laban sa mga taong mahilig chumorva <*ehem*>), bago pa man sila makapasok ay pinigilan na dahil puno na raw. Dahil wala na rin naman akong mamataang mauupuan, lumabas na lang ako uli at sumama sa Upper B. Chenes.

Pero ayos din naman pala dahil sa may bandang gitnang harapan sila nakahagilap ng puwesto, at maayos ang view. Sakop ng gusto kong anggulo at katamtaman lamang rin naman ang layo. Ayos. PERO hindi pala talaga ayos. Mega feel at home 'yung nakakuha ng puwesto sa likod ko; mantakin ba namang magpatong nang magpatong ng mahiwaga niyang mga paa sa sandalan ng upuan ko (take note, barefoot). Nagulantang talaga ako nang mapatalikod, with matching galaw-galaw pa kasi ng mga daliri sa paa. Yak. [Baka magawan ko pa 'to ng hiwalay na entry dahil sa trauma na sinapit ko mula sa kanyang mahiwagang mga paa, at dahil na rin sa kakaiba niyang echusa.]

Anyway, nakapasok kami sa Coliseum at nakapuwesto mga pasado alas siete y medya. Buti na lang, nag-unli ako n'ung araw na 'yun dahil kung hindi, baka nagsitirik na ang mga mata ko sa inip. 'Yung iba, kapapasok lang, naghahanap pa ng mauupuan. 'Yung iba, nakikipagdadaan sa mga katabi. 'Yung iba, nag-aayos ng support paraphernalia. 'Yung iba, nakatingin sa kawalan. Ako, padada-dada sa kapatid at nanay, obse-obserba, at mega dutdot.

Sa pag-oobserba ko, nasagot na ang mangilan-ngilang tanong ko na matagal-tagal na ring bumabagabag sa katauhan ko (sa kasawiang palad, hindi naisali ang mga ito sa 'Dare to Ask'). Una na riyan, ano ba ang ginagawa sa Coliseum kapag gan'ung uri ang palabas? Matagal ko na rin naman kasing alam na bilog ang Coliseum; pero kapag nanonood ako sa telebisyon, parang nasa isang bahagi lang 'yung audience, sa isang direksiyon lang nakaharap ang performers at/o host. Iniisip ko noon, hinahati ba ang Coliseum? Paano naman 'yung kalahati? (Sayang ang espasyo.) O ginagamit ba nila? E paano naman 'yung mga manonood sa bahaging 'yun, tinatalikuran na lang nila?

'Yun pala, hinahati nga ang Coliseum. Hindi naman hating-hati as in kalahati; marahil nasa mga 1/4 lang 'yun ng kabilang bahagi ng Coliseum (kaharap ng audience side), kaya hindi rin naman masyadong maaksaya sa espasyo. May dambuhalang kortinang nakatakip, siguro 'yun na rin ang magsisilbi bilang backstage. Ang saya, at least ngayon, alam ko na.

Mas matiwasay rin palang tingnan ang set design kung live mong panonoorin (para sa 'kin). Mas kinatuwaan at na-appreciate ang trabaho ng set at/o stage designers. Simple lang ang entablado n'ung gabing 'yun, hindi masyadong magarbo; pero ang kapayakan ding 'yun ang lalong nagpahusay n'un para sa akin. Marahil, may nakita na akong 'di hamak na mas maganda ang pagkakadisenyo sa entablado, pero dahil nga namamangha ako, kinatuwaan ko na rin 'yun.

Sa mga nanonood, kanya-kanyang sinusuportahan. May maka-Bea, maka-Gee-Ann, maka-Mickey, at kahit mangilan-ngilan na lang, mayroon pa ring maka-Wendy. Kanya-kanyang asikaso sa mga hiyaw; may mga cheer-cheer eklavu na kahit hindi pa nagsisimula. Litanya pa nga ng kalikod ko,

Naku, lumabas ka na Wendy at nang mabatukan na kita .... Nanggigigil ako! Magtigil-tigil ang mga nagsisigaw ng Wendy [bilang suporta sa kanya]! Wendy, labas!

Sa mga panahong 'yun ko rin napag-alaman na medyo hayok ang mga tao sa support paraphernalia, siguro iuuwi para souvenir. Nang dumating ang mga lobong kulay pink (para kay Bea), hiyawan ang mga utaw. Hingi dito, hingi d'un. E para namang hindi tatagos, lalabas, o tatakas 'yung hangin paglipas ng ilang araw 'di ba? Iimpis lang din naman 'yun. Pero hayok na hayok talaga sila. 'Yung isa nga, sampu-sampu pa yata ang kinulimbat, e dalawa lang naman sila. Nang may manghingi, buong pagdaramot silang tumugon na, "Hiningi lang din namin 'to eh."

Mega echos din ang mga sponsor. Tingnan bilang halimbawa ang kasiya-siya, kalugod-lugod, at kaaya-ayang patalastas ng Nissin Cup Noodles. Paulit-ulitin ba naman ng kulang-kulang isang oras ang patalastas na 'yun. Mygas. Kahit sino maririndi, pupusta pa ako na kahit 'yung may-ari ng Nissin, o kahit 'yung talent sa commercial, e magsasawa sa kauulit. [Kung hindi mo maalala ang patalastas ng Nissin, 'yun 'yung may officemate silang natagalan sa loob at lunch time na. Napagdesisyunan ng barkada na iwan na lang siya, at nauna na sa kakainan. Mag-aala-una na nang makalabas ang naturang empleyado, kaya't nagmadali siyang tumungo sa Mini Stop para bumili ng Nissin Cup Noodles. At habang nagaganap ang lahat ng 'yan, sipi sa kantang "No Touch" ng Juan de la Cruz band ang kapita-pitagang background music: "Pahawak naman, Pahipo naman... Sige na, sige na...."] Laking pasasalamat ng sangkatauhang manonood nang sa wakas, napagpasyahan ng kung sinuman na itigil na ang pagpapaulit-ulit-ulit-ulit ng naturang patalastas.

Pampagising si Chokoleit; bago magsimula, nagngangangawa siya bilang ice breaker o pampaaliw sa live audience. Ayos naman, nakakatuwa, at least nabawasan ang pagkabagot at pagkarindi sa letsugas na commercial. Pero inisip ko, bakit ngayon lang nila napag-isip-isip na magbigay ng pampabawas sa kabagutan ng sangkatauhan? Ibig bang sabihin, hindi ganoon kahalaga ang live audience nila kumpara sa TV audience? Oo, 'di hamak na mas sangkaterba't sanlaksa ang TV audience, pero 'di ba dapat ring pahalagahan ang mga taong piniling magtiyagang pumunta? Porke ba walang bayad ang ticket, gan'un na lang? O ganyan talaga kapag live audience?


Nagwala ang sangkatauhan nang tumugtog ang theme song. Akala nila, simula na. Mega hiyaw, mega tuwa. Pero, tugtog pa lang; practice yata. Bumilang pa ng hindi iilang minuto bago tunay na nagsimula. At nang nagsimula na nga, parang hindi na masyadong nagsisigaw ang mga tao; siguro masyadong naging anti-climactic ang nakaraang maagang pagpapatugtog ng theme song.

Dahil nagsimula na ang coverage sa TV, nagsimula na ring gamitin ang lahat ng kasangkapan. Lalo ko namang kinatuwaan ang gamit ng ilaw. Sa TV kasi, medyo naiirita ako sa lights. Para bang istorbo lang para sa akin; wari bang (wari bang?!?!) dapat pampaganda 'yun ng kung ano, overall effects marahil, subalit para sa akin, lalong nawawasak at/o nababalahura ang view sa TV dahil sa lights. Natutuwa naman ako sa gamit ng ilaw sa teatro, pero hindi ko pa nakikita nang totohanan at live ang sa TV. At humigit-kumulang parehas lang rin naman pala ang layon at epekto ng naturang kasangkapan. Marahil dahil na rin sa gamit ng lights kaya ko kinatuwaan nang labis ang opening production number ('yung kasama si Tina). Mas masaya. Kita lahat (bagaman hindi mo na rin masyadong maaaninag ang mga pagmumukha nila); kaibang-kaiba sa TV na babatay lang ang nakikita mo sa perspektiba ng cameraman. Doon, puwede kang pumili kung saan ka titingin at kailan mo titingnan.

Dito ko na rin napag-alaman na may mga camera palang nakakabit sa istrukturang mahaba, hindi ko kasi mailarawan at hindi ko mahanap ang tamang termino. Crane yata ang tawag d'un, o kung anuman. Tapos mano-mano pala ang paggalaw d'un, akala ko de-makina. Nagulat na lang ako nang biglang may crane (o kung anuman) na umiikot, tapos camera pala 'yun, at tao ang nagpapaikot.

Kautang-utang na loob naman ang dadanasing kabagutan ng live audience tuwing commercial break. Wala lang. Total silence. Kung hindi man, aaliwin kunwa ng host (e.g., Toni Gonzaga) ang audience, kaunting joke-joke, tapos katahimikan na naman. Minsan, nagrerehearse sa harap ng humigit-kumulang pitong libong nilalang ang mga sasayaw sa susunod na segment. Minsan, magre-rehearse ng script ang host, babasahin niya nang malakas. Minsan, may hahanapin sila (si Tita Elvie) at magtatanong ng kung ano, tungkol sa script, costume, sequence of events, et cetera et cetera et chusa. Kung papaanong hinubog ang kaisipan ko sa nakaraang labimpitong taon na hindi dapat ginagawa ang ganyan sa harapan ng live audience--kung paanong dapat raw ay handang-handa na ang lahat kahit isang araw man lang bago ang Big Day (o Night)--ganoon ding nabalahura sa karanasang ito. At least ngayon alam ko nang ganyan siguro ang kumbensiyon sa mga programa sa TV. 'Yan din ang isang tanong ko noon: Ano ang ginagawa sa studio kapag commercial break? Ngayon nasagot na. Hahanapin nila si Tita Elvie. Magtatanong, magre-rehearse. Buti pala kapag sa bahay, at least puwede kang maglipat ng channel habang commercial break.

Anak ng putakti. Dahil nga Big Night, napakaraming commercial break. Napakatagal rin ng bawat commercial break. Napakaraming beses tinanong si Tita Elvie. Napakaraming beses halos mamuti ang mga mata ko sa inip. Napakaraming beses bumuka ang bunganga ko para maghikab. Napakaraming text messages ang naipadala't natanggap sa pagitan naming magkakadutdutan sa bawat commercial break. Napakaraming beses gumalaw ang daliri sa paa ng kalikod ko.

Tatlong oras nagpasalit-salit ang halu-halong pakiramdam ng pagkaintriga (sa kung sino ang mananalo, bitin kasi nang bitin), pagkagulantang (sa kung paanong galit na galit talaga ang sangkatauhan, lalo na ang kalikod kong feel at home, kay Wendy), pagkamangha (sa kung paanong sa pamamagitan lamang ng pakikitira sa 'Bahay ni Kuya' at pagchochorva ng mangilan-ngilang sitwasyon ay nakahakot ang apat kataong natira ng humigit-kumulang pitong libong tao para manood sa Araneta), pagkadismaya (sa kung paano nilang tratuhin ang live audience tuwing commercial break), pagkatuwa (sa pagkakadiskubre ng mga kasagutan sa ilang katanungan ko ukol sa live TV event), at pagkabagot (sa sangkatutak na commercial break).

Sa wakas, paglipas ng pitumpu't siyam na taon, paglipas ng samu't saring chechebureche, dumating din sa punto ng pag-aanunsiyo sa Big Winner. Siyempre, hindi ligtas ang puntong ito sa sari-sari't sandaigdigan pang pasakalye bago marating ang Big Winner mismo. Nang ianunsiyo na si Gee-Ann ang 4th Big Placer, nanlumo ang sangkatauhan. Inasahan ng lahat na si Wendy ang lalabas. Parang nanghina pa ang katabi ko, parang bumubulong-bulong ng "Kainis naman... Eeh... Ayoko na... Bakit si Gee-Ann?" or something like that. Dalawa pa yatang beses naulit ang "Eeh." Lalong nanlumo ang mga nakadilaw (maka-Gee-Ann) at lalong tumindi ang sigawan ng "Wendy labas!"

At nang ipinagbigay-alam na si Wendy na ang 3rd Big Placer, nagdiwang at nagbunyi naman ang lahat. Standing ovation. Parang katatapos lang kumanta ni Andrea Bocelli (o 'di kaya, ni Christian Bautista. Haha!) Mararamdaman mo ang kasiyahan ng lahat na hindi siya, salamat sa mga espiritu, ang Big Winner. Tipong na-perfect, na-A mo ang Accounting Longtest. Parang nanalo sa Lotto, PhP800M solo winner. At nang magsimulang magsalita si Wendy bilang 'valedictory address,' muling nanumbalik ang atmospera ng pagkamuhi. Kung natatandaan mo, humiling pa si Wendy na kahit sandali'y pagbigyan siyang magsalita. Kung hindi naririnig sa TV ang sigaw ng tao, hindi na naririnig si Wendy sa Coliseum dahil sa sigaw ng tao. Nawalan ng silbi ang sound system at sangkaterbang speakers. Mega "boo" ang buong sanlibutan.

Pagkalipas ng commercial break, ramdam pa rin ang katuwaan dahil nga lumabas na ang kinamumuhian. Tipong wala nang talo kahit sino sa dalawa ang manalo. Win-win situation. Pero siyempre, mega suporta pa rin ang mga, umm, supporters, nina Mickey at Bea.

Nang ipangalandakang si Mickey ang 2nd Big Placer, wala nang masyadong ugong-ugong sa Coliseum, sigawan na lang yata para kay Bea, pati na rin kay Mickey. Hindi ko alam kung inasahan na nilang si Bea ang mananalo sa dalawa, o sadyang wala na lang talaga silang pakialam dahil nga napalayas na ang noon pa dapat pinalayas.

Kasiya-siya naman ang nasaksihan ng mga nasa Araneta nang commercial break matapos ang proklamasyon kay Bea bilang pinakabagong Big Winner. Pagtapos niyang makalabas sa higanteng Disco Ball (at hindi ko maintindihan kung bakit Disco Ball ang chorva), umentrada ang mga sponsor at nagpatalastas. Sa mga panahong pinanonood mo ang ipinapakitang susunod na kabanata ng Walang Kapalit, at ang kapita-pitagang Nissin Cup commercial, halakhakan naman sa amin dahil talon nang talon si Bea. Parang 2 year-old na batang (lalaking) unang beses pa lang nakakita ng remote-controlled na kotse. Talon-talon, mistulang kangaroo, at hiyaw-hiyaw, mistulang retarded. Hello, act your age! Hahaha!

May mangilan-ngilan rin palang kabutihan ang panonood ng live; at 'yan ay ang matuklasan ang mga bagay-bagay na hindi nakikita ng sanlibutang sa TV lang nanonood. Hindi ninyo nakita ang tunay na pagsasabuhay ni Bea sa kanyang kilalang-kilalang litanya: "ACT YOUR AGE!" Nyahaha.

Natapos ang lahat sa pagpapamana ng dambuhalang tsekeng nagtataglay ng milyong piso. Naalala ko si Keanna pagkatanggap niya ng tsekeng gan'un din nang manalo siya sa Celebrity Edition: "Paano ko 'yan ie-encash?" Sa awa ng mga espiritu, hindi naman guman'un si Bea. At least she acts her age. Chos!

Nagwakas ang lahat sa isang performance ng Cebalo ng tanyag na tanyag na "Pinoy Ako." At nagwakas nang tuluyan ang pagkahaba-habang prusisyon. Sa may labas, may namimigay ng Nissin Cup Noodles. At least may matino naman palang nagagawa ang naturang produkto bukod sa mambulahaw ng katinuan. Pero dahil dinumog na ang nag-iisang booth (o dalawa yata 'yun, sa green gate), hindi na kami nakipagsiksikan. Baka himatayin lang 'yung namimigay sa kawalan ng sapat na hangin kung daragdag pa kami sa patuloy pang dumaraming gutom na nilalang na dumudumog sa booth niya.

Sumakay kami ng bus pauwi, mga mag-aala-una lang naman ng madaling araw. Bus ang sasakyan namin patungong Monumento, sabay dyip hanggang sa may amin. Ayaw ko ng aircon bus dahil medyo malamig naman at dahil baka mahilo ako sa air freshener, kung may pambili pa sila n'un. Lagi kasing kontra sa pang-amoy ko ang pang-amoy ng kahit sinong tsuper. At napag-alaman ko rin kamakailan na mas malamang na maisakatuparan ang planong hold-up sa aircon bus, kunwari nakabulatlat ang mga kortina, 'yun pala may holdapan nang naisasakatuparan sa loob. Katuwa-tuwa 'yung regular bus na nasakyan namin, mantakin mo ba namang kay ayos-ayos. At dahil umuulan nga nang madaling araw na 'yun, mega tulo from heavens above ang tubig sa bus. Para lang kaming walang bubong. Nakanamang bus 'yan. High quality talaga! No match ang iba! Sa'n ka pa?

Mabuti't mabilis na natapos ang kalbaryong 'yun dahil wala namang masyadong traffic. Sumakay kami ng dyip, at bumaba't tinahak ang kalye sa may amin, kung saan hindi miminsang may napabalitang nakikialam sa mga pinto't gate sa madaling araw (sa pagtatangka marahil na malooban ang bahay ng may bahay), kung saan hindi miminsang makaririnig ng putok ng baril (dahil sa mga argumento o simpleng napagkursunadahan lang), kung saan hindi miminsang may napabalitang na-holdap (at hindi rin kailangang gabi ang holdap; kahit pa 'yan alas dose ng tanghali). Ayos. Ala-una ng madaling araw. The best.

Sa awa ng Diyos, hindi umatake't nangyari ang alinman sa mga nabanggit noong naturang gabi. Nakauwi naman kami nang matiwasay, at nakapanood ng tsismis sa The Buzz kinabukasan, siyempre pa't ukol na naman sa nakalipas na malaking gabi.