Saturday, October 6, 2007

ISANG LINGGO

SA WAKAS, natapos na rin ang lahat.

Well, hindi naman lahat. Pero halos lahat.

Isang linggo na lang, tapos na naman ang isang semestre. Pagkatapos nito, limang semestre na lang.

ENIWEY, may ilan akong nais isulat nitong nakaraan, na hindi ko mai-segway dahil sa namumutiktik na school requirements. Dahil medyo nalibre naman ang oras ngayon (pansamantalang pagpapahinga lamang ito, dahil finals week na sa susunod na linggo), heto't isusulat ko na ang mga utang kong entry. Ipagpalagay na sinulat ko ang mga entry na 'yan sa araw na nakasulat sa ibaba ng pamagat.

UNA,

---------

KAMALASA'T KALUWALHATIAN: IKALABIMPITONG LARO
Huwebes, 27 Setyembre 2007

Ngayong araw, nagharap sa ikaapat na pagkakataon sa Araneta Coliseum ang magkaribal na paaralan sa bansa: ang ATENEO at La Salle. Matatandaang dalawang beses namayagpag ang Agila laban sa mga, umm, tagapana noong elimination round. Ngunit nang pumalpak laban sa NU, kinailangang maglaban ng dalawang eskuwelahang ito para sa twice-to-beat advantage, at alam nating 'natalo' ang mga dugong bughaw sa score na 64-65.

Naungusan ng mga Agila ang mga tigre noong Linggo (23 Setyembre 2007), 69-64. Kailangang kalabanin nang dalawang beses ang mga taga-Taft upang makuha ang ikalawang puwesto, at makalaban sa matagal nang naghihintay na UE.

Katulad n'ung laro laban sa UST noong Linggo, may libre muli mula sa OAA (sa mga hindi Atenista, Office of Admission and Aid 'yan). Subalit kung n'ung Linggo, Upper Box B ang ipinamudmod, itong laban sa La Salle, General Admission na lang. Pero ayos lang naman, at least mayroon, libre, at hindi na kailangang makipag-gitgitan sa pila.

Umaga pa lang ng araw na 'yun, as in alas siete ng umaga sa PE class, pinag-iisipan ko na kung ako ba'y liliban muli mula sa klase ko sa Psych. Ikalawang pagliban na ito kung sakali, at pareho pang ukol sa laban sa UAAP ang dahilan. Inuudyok ako ng kaibigan kong mag-cut na lang muli para sabay na kaming pumunta, kahit pa Upper A ang nakulimbat niyang ticket mula sa isang scalper (wala ang bisa ng kanyang koneksiyon sa mga panahong 'yan, kaya naman umasa siya sa scalper, at akong dating umaasa sa kanya, umasa na lang sa OAA. Hahaha). Hanggang sa pagtatapos ng Fil Class (1230-130PM), mega pinag-iisipan ko pa rin kung ako ba'y magcu-cut muli o hindi, At nang ako'y nasa third floor na (kung saan naroon ang aming Psych classroom), napagdesisyunan kong papasok na lang ako. Last formal regular lecture meeting na raw kasi, at isang buong chapter pa ukol sa Social Psychology ang tatalakayin. Hindi na maaaring iurong ang nakatakdang longtest sa Martes sa susunod na linggo.

Bagaman consensus ng lahat na wala rin naman akong matututuhan sakaling ako'y pumasok, sinuway ko pa rin ang kanilang payo. Siyempre ako si mega "baka sakali..." Baka sakaling may himalang maganap at may mabanggit ang propesora na wala sa libro, na ikadadali ng pag-unawa sa libro.

At hindi sila nagkamali. Sana nga nag-cut na ako. Kung gan'un, hindi ko na sana mararanasan ang samu't saring mga kamalasan bago mapadpad sa Coliseum. Well, tanggap ko pa rin naman sana ang pagpasok. Kahit hindi ko masimulan ang laro, ayos lang. Sigurado naman, aabot pa ako sa kalagitnaan ng unang quarter. At 'yun ang akala ko.

Habang klase, halatang-halata ang nagbabadyang masamang panahon. Mega dilim ng kalangitan, at mega lakas ng hangin. Ilang minuto bago matapos ang klase, umiyak na ang langit. Humagulgol ever. Ewan ko na lang.

Siyempre, todo-pagmamadali naman ako at nang kaunti lang ang hindi masilayan sa laro. Todo sugod sa punyemas na unos. Ang lakas ng hangin. Nagpayong ka nga, iba naman ang direksiyon ng patak ng ulan. Ending, basa ka rin. Baha pa sa mga kakalsadahan sa eskuwela. Sa mga Atenista, mukhang ilog na 'yung kalsada sa gitna ng trike terminal at Gonzaga. Hindi ilog na mapayapa; ilog na rumaragasa. Nagngangalit ang pagdaloy ng tubig. Hindi blue, brown.

Ewan ko na lang. Siyempre, sinubok kong tumawid. Pero hindi! !@%$&#! Malakas talaga ang agos ng tubig. Ang ginawa ko, naghanap ng baka mas mataas na bahagi ng kalsada, at doon sana tatawid. Hanggang sa may Berchman's, mukhang ilog 'yung kalsadang ngayo'y isinusumpa ko na ang pangalan. Dahil lalong lumakas ang paghagulgol ng kalangitan, muli akong naghanap ng masisilungang bubong. Bumalik ako sa Berch, at hanggang sa may hita ang basa ng pantalon ko. Juice ko.

Ang masaklap d'un, ang timang ng desisyon ko. Lumabas na nga ako at nabasa, babalik pa ako kung saan ako nanggaling. Alangan namang biglang tumahan ang langit pagpasok ko? Ibig sabihin, lalabas ako muli kung saan ako lumabas kanina. Parang concert, may repeat. At hindi nga tumigil ang buhos ng ulan.

Dahil nadiskubre ko ang katimangang 'yan pagpasok ko sa may Berch, lumakad na uli ako sa EDSA Walk para lumabas uli sa may Gonzaga. Eksakto, ganyan rin ang paraan kung paano ako lumabas kanina (pero hindi ako galing ng Berch kanina, galing ako ng Kostka). Siyempre, mega basa na naman ang kapanatalunan ko. Pero dahil namulat na ako sa katotohanang maaaring tumagal pa ang nasabing unos, sumugod na ako kahit high tide pa rin sa kalsadang 'yun. At ako'y nasa trike terminal na.

Hindi nagpakonsuwelo ang mga balasubas na nagmamaneho ng kani-kanilang mga kotse. Todo mega harurot pa rin sila, at dahil nga high tide, todo mega sambulat rin ang kabahaan (with matching kaputikan) sa aming mga nakapila. Kung may naaalala kang patalastas ng isang facial wash, parang kung paano naghilamos 'yung modelo. Wisik to the max.

Hindi naman gaanong nagtagal bago ako nakasakay ng tricycle. Siyempre, mega traffic na sa kahabaan ng Katipunan. At unti-unti na ang pagtila ng ulan. Ang nakakairita, may sumisilip nang sinag ng araw. Lumiliwanag na ang kalangitan. Hindi rin naman pala magtatagal ang gayong unos, sana nagpatila na lang ako bago lumarga pa-Coliseum.

Pagkalipas ng mga labintatlong taon, narating na namin ang MiniStop. At bilang iba pang patunay na hindi ko lang gawa-gawa ang paghagupit ng masamang panahon, kahit itanong mo sa Julie's Bakeshop. Bumagsak ang karatula nilang nakapaskil sa labas, 'yun bang pangalan ng bakeshop. As in bumagsak. Juice ko.

Siyempre, dahil maong, hindi kaagad-agad na natuyo ang pantalon ko. Ibig sabihin, samantalang ako'y nasa LRT, mukhang kakukuha ko lang mula sa sampayan (ng mga nilabhan wala pang isang oras ang nakalilipas) ang suot-suot kong pantalon. Mabuti't nakatayo lang ako, at walang lumandi at nagsabing "EEEWWW, WET!" [Katulad ng karanasan ng isa kong kaibigan noong kapanahunan ng bagyong Egay.]

Nang ako'y makarating na sa Coliseum, hindi ko pa alam kung paano pumunta sa GenAd. Mabuti't hindi rin naman masyadong nagtagal at namataan ko rin ang hagdanan papunta sa nasabing section. Buti rin at nakapasok ako doon na sa kampo ng mga dugong bughaw. May nakasabay pa akong mga mega green, at nang kanilang matanaw na mali ang kanilang pinasukan, masarap sabihing "Excuse mee, hindi po kayo rito." Wahahahaha!

Dahil todo mega sikip na sa napasukan ko, napagpasyahan kong maglakad-lakad at maghanap ng medyo mas maluwag na lugar, dahil mukhang mayroon naman. Nang mapasulyap ako sa score board, second quarter na pala, at apat na minuto na lang ang nalalabi sa unang kalahati ng laro. Sumpaing ulan.

Sa aking pagtatangkang maghanap ng lugar kung saan ako'y makakahinga at makakapalakpak nang matiwasay, may isa na namang kamalasang nangyari. Sumabit ang aking kanang balikat sa sign/billboard/advertisement ng Bench/. 'Yung UAAP Uniform ko pa naman ang suot ko (isa 'yang tshirt na lagi kong suot sa mga laro sa UAAP, puwera n'ung laro laban sa UST nitong Linggo. Natalo kasi n'ung isang taon n'ung ito ang suot ko, kaya naman napagpasyahan kong magpalit, at sa kabutihang palad, nanalo kami n'un. Haha.)

Mabuti na lamang at hindi naman sumabit nang sobra at hindi nawakwak ang buong tshirt. Dahil mega mega mega diyahe na 'yun kung gan'un. Natastas lang nang kaunti ang kanang balikat, pero medyo halata rin at hindi ko alam kung maisusuot ko pa ang nasabing damit sa hinaharap.

Keber na lang sa tshirt. Mega cheer na lang. Ang napansin ko sa GenAd, kahit nandoon ang lahat ng drums ng aming paaralan, matamlay ang cheering ng mga tao. Mas wild pa mag-cheer 'yung mga nasa Upper Box (A man o B). Naapektuhan rin tuloy ang aking pagsigaw bilang suporta sa aming koponan. Masagwa kasi na todo sigaw ako--mag-isa lang din kasi ako; mabuti kung may kasama ako na makikisigaw rin. 'Yung mga katabi ko naman, walang paki. Ewan ko kung naghahanap lang sila ng prospective snatch victim o tahimik lang talaga silang manood ng mga laro.

Anyway, as usual, dikdikan na naman ang laro. Kailan ba naman pumayag ang makabilang kampo na makalamang nang sobra 'yung isa? Pero matapos ang lahat, matapos akong madiyahe sa kasisigaw kahit ako lang mag-isa ang ngumangawa, pagkatapos ng pag-upo't tayo kada time out (oo, maluwag sa ibang bahagi ng GenAd. As in maluwag, puwede ka pang humilata), at matapos akong magpatuyo ng pantalon, ipinasok ni Chris Tiu ang bola nang malapit nang maubos ang oras, pati na pag-asa ng mga asul. Natapos ang lahat sa puntos na 65-64, at muling maglalaban ang dalawang eskuwelahan sa darating na Linggo (30 Setyembre 2007).

Mukhang mega tiba-tiba ang Araneta sa season na 'to ah. Ikalimang pagtutuos na 'yan sa Linggo, at sa mga laban pa lang ng magkaribal na eskuwelahan, lagi't laging halos sold out ang buong Coliseum. Magpatayo na lang kaya ako ng coliseum, tapos ahasin ko ang kontrata ng UAAP, NCAA, PBA, at ng kung anu-ano pa man. Malamang saksakan na ako ng yaman ngayon. HAHAHA!

Para siguraduhin ang aking pagyaman, pati mga scalper na pawang mga tauhan rin naman ng Coliseum, aagawin ko na. HAHAHA part 2!

GO ATENEO! Isa pa sa Linggo!

---------

At dito muna magtatapos ang aking supermega delayed entry. Antabayanan ang kasunod, na lalo namang delayed. Haha.