Tuesday, April 29, 2008

BAGO ULI

[Sa tradisyon ng masinsinang pagsipat sa unang episode ng mga teleserye, inyo ngayong nababasa ang entry na ito. Haha.]

Matagal-tagal na rin akong hindi nakapagsulat ng anuman sa mumunting espasyong ito, at dahil ugali ko namang manyorba ng kung anu-anong mga bagay-bagay, hayaang isambulat ko ang aking mga pagpapalagay ukol sa bagong seryeng nag-ere ng unang episode kagabi (28 Abril 2008): walang iba kundi ang Maligno.

Marami nang serye ang nagpakita ng kani-kanilang unang episode (dahil kung hindi, malamang wala ang mga seryeng 'yun ngayon), subalit hindi ko kinayang bigyan lahat ng paunang pagsusuri. Hahahaha, "pagsusuri." Marahil dahil marami lang akong pinagkakaabalahan sa mga kapanahunang iyon, o dahil sa imortal na kadahilanang tinamad lang ako. Ngunit bilang tributo kay Direktor Wenn Deramas (A.K.A. Wenn D.) at sa kanyang butihing staff, narito ako para magbigay ng ilang pamumuna. HAHAHAHA, feeling eksperto.

Oh well, e 'di ayun na nga, nagsimula ang isa sa pinaka-inabangan kong serye sa balat ng telebisyon. Una, dahil horror-horroran daw, at mega mahilig ako sa gan'ung mga tipo ng palabas. Ikalawa, dahil baka may pinagkaiba naman ang seryeng ito sa unang handog ng Susan Roces Cinema Collection, na itago natin sa pamagat na Patayin sa Sindak si Barbara. Susmarya kung susmarya, nagsusumigaw at nagpupumilit kasing magpaka-horror ang palatuntunang 'yun. Biruin mong magmukha nang echusa ang Jodi Sta. Maria para lang ipangalandakang isa siyang multo; kesehodang maubos lahat ng uri ng kolorete sa mundo, basta magmukha siyang hindi tao. Sa pananaw ko lang, hindi ba mas malaking hamon para sa aktres na palitawing multo siya kung normal lang ang pagmumukha? At hindi ba mas nasukat ang kanyang husay kung kinaya niyang takutin ang lahat kahit walang nakabudbod sa kanyang pagmumukha? Hindi lang kay Jodi ang pamumunang ito, special mention rin ang paghiyaw dito't diyan ng Kristeta Aquino, na hindi mo maunawaan kung nakakita ba talaga ng hindi pangkaraniwang nilalang, o nahirapan lang maglabas ng kanyang mga kinain. Hindi lang rin ito sa mga nagsiganap, idamay na ang buong staff.

Bago pa ito maging tuluyang rebyu sa kababanggit na teleserye, ang ikatlong pang dahilan kung bakit ko inantabayanan ang Maligno ay dahil nga horror-horroran daw ito.

Sa umpisa pa lang, may napansin na akong medyo maechos para sa aking pananaw. Bakit may demonyong nagsalita? As in VO (voice over) na nagsasalaysay kung ano ang background ng istorya. Kesyo kadiliman kadiliman chenes raw. Hindi pa ba sapat na alam na nga ng santinakpan na horror na nga 'yun? Bakit kailangan mo pang ipagduldulan na may demonyong kasangkot? Parang ipinagdidikdikan lang kasi sa mga manonood na HORROR ITO. SUSPENSE BAGA. NAKAKATAKOT.

Well, 'yun din ang inasahan ko--na nakakatakot nga. Ngunit datapwat subalit, katulad ng mga naunang serye, mistulang naging katatawanan sa akin ang maraming bahagi ng unang episode.

AT ispeysiyal mensiyon din sa sulating ito ang madre-madrehan na lumabas sa mga unang minuto ng palabas. Heto na nga't todo-hagulgol si Rio Locsin dahil kakailanganin niyang iwan ang sanggol d'un sa kumbento. Si madre, ang itinugon, "'Wag kang mag-alala aalagaan namin siya" sa tonong walang kagana-gana ni katiting. Parang hindi sanggol 'yung iiwan. Tila baga nagpaiwan lang 'yung ale ng katiting na kagamitan sa baggage counter ng paborito mong mall. Parang araw-araw lang may nag-iiwan ng sanggol d'un, at wala nang kaso dahil sanay na sanay na sila. Parang hindi hagulgol galore ang ginawa ni Rio Locsin, eh.

Ngayong binabalikan ko, naisip kong hindi ko yata pala naintindihan kung bakit iniwan 'yung bata. Ang naaalala ko lang, may sa demonyo yata 'yung sanggol. Na kesyo may sinalihan raw silang kulto whatsoever na akala nila magpapaahon sa kanila subalit lalo pang nakapagpahamak sa mga buhay nila. Ewan ko, ni hindi nga yata ineksplika nang dibdiban kung ano 'yung kulto, dinaanan lang yata sa isang one-liner, eh sa tingin ko, isa 'yun sa mga ubod ng halagang bahagi na kailangan mong ipaintindi, dahil doon babatay ang kung paano mo ie-establish ang tauhan. Ewan ko lang kung hindi talaga naipaliwanag, o hindi lang ako nakinig dahil abala pa ang utak ko sa pag-analisa ng ginawa ni madre-madrehan.

Nakaranas rin naman ako ng major gulantang sa seryeng ito. Akalain mong sa unang episode nagsimatayan ang maraming tauhan. Nadisgrasya lahat ng karakter nina Rio Locsin, Susan Africa, at Gaspar (asawa ni Simang sa isang lumang panoorin na Jojit raw yata ang unang ngalan). Subalit, bagaman gulantang factor ang bagay na ito, hindi na ako nagulat sa pamamaraan kung paano sila nagsipanaw.

'Yung isang lalaking hindi ko naurirat kung da who, nasagasaan. O sige, hindi ko inasahang may gan'ung pangyayari. Tapos, 'yung iba nagtakbuhang parang mga naulol. So mega taka naman ako kung bakit. At naisip ko nang may mga sisibakin pang karakter. Hayun si Gaspar, nagtago sa pison. May biglang lumitaw na mga taong nakaitim, mistulang may armas, na hinahanap siya. Medyo tan-g-a, kaya hindi siya nakita at nalampasan siya. Pero gaya ng inisip ko na, biglang umandar ang pison at napisa ang kawawang Gaspar.

Muli, bakit parang walang pagpapaliwanag na anuman kung da who 'yung mga nakaitim na nilalang? Bakit parang biglang tinugis ang ating mga bida nang walang anu-ano? Saan nanggaling ang mga 'yun?

Siguro itong susunod na ang highlight ng gabi. Ito namang si Susan Africa, lumuwag yata ang turnilyo. Dumako sa riles at akmang magpapasagasa sa tren. Bigla namang ipinakita sa screen ang unti-unti nang lumuluwag na "Railroad Crossing" sign habang alam ng lahat na may paparating na tren. Inisip ko nang 'yung sign ang makapagdudulot ng kamatayan sa nabaliw na Susan Africa. Ayan na, may tren na, at hayun nga, lumihis ng landas ang tren. Naman, gusto diumanong magpasagasa, pumuwesto pa sa lugar na may likuan ng tren, naiwasan tuloy siya. Pinakita uli ang "Railroad Crossing" sign, at mukhang malalaglag na talaga. Maya-maya, nawala si Susan Africa, napalitan ng pipitsuging computer-generated image, at may bumagsak ring computer-generated "Railroad Crossing" sign, at ito ang kanilang pagpapakita kung paano sinundo ni kamatayan ang karakter. Pagkatapos ng balahura con todong computer animation, may nakahandusay na tila malaking manika, at nakasalaksak ang krus ng "Railroad Crossing" with matching dugo-dugo.

Si Rio Locsin naman, namatay sa kosteng kuba. Pagbalik nila ng isang bata galing sa pagtunghay ng pagkamatay ng kanilang mga kasama, bigla na lamang may sumakmal kay Rio mula sa likod at pinagtataga. Mega hiyaw ang bata, pero hindi ko na alam kung ano ang nangayari sa kanya, pati na d'un sa sanggol na iniwan sa mga madre.**

Siyempre, hindi naman ako nakatutok con todo sa seryeng ito. Lumipat rin ang estasyon sa aming telebisyon sa Channel 5, at nanood kami ng Wow Mali samantalang patalastas pa naman sa Dos. At siyempre rin, pagbalik namin sa Dos, may mga eksena na kaming nalaktawan at hindi napanood. Namulat na lang ako, naroon na si Claudine Barretto sa telebisyon, nagrereport, samantalang ito namang si Rafael Rosell, mega pagnanasa galore sa reporter. Umabot pa sa puntong pinagdidilaan niya 'yung TV screen para lang "matikman," bagaman sa hindi tunay at tuwirang pamamaraan, ang kanyang pinagnanasaan.

Makikita rin ang pagdalaw ng uhaw na uhaw kay Claudine na si Rafael sa opisina ng reporter, na kumakain ng cake sa kakila-kilabot na pamamaraan. Bagaman tila may kulang sa takot reak ng media personality, karapat-dapat mabanggit ang eksenang ito--na para sa akin, umabot sa rurok ng kilabot factor.

Sa bandang katapusan ng unang episode na ito, masasaksihan ang quasi-kontrobersiyal na rape scene sa pagitan ng bidang si Claudine at ng demonyong ginagampanan ni Rafael. Umaatikabo ang naturang eksena, at tila baga sa kauna-unahang pagkakataon, nabiyayaan ng suspense factor ang kaawa-awang seryeng ito. Sinasabing may pinabago ang MTRCB sa eksenang ito, dahil raw tila hindi masyadong pambata ang naturang pangyayari. At malamang na maraming batang nanonood at nag-aanatabay sa seryeng ito. Marahil may punto nga ang MTRCB, pero para sa mga tulad kong humahanap pa ng mas marami (magis, ika nga. Hahaha), sana naging mas agresibo ang naturang pagpapalabas. Hindi naman agresibo as in pagpapakita ng mga hindi dapat na isinisiwalat, pero agresibo sa pamamaraang ramdam mo pa rin ang tensiyon ng eksena, maging ang pagnanasa't 'kahayupan' ng nanggagahasa, lalo ang pasakit na dinanas ng biktima. Sa palagay ko, gusto kong makita 'yung unedited version, dahil mukhang mas makikita ko d'un ang mga elementong ito.

Bawas-bawasan na rin pala sana ang demonyo VOs, dahil nakakasawang ipinagdidikdikan at ipinagduduldulang "HORROR ITO. MATAKOT KAYO."

Sa pangakalahatan, masasabi kong hanga ako sa ginawang pagganap ni Rafael Rosell sa papel ng demonyo. Kita ko 'yung kailangang atmospera ng pagkabaliw-baliwan, at ramdam ko rin ang pagkahayok sa pinaniniwalaan niyang dapat na isagawang misyon.

May kulang kay Claudine sa gabing ito; parang hindi ko pa ramdam kung ano talaga ang dapat niyang ginagampanan. Pero ayos lang, may pakiramdam akong magiging mas matiwasay ang kanyang pag-arte sa mga susunod pang araw.

Mukhang pag-arte na lang rin ang aantabayanan ko sa seryeng ito, dahil umpisa pa lang, medyo batid ko nang sa buong panahong itatagal nito sa ere, walang anumang uri ng katatakutan ang maaari kong maranasan. Pero SANA, bigyan sana sila ng mga espiritu ng sapat na kakayahan para manakot nang walang demonyong nagsasalita bilang VO, nang walang pipitsuging "Railroad Crossing" sign eksena na mauulit, nang walang pisong bigla-bigla na lang aandar nang kusa, nang walang echusang nangyayari samantalang hindi naman nagpapaintindi. Sa palagay ko, ang mga ito ang nangwawasak sa kung anumang katatakutan at kapraningang naiparating sana sa manonood.

Ang hanap ko lang, 'yung seryeng hindi masyadong maechusa sa effects kung alam namang mababalahura lang ang lahat kapag pinilit pang lapatan ng mga kalandian.

Purong pananakot lang, purong panggigimbal. Harinawang maihatid.

-------
**Edit: Sabi ng kapatid ko, si Rafael Rosell na 'yung batang kasama ni Rio nang pinagsasaksak siya. Tapos si Claudine Barretto na 'yung batang iniwan sa kumbento. Hindi ko alam kung anong uri ng anito ang sumanib sa kanya kaya niya naintindihan. O baka ako lang naman talaga ang hindi nakaunawa. Haha.

Saturday, February 9, 2008

DRAMA

Matagal ko na itong gustong sulatin, medyo mga dalawang linggo na marahil ang nakararaan. Subalit dahil sa dami ng kaechusahan sa eskuwelahan na bumagabag sa mapayapa kong buhay, medyo dalawang linggo ring simot sarap ang oras ko sa pagpapakalunod sa mga kailangang gawin. At dahil magmula kani-kanina'y medyo magwawakas nang panandalian ang mga echusa sa buhay estudyante ko, nakahagilap rin ako sa wakas ng oras para maibalita ang gusto kong ipangalandakan.

Medyo kinilabutan lang kasi ako. Noong ikalabinsiyam ng Enero, kasalukuyang taon, nagdiwang ng ika-labing walong kaarawan ang butihin kong pinsan. Mega selebrasyon, at medyo nagsidalo ang karamihan sa mga kamag-anakan at kakilala.

Muli namang nagtagpo ang tatay ko at ang kanyang friendship na may kaugnayan rin sa debutante (hindi ko matandaan kung tito ba, ninong, kapatid ng pinsan ng kapitbahay ng kapatid ng tita niya, o simpleng kapitbahay lang). Todo inuman, todo kuwentuhan.

Nang umabot na sa puntong tapos na ang programa, medyo chill-chill pa ang mga utaw sa pinagdausan ng event. Pero maya-maya lang rin, mga alas dose ng hatinggabi, nagsimula nang magsiuwian. Pagkatapos magbalot ng mga take-home chibog ng nanay ko (ahahaha), nagkayayaan na rin kaming magpapamilyang umuwi na.

Heto namang tatay ko, nawili sa kaiinom. Mauna na raw kami. Take note, Blumentritt, Maynila, mag-a ala una ng madaling araw. Ang saya-saya 'di ba. Tapos, balikan ang paglalarawan ko sa kalsada sa may amin noong entry ko pagkatapos manood ng PBB Edition 2 Big Night. Perpektong perpekto para sa kung anumang krimen. Pumili ka na sa Robbery, Rape (assuming uli. Hahaha), Robbery with Rape, Homicide o Attempted Homicide, Robbery with Homicide, Murder, Robbery with Rape with Homicide plus Murder, o kahit na anong krimeng binibigyang-kaparusahan ng Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas at ng Revised Penal Code. Tapos pauuwiin kami ng tatay ko nang hindi siya sasama. Juice ko.

Sa kabutihang palad, humihinga pa ako hanggang sa mga oras na ito at itina-type ang entry kong ito. Anyway, labas na 'yan sa isyung nais kong talakayin.

Nang magyaya kasi akong umuwi na, ipinakilala naman ako ng aking ama sa kanyang kanina pang kakuwentuhan at kainumang friendship. At pagkatapos ng introduksiyon sa kanya, pati na rin sa kanyang anak, sabay nabanggit mula sa kawalan na pupunta ako kinabukasan sa Bilibid para sa pagtatapos ng echusa workshop ng aking organisasyon.

Sabay banggit naman ni kaibigan (paumanhin, hindi ko natatandaan ang kanyang ngalan) ukol sa isang pakiusap. Yaman din lamang at tutungo ako ng Bilibid, pakitanong ko na rin raw kung ano na ang estado ng isang Rey Yap, na dating Mayor ng Misamis, na kaibigan raw niya. Nabilanggo raw kasi ang nabanggit, at nais niya lamang malaman kung ano na ang estado nito, kung nand'un pa rin ba sa Bilibid o nakalaya na. Medyo matagal na rin daw kasi silang hindi nagkakausap, o nagkakakitaan, kaya naman nais raw niyang dalawin kung sakali.

Sa isip ko, mahirap itanong ang ganyang impormasyon. Hindi naman kami sa opisina pupunta, at may nakatalaga lamang kaming programa sa kung ano ang gagawin namin sa loob, at oras ng pagpunta. Pero siguro, susubukin ko na lang usisain sa kung saan bukas. Pero medyo diskumpiyado na akong makukuha ko ang impormasyong kanyang ipinakikiusap, kaya medyo pahiwatig na akong baka hindi ko maitanong. Ang sabi niya, tanong lang naman, pakitanong raw.

Eh 'di kinabukasan na. [Side note: Alas kuwatro pasado na ng madaling araw nakabalik ang tatay ko sa aming bahay.] Punta na kami ng org mates sa Bilibid para sa aming programa. Manaka-nakang pumasok sa kamalayan ko ang ipinakiusap sa akin. Pero dahil mukhang walang mapagtanungan, medyo hindi ko na tinangka pa. Hahanapin ko na lang siguro sa net, kako, baka may matagpuan akong impormasyon. O magdadahilan na lang. O kung anuman. Ewan.

Kinabukasan, naghanap ako sa net, pero sa kasamaang palad, kapag igoo-google ko ang pangalang "Rey Yap," walang lumalabas na mahalaga. Medyo umechos na rin ako ng kung anu-anong keyword, pero wala talaga. Bahala na lang, kako, saka ko na iintindihin kung tanungin ako.

Hindi matagal na panahon ang lumipas, narinig ko na lang sa TV Patrol ang pangalang 'yun, napaslang raw sa pamamaril sa isang korte sa Maynila. Siyempre naroon na ang kilabot moment; kahit hindi ko siya personal na kakilala, siya ang kamakaila'y nabanggit sa akin, kamakaila'y pinahanap sa akin at tinangka kong hanapin kahit na bahagya. Siya ang medyo hindi ko binigyan ng kaukulang pansin, sa pag-aakalang wala namang kung anong magaganap, tapos ngayon dedbol na. Sumalangit nawa.

At heto na ang pagmumuni-muni ukol sa buhay.

Hindi ko alam, pero nagdrama-dramahan lang siguro ako nang mapasaisip ko ang kaikian ng buhay ng tao. Biruin mo nga naman, heto ang prima facie evidence ng matagal na nating naririnig sa kung saan-saan na kesyo lagi raw hindi inaasahan ang mga mabibigat at/o kahit 'yung mga simpleng pangyayari sa buhay. Ni wala kahit saang sulok ng utak at imahinasyon kong malalagutan ng hininga nang ganoon kadali ang taong kamakailan lang ay pinagpaisip ako nang bahagya at pinag-alala sa kung ano ang isasagot ko(sakaling tanungin ako.

Nariyan na rin ang pagmumuning ano kaya ang puwedeng nangyari sakaling naitanong ko nga at napag-alamang wala na sa Bilibid ang taong 'yun noong mga panahong nakalipas, at naghe-hearing na lang sa Maynila. Sakali kayang naibalita ko sa nagtatanong, nagawan kaya niya ng paraang mahagilap kung nasaan na siya? At kung ganoon nga, nagawa kaya niyang kausapin? Nagawa kaya nilang magkakuwentuhan muli pagkatapos ng pagkaputol ng ugnayan? Lahat 'yan nasa lugar na saklaw na lamang ng "sakali," ng "baka." Kahit na kailan nga yata, mahirap ang makipagtunggalian sa "sakali" at "baka."

Well, nangyari na ang nangyari, pero dahil sa nangyari (ikatlong pag-uulit sa salitang "nangyari." Haha.), palagay ko may napulot na naman akong kung ano ukol sa buhay. Ang hindi pagsasayang ng bawat segundo dahil tunay ngang hindi mo alam kung ano ang susunod na kabanata. Ang paggawa ng nararapat at hindi pagpapaliban. Ang pamumuhay nang masaya, dahil bukas makalawa, hindi mo alam kung humihinga ka pa.

Drama.

Wednesday, January 30, 2008

PAGTATANGKA

Sa totoo lang, pahabol lang ito para nakadalawang entry man lang ako sa buwan ng Enero. Hahaha.

Heto ang isang pagtatangkang tumula, isang pagtatangkang ipahayag ang nararamdaman sa mga nakalipas na araw sa pamamagitan ng sukat at tugma. Medyo may katagalan na ito, ngayon ko lang mailalagak rito. Para eksakto, 19 Enero 2008, 10:10AM sa LRT V. Mapa Station ko ito natapos. Nakatutuwa lang balikan na may puwede palang maging produkto ang kautakan ko habang bumibiyahe. Hahahaha.

Babala: Medyo ma-dramang tagpo ito a la MMK care of Charo Santos, o Magpakailanman care of Mel Tiangco. Hahaha.

---------------------------------

KAPAGURAN

Sa mga ganitong kapanahunan:
Maraming katanungang
Hindi mo alam kung paano tutugunan;
Nakalilito kahit na kailan.

Akala mo malakas ka na,
Akala mo kabisado mo na't bihasa
Ka na sa pakikitungo sa problema.
Subalit lahat iyon ay akala lang pala.

Ramdam ko ang sikat ng liwanag;
Subalit hindi tagos ang sinag
Sa puso kong nangangalap
Ng kabuluhan at pangarap.

Nakapapagod rin palang makinig sa mga echusa ng mundo,
Kahit anong tapang at lakas siya ring maglalaho.

---------------------------------

Sa ngayon, mas nabubuhayan na akong muli. Marahil nga, hindi lamang talaga maiiwasan ang mga pagkakataong malulugmok tayo sa kapaguran o kalungkutan. Lahat siguro tayo nakaranas na ng ganyang moment. Pero siyempre, hindi maaaring habambuhay tayong malugmok at hindi makausad mula sa kalungkutan.

Mabuti't unti-unti na akong nanunumbalik sa dati kong anyo mula sa pagbabagong-anyong ito. Medyo nabahala ako dahil kahit tanungin mo pa ang kung sinu-sinong nakakikilala nang lubos sa akin, hindi naman madalas na umabot sa ganyang puntong makagagawa pa ako ng kaechusahang tula dahil sa kapaguran at kalungkutan. Harinawang patuloy kong mahanapan ng kahulugan ang mga kasalukuyang patuloy na nagaganap sa buhay ko, kahit gaano pa 'yun nakade-depress.

Kung may dinaranas ka mang kahit anong kaechusahan ngayon, ngiti lang. Keri lang 'yan, kaibigan. : )

Thursday, January 10, 2008

ISANG TAON

Ang bilis nga naman talaga ng pagtakbo ng panahon. Akalain ninyo, bagong taon na naman. Namaalam na ang 2007, sabay pasok naman ng 2008. Malalaman na lang natin, 2009 na, 2010, and so on, dot dot dot.

Kasabay nito, saktong isang taon na sa araw na ito ang aking minamahal na ryomar.blogspot.com. Isang taon na pala ang lumipas mula nang mairita ako sa isang major kabalahuraang serye, na naging sanhi ng paglikha nitong blog, at pagsulat ng ilan pang 'di malilimutang (OWS?? Hahaha.) entries.

Masaya naman ang nakalipas na unang taon ng aking bloglife, bagaman medyo naiinip yata ang mangilan-ngilan kong tagabasa dahil nuknukan ng tagal bago ako makapaglagak rito ng anumang bago. Minsan kasi, todo-todo ang kaechusahan sa eskuwelahan. Minsan naman, walang maisulat. May mga pagkakataon namang may gusto akong isulat, subalit dulot ng forever sakit na kung tawagin ay "katams," hindi na natatapos magpakailanman at napapanis sa drafts. May humigit-kumulang lima akong ganitong mga nabulok na ideya.

Nakakatuwa lang rin na sa isang taon ng aking blog, pumalo sa limandaan ang bilang ng site counter na nasa kanang bahagi ng pahinang binabasa mo ngayon. Kahit pa sa pagkuwenta ko mga higit dalawandaan at limampu sa bilang na 'yan ang kumakatawan sa mga panahong ako lamang ang bumisita, ayos na rin na may nasa mga dalawandaang napadpad sa blog na ito (kahit 'yung iba hindi naman yata nagbabasa), nang kahit paano marahil ay mabahiran sila ng ma-BrenDa kong pag-iisip. HAHA.

Nai-promote na rin ang balahura kong echos sa blog na ito ng mga mahal na patrong search engine, namely google, yahoo, at may kung ano pang mga iba. Katunayan niyan, hindi iilan ang napadpad rito dahil sa kanilang pananaliksik (kuno). Hayaang ibahagi ko ang search keyword ng ilang mga tao na naging sanhi ng kanilang pagbisita rito:

Jan 10
ano ang depinisyon ng context clues

Jan 9
mga himala ng poong nazareno
nazareno, nanghipo
karinderya instant noodle college
pagpili ng tamang kursong kukunin sa kolehiyo

Jan 7
mga balita ukol sa kawalan ng kubeta ng mga bahay sa pilipinas

Jan 6
ipaliwanag ang kapangyarihan ng wika, ang wika ng kapangyarihan by conrado de quiros

Dec 8
halimbawa ng pagmamalabis o exaggeration

Dec 7
sandaang panaginip balagtas

Nov 28
kadahilanan sa hindi pagtatapos ng mga estudyante

Nov 26
"uaap uniform"

Nov 25
saan nakaharap ang monumento ni jose rizal

Nov 23
branches of copytrade
mga proyekto o naisulat ni francisco balagtas
depinisyon ng context clues

Nov 22
ano ang tamang termino sa pagpunta sa cr
ano ang paksang pangungusap
halimbawa ng liham sa pagliban sa klase

Nov 20
kilalang litanya
depinisyon ng genre sa filipino 2
hindi malilimutang linya sa tv ad

Nov 18
kadahilanan bakit si rizal ang piniling bayani?
glutaphos dosage

Nov 17
kadahilanan ng mga estudyante sa pagliban sa klase

Nov 13
pagsasabuhay ng simpleng pamumuhay

Nov 12
mga kanta tungkol sa hinaharap

Nov 9
karapatang panunuligsa

Nov 7
mga baldadong pinoy na naglalaro ng basketball

Nov 4
background about glutaphos

At mayroon pang hindi ko na nakita ang petsa ng pagbisita:
chenes eklavu meaning

Heto lang ang random reak ko sa mga 'yan. Ikaw na ang bahalang pagtugmain kung saan ko 'yan reaksiyon:
1. Juice ko po!
2. Ano raw??
3. Mukha bang akademiko ang blog ko? Hahaha.
4. Umm, ewan ko na lang.
5. HAHAHAHAHA.

Hindi na rin naisali ang ilan pang mga keyword ng makalumang panahon, dahil para sa huling isandaang bisita lamang ang aking nakalap. Sa madaling salita, may mga mas aliw pang search keywords na nakapagpapunta sa unang 1-400 tao sa blog ko. Kung paano akong natawa nang lubos noon sa mga 'yun, gan'un rin ang pagkakunot ng noo ko ngayon dahil wala na akong maalala kahit na isa. Hmm, tutal naman at marami silang napadaan dito dahil sa glutaphos, gumamit na kaya talaga ako n'un? Hahahaha.

Salamat na rin sa mga personal kong kakilala na patuloy ang manaka-nakang pagdaan dito. Sana nakatulong rin sa inyo ang pagbabasa ng mga sinulat ko, kahit man lang panandaliang aliw (ano 'yan?!?!), pagkabukas ng isip sa mga isyu (well, ayon sa ilan kong narinig) o kung anuman. Sana 'wag kayong magsawa sa pagsuporta.

Mistula lang artistang nagpo-promote ng kung ano eh noh?? Nyahaha.

Isa lang pabati:
HABERDAY
ryomar.blogspot.com ! ! !

Harinawang mas maging matiwasay ang aking bloglife sa ikalawang taon nito. Tsaka na ang 2007 Flashback at/o Happy New Year entry. Katulad ng mga nakaraan, ang pagtapos ng mga 'yan ay dedepende pa rin sa lebel ng ka-busyhan at katamarang mamamayani sa mga susunod na araw.

Babatiin ko na lang rin muna kayo,
MALIGAYA
at
MAPAYAPANG
2008 ! !

(parang ang sagwa ng color combination. WAHAHA.)

Friday, November 23, 2007

ENGKUWENTRO

Kagabi, napadpad na naman ako sa aking ikatlong tahanan, ang dakilang SM San Lazaro. Para sa mga nagtatanong kung ano ang una at ikalawa kong tahanan (at siyempre masyado kong in-assume na may nagtataka e noh? Hahaha), ang butihin kong tahanan talagang inuuwian sa araw-araw ang una, at ang eskuwelahan siyempre ang ikalawa (talaga lang ah. HAHAHA).

Eniwey, kagabi kasi, may kasiya-siyang engkuwentro na naman akong naranasan. Mega lamyerda akong ganyan sa pinakamamahal kong ikatlong tahanan, at pababa ako ng escalator mula sa Ground Floor patungong Lower Ground Floor. Sa mga tulad kong bihasa sa lugar na 'yun, ang tinutukoy kong escalator ay 'yung sa may Jollibee, pababa sa may Dunkin' Donuts. Tuwang-tuwa ako habang tumitingin-tingin sa mga tanawin habang umaandar pababa ang nabanggit, nang biglang may tumabi sa akin sabay kalabit: "S'an na tatay mo?"

UFC! [Sa mga hindi pa nakababatid kung ano 'yan, UFC=Uy, Feeling Close!]

Major gulantang naman ang inabot ko dahil wala akong natatandaang gan'ung pagmumukha na kakilala ng butihin kong ama. Subalit dahil medyo bata pa ako noong panay ang dalaw ng mga kaibigan, katrabaho, at kasangga ng tatay ko, sumagi sa isip kong baka nga kilala niya. Sumunod ang tanong na: "Nasa bahay na tatay mo?"

Bilang kausap na may kaunti pang modo, sinagot ko naman: "Aah, wala pa po siguro, baka nasa trabaho pa."

Marami pang satsat na naganap. Pinuna pa niya kung gaano na kaputi ang buhok ko, na kesyo ang laki ko na raw pala, na kesyo et cetera, et cetera, et chusa. Naumpog pa ng kamay niya ang cellphone kong nasa bulsa ko, at naaalala ko ang bulalas niyang "UY!" Bago pa kami nakatapak sa Lower Ground, nagpasabi siyang pakibanggit at pakikumusta na lang daw siya sa tatay ko, ang dagdag pa'y pakisabi ko raw na nakita ko si Robert.

Hmmm, sinong Robert? Robert siya diyan.

Pagkatuntong namin sa destinasyon (ang dami nang kuwento, parang ang tagal ng pag-usad ng escalator), naianunsiyo niyang magbeberday daw ang anak niya. Ako namang nagsisimula nang magduda dulot na rin ng mga nakaraang karanasang muntik-muntik-muntikan na talaga akong malagay sa alanganin dahil sa panggogoyo ng iba, umakting na kesyo hindi ko narinig ang sinabi at lumihis ng landas, kasabay ng mahinang pagsabi ng "Babay na ho," para hindi niya marinig.

Ayos, hindi nga narinig. Pero naman, hindi pa ako nakalalayo, napalingon-lingon na siya at nadiskubreng napalihis na ako ng tinatahak na daan, lihis sa kanyang plano. Ang kasalanan ko, nilingon ko pa siya, nakawayan pa tuloy ako, sabay sabing: "Halika, bigay ko sa'yo 'yung invitation."

Sa hindi malamang kadahilanan, kahit medyo duda na ako sa tunay niyang pakay, sumama pa rin ako. Mula Dunkin' Donuts, napadaan kami sa bagong branch ng Copytrade, hanggang sa may tapat ng David's Salon, hanggang sa pumasok sa Supermarket. Habang tinatahak namin ang naturang paikot-ikot na landas, tila baga sa pamamaraaang walang kadire-direksiyon, nag-usisa siya ukol sa aking buhay. Gusto yatang siya na ang magsulat sa Wish Ko Lang o MMK para sa akin. Naitanong kung ilang taon na daw ba ako, sabay sabi ko naman "17 po," maya-maya'y nadugtungan ng "ay, 18 na po pala ako. Hehehe." Sabi ko na, hindi pa nga nanunuot sa lamanloob kong kabeberday ko lang at unti-unti na akong tumatanda.

Kung magtimang-timangan pa akong muli tulad ng ginawa ko kagabi, baka nga hindi na ako tumanda; baka isang araw, magising ka na lang na ako ang biktimang nasa "Police/Crime Section" (o kung anuman ang tawag d'un) ng paborito mong tabloid, o sa Ronda Patrol segment ng TV Patrol: ginahasa (assuming na naman e noh? HAHAHA), pinagsasaksak, ninakawan, pinugutan ng ulo, inagawan ng cellphone bago binaril, et cetera. Kasi naman, kasalanan part 2, sumama pa ako sa walang direksiyong paglalakad namin, at tumugon-tugon pa sa samu't sari niyang sumunod na mga katanungan.

Nandiyang naitanong kung kolehiyo na raw ba ako, at umoo naman ang timang niyong abang lingkod. Nausisa pa nga ang kursong kinukuha ko, at nang malaman niyang Legal Management, komento namang: "Aba, maganda 'yan."

Nandiyan ding tinanong niya ako kung may pera pa raw ba ako. Siyempre dahil hindi ako sinungaling, sabi ko naman, "Ayy,wala na rin ho eh." Sa mga oras na 'yun, umakyat to the highest level ang pagdududa kong may maitim na balak ang mamang 'yun. Magprisinta pa raw bang bibigyan daw ako ng limandaang piso, basta raw 'wag kong sasabihin sa tatay ko at baka magalit. Kesyo kagagaling lang raw ng mokong sa abroad. Haler, kahit pa gaano kayo ka-close ng tatay ko, walang sinuman ang magpiprisintang magpamudmod ng gayong salapi sa isang nilalang na anak lamang ng "kumpare" mo kuno, na makalipas ang ilang dekada, ngayon mo lang muling nakita.

Hindi ako naniniwalang may Santa Claus.

Naglabas nga ng wallet, wala namang ipinakitang kaperahan. Lalong tumibay ang hinala ko. Kung magbibigay siya talaga, magtatangka pa rin siyang maglabas ng PERA at hindi lamang wallet, kahit pa nagmi-mini protesta na akong huwag na lang siyang magpamudmod ng limandaan. Nang ilabas niya't buklatin ang wallet, isinara niyang muli nang mabilis sabay saksak sa bulsa. Palagay ko ginawa lang 'yun para hindi ko siya pag-isipan na nanakawan niya ako, dahil "may pera," take note con todo quotation marks, naman siya.

Naitanong pa kung kumain na raw ba ako. Dahil totoo lang ang namumutawi sa aking mga labi (CHOZ. HAHA), sabi ko naman hindi pa. Nag-alok siya, subalit tumanggi na ako, nagdahilang uuwi na rin naman ako. Habang nagaganap ang lahat ng 'yan, medyo mega paikot siya ng isang kumpol ng mga susing nakakabit sa keychain, kaya't naghihinala na akong dadalhin niya ako sa parking lot at d'un isasakatuparan ang maitim na adhikain.

Naghanda na akong tumanggi sakaling dadalhin niya nga ako sa madilim na lugar na kung tawagin ay parking lot. Pero nang kami'y umikot para lumabas mula sa Supermarket, siya na rin ang naging dahilan para maudlot ang anumang kanyang nais gawin.

Nagtanong ba naman: "Ano ba'ng cellphone number mo?"

Ako: 1. Sa isip lang: "Fans club kita??"
2. Sa tunay na buhay: "Uhmm, bakit po?"

Siya: "Aaah, ano, para kapag may kuwan, aaah, puwede kitang i-refer, para may pagkakitaan ka rin naman."

Ako: 1. Sa isip lang: "Hindi kaya ako ang pagkakitaan mo kapag hindi pa 'to natapos?"
2. Sa tunay na buhay: "Uhmmm, hindi ko po kasi kayo naaalala, naninigurado lang po."

Kumunot ang pagmumukha niya at medyo natagalan ang pagtugon, "Aah, pano'ng hindi naaalala?"

Sagot ko: "Hindi ko po naaalalang kumpare kayo ng tatay ko."

Sabay tanong naman niya, "Ano ba'ng pangalan ng tatay mo?"

Siyempre hindi ko sasagutin, dahil kung halimbawang sabihin ko nga ang pangalan ng tatay ko,

Let X=Pangalan ng tatay ko.

Ako: "Aah, X po."
Siya: "A! OO! Si, X nga! Magkumpare kami n'un..." and so on and so forth, dot dot dot.

Kung nagkagayon, malamang marami na siyang maiisip na mga kaechusahan at malalagay nang tuluyan sa alanganin ang buhay at mga pangarap ko. Baka hindi ko na 'to nasulat ngayon, at naibalita na ako sa TV Patrol bilang napaslang sa kung saan man sa paligid-ligid ng butihin kong ikatlong tahanan.

So ang isinagot ko, "Aaah, hindi po ba kumpare niyo kamo, e 'di dapat po alam niyo?"

Medyo natigilan siya nang kaunti at d'un nagsimula ang isang munting guessing game a la Norman (isa kong guro sa kolehiyo na araw-araw magpapahula ng salita at 'yun lang ang gagawin sa halos buong semstre, one word a day). Makalipas ang halos isang minuto,

"Aah, Tony ba?"

"Naku, hindi po."

"Ano ba'ng pangalan ng tatay mo?"

Hindi na ako umimik, at hindi na rin lumakad, para mapirme kami sa tapat ng Food Court. Sakaling i-harass niya ako, puwedeng puwede akong mag-eskandalo galore. Hehehe.

At talagang nanghula pa si kuya: "Uhmm, Carlito?"

Wala na ako sa mood makipaghulaan, kaya ang sabi ko: "Hindi rin po. Baka nagkamali lang ho sila." Sabay layas.

Hindi ko siya tinalikuran nang tuluyan kaagad, kaya medyo naaninag ko pa ang pagkadismaya sa pagmumukha niya samantalang ibinubulalas: "Ay, akala ko taga-Bulacan ka."

Haler, HINDI PO! Dumere-deretso na lang ang paglarga ko papalayo sa kanya, sabay grand entrance sa Book Sale, para mahimasmasan naman ako at malayuan ng demonyo. Napansin ko, habang pakunwaring tumitingin-tingin ng mga libro, medyo nanginginig ang tuhod ko. Kahit makailang-ulit na akong naganyan, mahal ko pa pala ang buhay ko at nagigimbal pa rin sa mga ganyang kaechusahan. Mas madaling ipayo na kesyo "sanayan lang 'yan," o basta "huwag magpamukhang inosente," o "umastang parang kabisado mo ang lugar kahit 1st time mo lang." Madali ngang magsalita, pero kapag naroon ka na mismo sa sitwasyon, mahirap gawin ang lahat ng ibinulalas ng bunganga mo bilang payo.

Hindi ko rin alam, malay ko kung in good faith ba talagang nagkamali siya, na walang malice o any unconstitutional intention. Subalit sa pagbabalik-tanaw ko, unti-unti akong nakukumbinsing in bad faith talaga ang mokong.

Kaya mga kids, talagang para yata sa ikabubuti natin ang imortal na linyang "Don't talk to strangers." N'ung nakaraang taon, may magtatanong lang sa'kin, hanggang sa unti-unti na akong na-harass at nagimbal.

Sa isang maikling paglalahad ng mahabang istorya noong magkakatapusan ng Agosto ng nakaraang taon, may kumaway sa akin sa may MMDA Waiting Shed sa Aurora Boulevard, malapit sa istasyon ng LRT2. Kesyo hihingi lang raw ng tulong dahil may bumastos at nanghipo raw sa pamangkin niya noong umaga ring 'yun. May nakuha raw ID, at magpapatulong sana kung makikilala ko raw o maituturo sila sa puwedeng makakilala. Naisip ko kalaunan, ang timang naman, manghihipo na lang malalaglagan pa ng ID?? Hanggang sa nausisa na ang buhay ko, kung saan daw ako nag-aaral, habang unti-unting dumadagdag paisa-isa ang nakikisalo sa aming kuwentuhan. Wala naman silang inilalabas na ID, at nang makatunog akong masama ang binabalak ng sa umpisa'y isa lang hanggang sa kalauna'y naging apat na lalaki, nagsabi na akong kailangan ko nang umuwi. Ang itinugon, mura. Pinagmumura ako, na kesyo nagtatanong lang raw sila nang maayos, tapos bastos raw ako't walang galang. Eh sa walang mailabas na ID, ano 'yun?? Hindi ko naman sila ka-close para bahaginan ng life story. Hinanap ko na ang ID na tinutukoy, pero iniiba nila ang usapan. Matagal kaming nagka-usap sa ilalim ng waiting shed, marahil inabot ng mga trenta minutos dahil sa pesteng ID kuno. Sa hindi malamang kadahilanan, siguro himala ng Maykapal, pinauwi rin ako't inihatid pa n'ung isa papuntang istasyon. Nakakahiya naman daw sa akin.

Akala ko talaga n'un, hindi ko na makikita kahit kailan ang mga kapamilya't kaibigan ko. At baka damputin na lang nila akong lulutang-lutang sa Ilog Pasig o sa Manila Bay. Pero sa lahat ng pagkakataong naganyan ako, salamat sa Panginoon na hindi ako napapahamak nang totohanan.

Ngayon nga, kung may manghihingi lang ng direksiyon kung saan ang ganito o ganyan, medyo hindi na ako sumasagot at nagdadahilang nagmamadali na ako. Pasensiya po sa mga tunay na nangangailangang hindi ko na nabibigyan ng tulong, ang karanasan po sa mga manggogoyong nagkukunwaring nangangailangan ang dahilan. Masisisi niyo ba naman kaming maraming beses nang muntik-muntikang mabiktima?

Kapag nga nadale ako ng isang social experiment ng Noypi: Ikaw Ba 'To?, malamang mapabilang ako sa mga pinangangalanang masamang Filipino. Kahit gusto mo talaga, magbabahagi ka pa ba ng buong-buong tulong kung naranasan mo na dati na masailalim sa sariling bersiyon ng social experiment ng mga ulupong sa lipunan? Kung alam mong anumang oras maaari kang pagnakawan, o sa pinakamasahol na mga sitwasyon, mabawian ng buhay ng mga tao sa kalsada na marahil nagpapanggap lamang na magtatanong ng direksiyon, nawawala, o kung anuman? 'Yang mga nanghihingi umano/kuno/kunwa ng barya, barya lang kaya ang hinihingi, o buong wallet mo ang pinag-iinteresan at pati buhay mo ang hingin?

Wednesday, November 21, 2007

HARASSMENT

Hindi ko na alam.

Ikalawang linggo pa lang ng semestre (actually kalahati pa lang ng ikalawang linggo dahil Miyerkules pa lang) sabog na sabog na ako. Kamusta naman, parang hithitero ng katol forever.

Sasailalim ka ba naman sa Law Class ng alas sais hanggang alas nuwebe ng gabi tuwing Martes, tapos ang simula ng Miyerkules, alas siete y media in the morning, sino kayang hindi sasabog? Idagdag pa ang cool na cool na Leadership & Strategy, aka LS10, isang major subject na isang beses lang sa isang linggo kung aming danasin; naman, bakit pa 'yun inilagak tuwing Miyerkules??

Idagdag pa further ang katotohanang hindi ako "morning person," ibig sabihin, pinasosyal ko lang at iningles-Ingles ang "tulugero ako/mantikero, at hindi kayang gumising nang pagkaaga-aga (as in 5:15AM tuwing MWF, at mga 5:45 naman tuwing TTh) para makarating nang matiwasay sa klase." Sa ibang salita, hindi na baleng hapon hanggang gabi ang mga klase ko, huwag lang umagang-umaga. Wala akong balak, ni guni-guning mag-audition bilang host ng Unang Hirit, o 'yung morning show na pinaghati-hatian ng NBN (Ch. 4), RPN (Ch. 9), at IBC (Ch. 13) tuwing umaga, kaya hindi ko kailangan ng ganitong training sa pagmulat nang maaga.

Harassment talaga araw-araw. Walang halong pagmamalabis. Kung maikukumpara, sa tingin ko pareho na 'yung pakiramdam ko n'ung week before finals nitong nakaraang semestre at ang pakiramdam ngayon. Sana mag-Pasko na, para maibsan kahit papaano ang ganitong impiyerno.

Wa na muna kome-komentaryo ukol sa mga propesor. Medyo marami kasi akong parang hindi natitipuhan, exception na marahil ang bentang bentang propesor ko sa Ec102 (Economics cheverloo). Isama na rin ang dakilang JSP1 (Japanese chenes) sensei na nakapagpapaaalala sa akin sa isa kong cool na cool na HS teacher.

Drama-dramahan mang ituring, MISS KO NA ANG HIGH SCHOOL. (Ewan ko lang 'yung mismong paaralan, pero 'yung buhay-HS, ka-miss talaga. Pagpasensiyahan, hindi ako mabuting alumnus [kung paano man ispelengin 'yan]. )

Dito na rin muna siguro magtatapos ang aking munting pagbubulalas ukol sa mga kapighatiang nararanasan sa unang dalawang linggo ng semestre. Harinawang umayos-ayos ang buhay-buhay hanggang sa muling pagbabalik ni Kristo.

So help me God.

Sunday, November 11, 2007

PAGPAPARAMDAM

Hello Philippines and hello world.

Ito na siguro ang pinakamaikli kong mailalagak dito sa aking mumunting blog site. Naman, medyo sandamukal pa ang nabitin kong mga komposisyon, na kung hindi isang talata, ay isang pangungusap pa lamang ang aking naisusulat. Kaya naman hindi ko rin maipaskil dito, dahil hindi pa talaga natatapos. At dahil medyo napaglipasan na naman ng limang dekada, pag-iisipan ko pa kung tatapusin ko pa.

Ipagpaumanhin, dahil hindi talaga ako makagawa ng paraan upang makatapos ng matinong ilalagay dito. (Para namang may matino nang nailagay e noh?) Para lang sa mga tagasubaybay ng blog na ito (meaning myself and imaginary friends. Hahaha. Choz!) nagpaparamdam lang po, baka inakala ninyong ako'y pumanaw na.

Oh well, bukas (12 Nobyembre 2007) magsisimula na naman ang isang semestreng kalbaryo. Wish ko lang maging matiwasay dahil naman, alas siyete y media in da morning ang aking unang klase. At take note MWF 'yun, ibig sabihin, tatlong beses sa isang linggo ko 'yun titiisin. Medyo ipinanalangin ko nang makailang ulit magmula nang malaman ko ang ka-iritasyong balitang 'yan na sana, sana lang, hindi ako magkanda-ewan-ewan dahil sa pagkahuli sa pagtuntong sa silid-aralan.

Marami pa sana akong kuwento, pero ito na lang muna. Hanggang sa muli, usap tayo, kaibigan. (Baligtad yata, 'di ba "kaibigan, usap tayo." 'yun? Whatever. Haha.)