Wednesday, November 21, 2007

HARASSMENT

Hindi ko na alam.

Ikalawang linggo pa lang ng semestre (actually kalahati pa lang ng ikalawang linggo dahil Miyerkules pa lang) sabog na sabog na ako. Kamusta naman, parang hithitero ng katol forever.

Sasailalim ka ba naman sa Law Class ng alas sais hanggang alas nuwebe ng gabi tuwing Martes, tapos ang simula ng Miyerkules, alas siete y media in the morning, sino kayang hindi sasabog? Idagdag pa ang cool na cool na Leadership & Strategy, aka LS10, isang major subject na isang beses lang sa isang linggo kung aming danasin; naman, bakit pa 'yun inilagak tuwing Miyerkules??

Idagdag pa further ang katotohanang hindi ako "morning person," ibig sabihin, pinasosyal ko lang at iningles-Ingles ang "tulugero ako/mantikero, at hindi kayang gumising nang pagkaaga-aga (as in 5:15AM tuwing MWF, at mga 5:45 naman tuwing TTh) para makarating nang matiwasay sa klase." Sa ibang salita, hindi na baleng hapon hanggang gabi ang mga klase ko, huwag lang umagang-umaga. Wala akong balak, ni guni-guning mag-audition bilang host ng Unang Hirit, o 'yung morning show na pinaghati-hatian ng NBN (Ch. 4), RPN (Ch. 9), at IBC (Ch. 13) tuwing umaga, kaya hindi ko kailangan ng ganitong training sa pagmulat nang maaga.

Harassment talaga araw-araw. Walang halong pagmamalabis. Kung maikukumpara, sa tingin ko pareho na 'yung pakiramdam ko n'ung week before finals nitong nakaraang semestre at ang pakiramdam ngayon. Sana mag-Pasko na, para maibsan kahit papaano ang ganitong impiyerno.

Wa na muna kome-komentaryo ukol sa mga propesor. Medyo marami kasi akong parang hindi natitipuhan, exception na marahil ang bentang bentang propesor ko sa Ec102 (Economics cheverloo). Isama na rin ang dakilang JSP1 (Japanese chenes) sensei na nakapagpapaaalala sa akin sa isa kong cool na cool na HS teacher.

Drama-dramahan mang ituring, MISS KO NA ANG HIGH SCHOOL. (Ewan ko lang 'yung mismong paaralan, pero 'yung buhay-HS, ka-miss talaga. Pagpasensiyahan, hindi ako mabuting alumnus [kung paano man ispelengin 'yan]. )

Dito na rin muna siguro magtatapos ang aking munting pagbubulalas ukol sa mga kapighatiang nararanasan sa unang dalawang linggo ng semestre. Harinawang umayos-ayos ang buhay-buhay hanggang sa muling pagbabalik ni Kristo.

So help me God.

No comments: