Tuesday, May 6, 2008

BALIKTANAW

Minsan, masarap talagang magbaliktanaw, lalo na kung pagkabata ang usapan. Sa entry na ito, inisa-isa ang mga katangian ng dekada nobenta na madalas masayang balikan at isipin.

Mabilis nga ang takbo ng panahon, at tila ibang-iba na ang kasalukuyan sa nagdaan. Marahil, hanggang sa alaala na lamang matatagpuan ang mga inilahad dito. Magkagayon pa man, masaya akong naging bahagi ng dekada nobenta, at litaw naman yata sa mga komentaryo ko sa bawat numero na masaya nga. Buti na lang pala naging batang-‘90s ako. Hahaha.

Galing kay blockmate Kim.

90's kid ka kung....

1. Masaya ka kapag naglalaro ka ng Tex at Pog. Kadalasan ang design dito ay yung mga palabas sa TV, mga drama o kaya anime, may dialogue pa. lol.
---Hindi ko alam kung natuto akong maglaro ng mga 'to. Hindi na ako marunong kung paglalaruin mo ako ngayon. Pero sigurado akong marami pang nakasalaksak sa kung saan-saang sulok ng aming kabahayan na mga Tex at Pog. Paborito ko kung sina Eugene ang nakalagay. Hahaha. Tapos may isang uri pa ng Pog na matigas, 'yun yata 'yung parang pamato o kung anuman ang tawag d'un.

2. May comics pa ang bazooka. Kahit di mo maintindihan yung Fortune Cookie sa huli ay collection mo pa rin yun.
---At binabasa nang mataimtim ang comics na laman ng bazooka. Hahahaha.

3. Uso pa yung tirador, yung gawa talaga sa sanga ng puno.
---Malas ko na lang na parang hindi na ako nakapaglaro ng tunay na tirador.

4. Ang mga babae naglalaro ng paper dolls na tigpipiso bawat isang set sa sari-sari store.
---Hahaha, umulan din yata ng ganito sa bahay dati care of my kapatid. Kung hindi mo pa alam ang depinisyon ng salitang "disposable," maglaro ka nito. Kaunting hawak lang, lupaypay con todo na 'yung paper doll. Haha.

5. Kung lalake ka, siguradong may pellet gun ka.
---Sa kasamaang palad, wala akong pellet gun. Mahal yata 'yun 'di ba? Pero nakapaglaro rin naman ako nito. Natatandaan ko pa, parang pansigang aparato ang baril na ito. 'Yung pinsan ko may ganito, tapos parang magbibiruan kami na ipuputok nang direktang direkta sa isa't isa.
Naaalala ko rin 'yung baril-barilan na may pulang "bala" (kulay pula) na pumuputok (tumutunog) nang malakas, at 'pag pinutok may amoy pang parang usok. Haha.

6. Humihingi ka ng dalawang piso sa magulang mo para maglaro ng video arcade sa sari-sari store. Favorite mo yung Sonic, Mario at Street Fighter at Tetris.
---Wala yatang sari-sari store sa may amin na sumideline sa pagkakaroon ng arcade. Isa pa, hanggang ngayon, hindi ako marunong mag-arcade. Basta dutdot lang nang dutdot. Hahaha.

7. Nagwa-watusi ka kapag New Year kahit pinapagalitan ka ng nanay mo.
---Pinalaki yata ako ng mga magulang ko para matakot sa paputok, kaya hanggang luces lang ang lolo ninyo.

8. Meron kang sapatos na umiilaw yung swelas kapag iniaapak mo. Mas sikat kung iba-iba yung kulay.
---HAHAHAHAHA! Nasaan na kaya napunta 'yung ganito ko? Naaalala ko pa, mabubuwisit ka na lang kapag hindi na umiilaw dahil sira na o wala nang batirya o kung anuman. Haha.

9. Merong at least isang Chicago Bulls na shirt sa bahay nyo. Madalas number 23 pa yung nakalagay.
---Walang ganito sa bahay. Poster ni Samboy Lim na lumilipad, mayroon. Nakakabit pa sa cabinet. ('80s eh, hindi '90s. Hahaha.)

10. Pinapatulog ka ng yaya/nanay mo tuwing tanghali o hapon para raw lumaki. Hindi na kasi pinapatulog ang mga bata ngayon tuwing tanghali di tulad nung panahon natin.
---Tapos parang sa una, kinokonsensiya ka muna: "sige ka, 'pag hindi ka natulog, hindi ka na lalaki." At kapag ayaw mo na talaga, takutan na ang drama. Ending, magkukunwari-kunwarian ka na lang na tulog, para walang gulo. Hahaha. Ito ang madalas na pinagtatalunan ng mga magulang at ng mga anak noon. Sayang hindi na pinapatulog ang mga bata ngayon. Siguro kung sinunod ko 'to, hindi lang ganito ang naging 'tangkad' ko.

11. Sinasabihan ka ng matatanda na may lalabas na pari o bigas sa sugat mo kapag hindi nilagyan ng alcohol pero in the end, betadine lang ang magpapatahimik sa inyo.
---Hindi nauso 'to samin. Kasi 'yung mismong mga nakatatanda sa akin (nanay, tatay, tito, tita, whosoever), alam ang hapdi kapag binuhusan ng alcohol ang sugat. Kaya pro-betadine din sila. Haha.

12. Kung babae ka, nagkaroon ka ng butterfly hairclips/rings. (si Jolina ang nagpauso nito)
---Not Applicable. Haha.

13. Kung medyo may pera ang pamilya nyo, nagpabili ka ng Polly Pocket.
---Ano ba ang Polly Pocket?

14. Naglalagay ka ng Kisses (yung mabango) sa pencil case mo, o kaya sa isang lalagyan na may bulak, alcohol at tinutusok ng karayom para mabilis manganak.

---HAHAHAHA! Uso 'to dati sa buong eskuwelahan. Kumbaga, ito ang norm. Deviant ka kapag walang kisses ang pencil case mo. At lahat, inaabangan ang nakapaninindig-balahibong panganganak ng kisses. Kinukumbinsi mo pa nang bonggang-bongga ang mga magulang mo na nanganganak nga, at hindi mo alam kung bakit hindi sila naniniwala. Haha. Natapos na lang ang pakikipag-bonding ko sa kisses nang namantal-mantal raw ang kabalatan ko, at sinabi ng mudra na allergic raw yata ako dito.


15. May free stickers ng Disney movies sa loob ng Maggi noodles.
---Napuno yata ang pinto ng ref namin ng mga ganitong sticker. Haha.

16. Pinapatunog mo yung takip ng Gatorade.
---Hindi pa yata gan'un ka-palasak ang Gatorade, kaya parang pangarap ng lahat na patunugin ang takip nito. Haha.

17. Ang mga stationeries na uso: Papemelroti, Tsukuba, Sashikibuta. Pwedeng ibenta, pwedeng trade lang.
---Naglipana ang stationeries (lalo na Tsukuba) sa buong palapag n'ung elementary (Grade 1-4 (?)). May iba nga yatang nagbebenta. At dahil hindi pa uso ang text at cellphone, mega sulatan ng friendly letters ang mga magkakaibigan.

18. Pampalipas oras mo dati ang paglalaro ng Brick Game, at swerte yung mga may advanced version na may tumatagos na blocks para mapuno na yung gap sa loob. Mas advanced ka kung Tamagotchi ang nilalaro mo. Pinapakain mo, pinapatulog mo, at inililibing mo kung namatay na. At kung talagang kaya nyong bumili, Game Boy ang sayo. Pero kung wala ka talaga, yung laruan na lang na may tubig sa loob tapos dapat ma-shoot mo yung mga bilog sa stick na maliit.
---Aba, may pera pa pala ako noon dahil may Game Boy ako. Hahaha. Pero hindi naman yata naging monopolya ang Game Boy sa buhay ko. Kinahiligan ko rin ang lahat ng larong nabanggit dito: Brick Game, Brick Game na may lumulusot, Tamagochi, at ang Shoot-the-Bilog-sa-Stick Game. Haha.

19. Bago magsimula ang klase, nakikilaro ka muna sa 10-20, jackstone, langit lupa, ice water, taguan, dr. quack quack, tumbang preso, pepsi seven up at agawan base. Di bale nang madumi na ang uniform mo pagpasok ng classroom.
---Dati (Grade 5-6), ipinagbabawal pa sa aming umakyat sa classroom para maghintay nadumating ang oras para sa Chinese Class. As in pagtapos ng English Class sa umaga, e 'di lunch break, isasara ang pintuan para walang makaakyat. Dahil hindi naman agad-agad na sinasara, mega dinadalian namin ang kain, kesehodang mabilaukan galore, para makaakyat sa classroom bago pa isara 'yung pintuan. At d'un na nagaganap ang umaatikabong paglalaro. Pinakamabenta yata ang mataya-taya, ice-ice water, at agawan base. Muntik pa kaming mahuli dati ni Bangkay. HAHAHA.

20. Sinasabi mo sa kaklase mo na "Liars go to hell" kapag tingin mo nagsisinungaling sya. "Cross my heart, hope to die" kapag nangangako ka. "Period no erase" kapag gusto mo walang kumontra sayo. Kaya lang wala kang lusot kapag sinabi ng kaklase mo na "Akin yung factory ng pambura".
---Peborit ang "Period no erase." HAHAHA. Pero wala namang umabot sa puntong may umangkin na sa pagawaan ng pambura. Hahaha.

21. Sikat ka pag ang pencil case mo nabubuksan sa dalawang side tapos maraming attachments like magnifying lens, book stand, compartments na maliliit tapos push button pa. Minsan sa ibabaw ng pencil case meron pang maze, may maliit na silver na bola tapos itatagilid mo yung pencil case para gumulong yun, hanggang sa matapos yung maze.
---HAHAHAHA! Medyo pinagkakaguluhan ang pencil case na ito dati. Pinagpapasa-pasahan sa room dahil gustong uriratin ng lahat ang mga abubot a la Swiss knife. At maglaro n'ung maze sa ibabaw. Hahaha.

22. Di ka baduy kung ang notebook mo nung elementary ay may mukha ng artista.
---Hindi ako namulat sa notebook na may fezla ng ta-artits.

23. Sa coleman mo inilalagay ang tubig na baon mo sa school.
---At 'di na mabilang na Coleman ang naiwala mo dahil lagi mong nakakaligtaan kung saan mo inilapag. (Okay, hindi naman siguro "hindi mabilang." Haha.)

24. Nagpabili ka ng Baby-G sa magulang mo.
---Ano ang Baby-G??

25. Elementary ka nung nauso ang pager. Yun pa ang pinapangarap ng mga bata, hindi pa cell phone.
---Parang may mas mabibigat nang problema sa buhay ko sa mga panahong ito, kaya hindi ko na nakuhang dumaan sa puntong pagnasaan ang pager.

26. Meron ka pa rin ng pinakamalaking cell phone na nakatago na ngayon sa mga kahon.
---Wala. Masyadong mahal ito noon.

27. Wala pang PS/PS2, XBox, Wii, atbp. noon. Family Computer pa lang, yung cartridge yung bala. Usong laro ang Mario Bros., Battle City at Rambo.
---FAMILY COMPUTER! HAHAHA. Da best ang Mario Bros. Hiraman galore pa ng mga bala sa mga kapinsanan.

28. Meron ka ng isa sa mga ito: Family Computer, Nintendo, Sega, roller blades, brick game, Tamagochi, Swatch Watch w/ matching guard, Troll collection.
---Family Computer, Brick Game, at Tamagochi. Nangarap lang ako sa Roller Blades. Haha.

29. Alam mo ang mga linyang ito sa mga kanta: "Natatawa ako, hi hi hi hi", "Anong paki mo sa long hair ko", "Dahil sa bawal na gamot", "Mga kababayan ko, bilib ako sa kulay ko".
---At napakanta ako rito. Hahaha.

30. Isa dito ay theme song mo: "I Swear" by All 4 One, "What's Up" by 4 Non Blondes (And I say, Hey ey ey ey ey ey. I said hey, What's goin on!), "Zombie" by Cranberries.
---Ano 'yung "I Swear"? Zombie, Zombie, Zombie eh eh eh. Hmm, ito bang mga ito ang mga ninuno ng Ella, ella, ella, eh eh eh?

31. Sumasayaw ka ng Macarena.
---Nang hindi naman naiintindihan ang lyrics. Idagdag pa ang "My Heart Goes Shalala la la," at ang "'Di ko Kayang Tanggapin." Hahaha.

32. Alam mo ang kanta ng Spice Girls at may favorite ka sa kanila. Kung fan ka talaga, may poster ka pa at casette tape ka pa nila.
---Wala akong favorite sa kanila.

33. Malamang ay naging fanatic ka ng isa sa mga sumikat na boy bands.
---Backstreet Boys at kanilang mga leather jacket. Westlife. At iba pa. Hahaha.

34. Ang tinutugtog lagi sa radyo ay mga kanta ng mga banda gaya ng Eraserheads, Parokya ni Edgar nung nagpapalda pa lang sila, Alamid, Rivermaya, True Faith, The Youth, Afterimage at kung anu-ano pang pinoy bands.
---Ginintuang panahon siguro ng OPM. Mga tipong ubod na ng ganda ang tono, may saysay pa 'yung lyrics. 'Di tulad ng karamihan ngayon.

35. Tape pa ang uso, di CD or MP3 players. Pag gusto mo yung kanta kailangan tantyahin mo kung ilang seconds i-rewind yun para mabilis paulit-ulitin.
---Hindi ako masyadong mahilig sa musika dati eh, kaya 'yung nanay ko lang at ang paborito niyang Mariah Carey cassette tape ang madalas na magkapiling sa player. Haha.

36. Kinakanta nyo dati sa school yung "Heal the World", "Tell the World of His Love", "Jubilee Song", etc.
---Hindi yata 'to pinakanta sa school namin. Hilig lang naming kantahin ng kapatid ko sa bahay. Hahaha.

37. Nanonood ka dati ng Power Rangers, Captain Planet o Ninja Turtles. Nagkukunyari pa kayo ng mga kaibigan mo na kayo yun at nagkakasipaan kayo.
---Hanggang nood lang ako. Hindi na namin ginagaya. Haha.

38. Di ka papagalitan ng magulang kahit magbabad ka sa TV, basta ang pinapanood mo ay Hiraya Manawari, Bayani at Sine Skwela, kung saan nakilala mo sila Teacher Waki, Ugat Puno, Palikpik, at ang buong barkada nila lalo na kapag nakasakay sila sa space ship o sa jeep na lumilipad.
---Sineskwela forever. Hahaha. Choz. Madalas rin akong nakatutok sa Bayani at Hiraya. Sa Bayani (yata) fineature si Filomena Tatlonghari, public school teacher na namatay bilang election officer.

39. Sinubaybayan mo ang Ghost Fighter at ang Dragon Ball. Naging favorite mo si Eugene at si Goku.
---At nauto sa echusa ng GMA na kung gusto mong ulitin ang Ghost Fighter, tumawag ka sa kanila. Paulit-ulit-ulit-ulit akong tumawag dati (may telepono pa kasi kami. Haha). Tipong magsasalita pa lang 'yung Voice Over/Recorded Operator, alam mo nang number 1 'yung pipindutin kung OO ang sagot mo. E 'di pipindot ka na, hindi na matatapos 'yung boses sa pagbibigay ng instruction, tapos ibababa mo na ang telepono, sabay dial uli. 'Yan ang adik. Hahaha.

40. Niloloko mo yung theme song ng Voltes V kasi di mo maintindihan yung theme song: "Tato ni Ara Mina malaking cobra...", "Boltes Payb lima sila, pumunta sa kubeta...", "...Kontra Bulate!"
---Parang hindi malaking cobra ang kadugtong ng Ara Mina sa kinakanta ko, pero hindi ko matandaan sa ngayon kung ano.

41. Napanood mo din yung ibang anime tulad ng Shaider, Sailormoon, Daimos at Maskman. Saulo mo pa nga yung kanta dun: "Oh maskuman kayo ang pag-asa.. Iligtas kami sa marahas na kadiliman... Kami inyong ipaglaban! Sugod, sugod laban maskuman, ipaglaban nyo ang katarungan.. Sige, sige laban maskuman.."
---Hindi ko alam 'yung Maskman. Ang Shaider, Sailormoon, at Daimos, oo. Haha.

42. Sinubaybayan mo ang Sarah ang Munting Prinsesa, Julio at Julia, at Cedi. Pinanood mo pa nga yung movie version ng Sarah ang Munting Prinsesa with Camille Prats.
---Hindi ko yata pinanood ang movie version. 'Yung mga cartoons lang na paulit-ulit kung i-ere sa dos ang napanood ko. Haha.

43. Alam mo din yung "Ang Pulubi at ang Prinsesa" with Camille Prats and Angelica Panganiban.
---Nitong Marso 2008 ko na lang nalaman ang pelikulang ito, nang i-ere muli sa Cinema Chorva tuwing hapon sa dos. Haha.

44. Gusto mong sumali sa ANG TV. Pero alam mong hindi na pwede. kaya kuntento ka na lang sa panonood nito tuwing 4:30 ng hapon.
---Mega nood ako, pero hindi ko ginustong sumali. Sa That's My Boy ng Eat Bulaga ako binalak na ipadala ng mga chenes kong magulang. Hahaha.

45. Batibot ang usong palabas. Akala mo nga mag-dyowa o mag-asawa sina Kuya Bodjie at Ate Sheena.
---Kinukuwento pa ng nanay ko, kapag ginigising niya ako dahil Batibot na, tayo ako kaagad. Peborit ba. Hahaha.

46. Alam mo yung tono ng pinausong kanta ng show na "ATBP.": Isa.. dalawa-tatlo.. apat-lima.. anim-pito-walo.. syam-sampu... labingisa-labingdalawa... labingtatlo... labingapat-labinglima...
---HAHAHA! Ito ang pagbibilang na may tono.

47. Napanood mo ang Batang X.
---Siyempre naman. Haha. Pati 'yung Batang PX, at Batang Z. Hahaha.

48. Sabay kayo nanonood ng yaya mo ng Marimar.
---Wala na yata akong yaya n'ung inere ang Marimar sa RPN. Pamilya ko ang aking kasabay. Hahaha.

49. Nanonood ka ng kahit alin dito: "Okay Ka Fairy Ko", "Oki Doki Doc", "Abangan ang Susunod na Kabanata", "Palibhasa Lalake", "Ober da Bakod", at "Home Along Da Riles".
---Lahat ng sitcom na 'yan. Ang dami palang sitcom noon, noh? Tapos ngayon naglalaho na.

50. Galit ka kay Clara kasi sobra naman talaga sya mang-api kay Mara.
---Na tipong gusto mong duraan, o sapakin, o whatever, kung makita mo man sa kalsada.Hahaha.

51. Pinanood mo din yung "Villa Quintana", "Esperanza", "Anakarenina" atbp.
---Ano ang Villa Quintana??

52. Mga love teams na nagpakilig sayo: Juday and Wowie. Jolina and Marvin.
---Hindi ako fans club, at hindi pa uso ang kilig factor n'ung mga panahong 'yun. Haha.

53. Alam mo yung commercial ng Tender Juicy hotdog na ganito: "Dear diary, Carlo sat beside me today. He's so cute! Sabi niya I'm pretty kaya lang I'm fat."
---Parang natatandaan ko na parang hindi. Haha.

54. Kinakanta mo yung "Thank God it's Sabado, pati na rin Linggo..." at "Isa pa, isa pa, isa pang Chicken Joy".
---Ito ang sinaunang LSS. Hahaha!

55. Nasa channel 2 pa ang Eat Bulaga at ang Mel and Jay.
---Hindi ko na 'to personal na naaalala, alam ko na lang dahil kuwento ng nanay ko.

56. Nakikita mo sa balita na may mga kultong nagtatago na sa kweba, kasi magugunaw na ang mundo sa year 2000, at yung mga computer daw bigla na lang mag-shu-shut down at mawawala na daw ang technology.
---Takot na takot pa ang lahat eh. At mega abang sa mga bansang unang makararating sa 12:00MN. Hahaha.

57. Chinese variety shows ang palabas tuwing umaga ng linggo.
---At mahahaba ang buhok, may mahahabang balbas, plus lipad-lipad fight scenes. Hahaha.

58. Matapang ka kung napanood mo lahat ng Shake, Rattle and Roll movies.
---Hindi ko napanood lahat. Haha.

59. Narinig mong i-announce sa radyo yung death ni Princess Diana. Biglang nauso yung kanta ni Elton John na "Goodbye, England's Rose."
---Ang laki-laking balita nito noon, na parang huminto ang buong mundo dahil namatay siya. Pati mga kapamilya mo, parang lungkot na lungkot, para bang personal nilang kakilala ang prinsesa. Kaya pati ikaw, nalungkot na rin.

60. Nasa VHS yung mga movies na pinapanood ninyo sa bahay.
---Paborito ko pang paglaruan 'yung VHS Rewinder na hugis kotse. Hahaha.

61. Kung babae ka, naging crush mo si Leonardo di Caprio dahil sa Titanic. Kaya Anga lang, bawal ka pa tumingin sa kissing scenes nina Jack at Rose.
---COMMENT NI BLOCKMATE: At hindi mo pa gets kung bakit yung kamay ni Rose ay dumikit at nag-slide dun sa bintana.
AKO: HAHAHA!

No comments: