Friday, November 23, 2007

ENGKUWENTRO

Kagabi, napadpad na naman ako sa aking ikatlong tahanan, ang dakilang SM San Lazaro. Para sa mga nagtatanong kung ano ang una at ikalawa kong tahanan (at siyempre masyado kong in-assume na may nagtataka e noh? Hahaha), ang butihin kong tahanan talagang inuuwian sa araw-araw ang una, at ang eskuwelahan siyempre ang ikalawa (talaga lang ah. HAHAHA).

Eniwey, kagabi kasi, may kasiya-siyang engkuwentro na naman akong naranasan. Mega lamyerda akong ganyan sa pinakamamahal kong ikatlong tahanan, at pababa ako ng escalator mula sa Ground Floor patungong Lower Ground Floor. Sa mga tulad kong bihasa sa lugar na 'yun, ang tinutukoy kong escalator ay 'yung sa may Jollibee, pababa sa may Dunkin' Donuts. Tuwang-tuwa ako habang tumitingin-tingin sa mga tanawin habang umaandar pababa ang nabanggit, nang biglang may tumabi sa akin sabay kalabit: "S'an na tatay mo?"

UFC! [Sa mga hindi pa nakababatid kung ano 'yan, UFC=Uy, Feeling Close!]

Major gulantang naman ang inabot ko dahil wala akong natatandaang gan'ung pagmumukha na kakilala ng butihin kong ama. Subalit dahil medyo bata pa ako noong panay ang dalaw ng mga kaibigan, katrabaho, at kasangga ng tatay ko, sumagi sa isip kong baka nga kilala niya. Sumunod ang tanong na: "Nasa bahay na tatay mo?"

Bilang kausap na may kaunti pang modo, sinagot ko naman: "Aah, wala pa po siguro, baka nasa trabaho pa."

Marami pang satsat na naganap. Pinuna pa niya kung gaano na kaputi ang buhok ko, na kesyo ang laki ko na raw pala, na kesyo et cetera, et cetera, et chusa. Naumpog pa ng kamay niya ang cellphone kong nasa bulsa ko, at naaalala ko ang bulalas niyang "UY!" Bago pa kami nakatapak sa Lower Ground, nagpasabi siyang pakibanggit at pakikumusta na lang daw siya sa tatay ko, ang dagdag pa'y pakisabi ko raw na nakita ko si Robert.

Hmmm, sinong Robert? Robert siya diyan.

Pagkatuntong namin sa destinasyon (ang dami nang kuwento, parang ang tagal ng pag-usad ng escalator), naianunsiyo niyang magbeberday daw ang anak niya. Ako namang nagsisimula nang magduda dulot na rin ng mga nakaraang karanasang muntik-muntik-muntikan na talaga akong malagay sa alanganin dahil sa panggogoyo ng iba, umakting na kesyo hindi ko narinig ang sinabi at lumihis ng landas, kasabay ng mahinang pagsabi ng "Babay na ho," para hindi niya marinig.

Ayos, hindi nga narinig. Pero naman, hindi pa ako nakalalayo, napalingon-lingon na siya at nadiskubreng napalihis na ako ng tinatahak na daan, lihis sa kanyang plano. Ang kasalanan ko, nilingon ko pa siya, nakawayan pa tuloy ako, sabay sabing: "Halika, bigay ko sa'yo 'yung invitation."

Sa hindi malamang kadahilanan, kahit medyo duda na ako sa tunay niyang pakay, sumama pa rin ako. Mula Dunkin' Donuts, napadaan kami sa bagong branch ng Copytrade, hanggang sa may tapat ng David's Salon, hanggang sa pumasok sa Supermarket. Habang tinatahak namin ang naturang paikot-ikot na landas, tila baga sa pamamaraaang walang kadire-direksiyon, nag-usisa siya ukol sa aking buhay. Gusto yatang siya na ang magsulat sa Wish Ko Lang o MMK para sa akin. Naitanong kung ilang taon na daw ba ako, sabay sabi ko naman "17 po," maya-maya'y nadugtungan ng "ay, 18 na po pala ako. Hehehe." Sabi ko na, hindi pa nga nanunuot sa lamanloob kong kabeberday ko lang at unti-unti na akong tumatanda.

Kung magtimang-timangan pa akong muli tulad ng ginawa ko kagabi, baka nga hindi na ako tumanda; baka isang araw, magising ka na lang na ako ang biktimang nasa "Police/Crime Section" (o kung anuman ang tawag d'un) ng paborito mong tabloid, o sa Ronda Patrol segment ng TV Patrol: ginahasa (assuming na naman e noh? HAHAHA), pinagsasaksak, ninakawan, pinugutan ng ulo, inagawan ng cellphone bago binaril, et cetera. Kasi naman, kasalanan part 2, sumama pa ako sa walang direksiyong paglalakad namin, at tumugon-tugon pa sa samu't sari niyang sumunod na mga katanungan.

Nandiyang naitanong kung kolehiyo na raw ba ako, at umoo naman ang timang niyong abang lingkod. Nausisa pa nga ang kursong kinukuha ko, at nang malaman niyang Legal Management, komento namang: "Aba, maganda 'yan."

Nandiyan ding tinanong niya ako kung may pera pa raw ba ako. Siyempre dahil hindi ako sinungaling, sabi ko naman, "Ayy,wala na rin ho eh." Sa mga oras na 'yun, umakyat to the highest level ang pagdududa kong may maitim na balak ang mamang 'yun. Magprisinta pa raw bang bibigyan daw ako ng limandaang piso, basta raw 'wag kong sasabihin sa tatay ko at baka magalit. Kesyo kagagaling lang raw ng mokong sa abroad. Haler, kahit pa gaano kayo ka-close ng tatay ko, walang sinuman ang magpiprisintang magpamudmod ng gayong salapi sa isang nilalang na anak lamang ng "kumpare" mo kuno, na makalipas ang ilang dekada, ngayon mo lang muling nakita.

Hindi ako naniniwalang may Santa Claus.

Naglabas nga ng wallet, wala namang ipinakitang kaperahan. Lalong tumibay ang hinala ko. Kung magbibigay siya talaga, magtatangka pa rin siyang maglabas ng PERA at hindi lamang wallet, kahit pa nagmi-mini protesta na akong huwag na lang siyang magpamudmod ng limandaan. Nang ilabas niya't buklatin ang wallet, isinara niyang muli nang mabilis sabay saksak sa bulsa. Palagay ko ginawa lang 'yun para hindi ko siya pag-isipan na nanakawan niya ako, dahil "may pera," take note con todo quotation marks, naman siya.

Naitanong pa kung kumain na raw ba ako. Dahil totoo lang ang namumutawi sa aking mga labi (CHOZ. HAHA), sabi ko naman hindi pa. Nag-alok siya, subalit tumanggi na ako, nagdahilang uuwi na rin naman ako. Habang nagaganap ang lahat ng 'yan, medyo mega paikot siya ng isang kumpol ng mga susing nakakabit sa keychain, kaya't naghihinala na akong dadalhin niya ako sa parking lot at d'un isasakatuparan ang maitim na adhikain.

Naghanda na akong tumanggi sakaling dadalhin niya nga ako sa madilim na lugar na kung tawagin ay parking lot. Pero nang kami'y umikot para lumabas mula sa Supermarket, siya na rin ang naging dahilan para maudlot ang anumang kanyang nais gawin.

Nagtanong ba naman: "Ano ba'ng cellphone number mo?"

Ako: 1. Sa isip lang: "Fans club kita??"
2. Sa tunay na buhay: "Uhmm, bakit po?"

Siya: "Aaah, ano, para kapag may kuwan, aaah, puwede kitang i-refer, para may pagkakitaan ka rin naman."

Ako: 1. Sa isip lang: "Hindi kaya ako ang pagkakitaan mo kapag hindi pa 'to natapos?"
2. Sa tunay na buhay: "Uhmmm, hindi ko po kasi kayo naaalala, naninigurado lang po."

Kumunot ang pagmumukha niya at medyo natagalan ang pagtugon, "Aah, pano'ng hindi naaalala?"

Sagot ko: "Hindi ko po naaalalang kumpare kayo ng tatay ko."

Sabay tanong naman niya, "Ano ba'ng pangalan ng tatay mo?"

Siyempre hindi ko sasagutin, dahil kung halimbawang sabihin ko nga ang pangalan ng tatay ko,

Let X=Pangalan ng tatay ko.

Ako: "Aah, X po."
Siya: "A! OO! Si, X nga! Magkumpare kami n'un..." and so on and so forth, dot dot dot.

Kung nagkagayon, malamang marami na siyang maiisip na mga kaechusahan at malalagay nang tuluyan sa alanganin ang buhay at mga pangarap ko. Baka hindi ko na 'to nasulat ngayon, at naibalita na ako sa TV Patrol bilang napaslang sa kung saan man sa paligid-ligid ng butihin kong ikatlong tahanan.

So ang isinagot ko, "Aaah, hindi po ba kumpare niyo kamo, e 'di dapat po alam niyo?"

Medyo natigilan siya nang kaunti at d'un nagsimula ang isang munting guessing game a la Norman (isa kong guro sa kolehiyo na araw-araw magpapahula ng salita at 'yun lang ang gagawin sa halos buong semstre, one word a day). Makalipas ang halos isang minuto,

"Aah, Tony ba?"

"Naku, hindi po."

"Ano ba'ng pangalan ng tatay mo?"

Hindi na ako umimik, at hindi na rin lumakad, para mapirme kami sa tapat ng Food Court. Sakaling i-harass niya ako, puwedeng puwede akong mag-eskandalo galore. Hehehe.

At talagang nanghula pa si kuya: "Uhmm, Carlito?"

Wala na ako sa mood makipaghulaan, kaya ang sabi ko: "Hindi rin po. Baka nagkamali lang ho sila." Sabay layas.

Hindi ko siya tinalikuran nang tuluyan kaagad, kaya medyo naaninag ko pa ang pagkadismaya sa pagmumukha niya samantalang ibinubulalas: "Ay, akala ko taga-Bulacan ka."

Haler, HINDI PO! Dumere-deretso na lang ang paglarga ko papalayo sa kanya, sabay grand entrance sa Book Sale, para mahimasmasan naman ako at malayuan ng demonyo. Napansin ko, habang pakunwaring tumitingin-tingin ng mga libro, medyo nanginginig ang tuhod ko. Kahit makailang-ulit na akong naganyan, mahal ko pa pala ang buhay ko at nagigimbal pa rin sa mga ganyang kaechusahan. Mas madaling ipayo na kesyo "sanayan lang 'yan," o basta "huwag magpamukhang inosente," o "umastang parang kabisado mo ang lugar kahit 1st time mo lang." Madali ngang magsalita, pero kapag naroon ka na mismo sa sitwasyon, mahirap gawin ang lahat ng ibinulalas ng bunganga mo bilang payo.

Hindi ko rin alam, malay ko kung in good faith ba talagang nagkamali siya, na walang malice o any unconstitutional intention. Subalit sa pagbabalik-tanaw ko, unti-unti akong nakukumbinsing in bad faith talaga ang mokong.

Kaya mga kids, talagang para yata sa ikabubuti natin ang imortal na linyang "Don't talk to strangers." N'ung nakaraang taon, may magtatanong lang sa'kin, hanggang sa unti-unti na akong na-harass at nagimbal.

Sa isang maikling paglalahad ng mahabang istorya noong magkakatapusan ng Agosto ng nakaraang taon, may kumaway sa akin sa may MMDA Waiting Shed sa Aurora Boulevard, malapit sa istasyon ng LRT2. Kesyo hihingi lang raw ng tulong dahil may bumastos at nanghipo raw sa pamangkin niya noong umaga ring 'yun. May nakuha raw ID, at magpapatulong sana kung makikilala ko raw o maituturo sila sa puwedeng makakilala. Naisip ko kalaunan, ang timang naman, manghihipo na lang malalaglagan pa ng ID?? Hanggang sa nausisa na ang buhay ko, kung saan daw ako nag-aaral, habang unti-unting dumadagdag paisa-isa ang nakikisalo sa aming kuwentuhan. Wala naman silang inilalabas na ID, at nang makatunog akong masama ang binabalak ng sa umpisa'y isa lang hanggang sa kalauna'y naging apat na lalaki, nagsabi na akong kailangan ko nang umuwi. Ang itinugon, mura. Pinagmumura ako, na kesyo nagtatanong lang raw sila nang maayos, tapos bastos raw ako't walang galang. Eh sa walang mailabas na ID, ano 'yun?? Hindi ko naman sila ka-close para bahaginan ng life story. Hinanap ko na ang ID na tinutukoy, pero iniiba nila ang usapan. Matagal kaming nagka-usap sa ilalim ng waiting shed, marahil inabot ng mga trenta minutos dahil sa pesteng ID kuno. Sa hindi malamang kadahilanan, siguro himala ng Maykapal, pinauwi rin ako't inihatid pa n'ung isa papuntang istasyon. Nakakahiya naman daw sa akin.

Akala ko talaga n'un, hindi ko na makikita kahit kailan ang mga kapamilya't kaibigan ko. At baka damputin na lang nila akong lulutang-lutang sa Ilog Pasig o sa Manila Bay. Pero sa lahat ng pagkakataong naganyan ako, salamat sa Panginoon na hindi ako napapahamak nang totohanan.

Ngayon nga, kung may manghihingi lang ng direksiyon kung saan ang ganito o ganyan, medyo hindi na ako sumasagot at nagdadahilang nagmamadali na ako. Pasensiya po sa mga tunay na nangangailangang hindi ko na nabibigyan ng tulong, ang karanasan po sa mga manggogoyong nagkukunwaring nangangailangan ang dahilan. Masisisi niyo ba naman kaming maraming beses nang muntik-muntikang mabiktima?

Kapag nga nadale ako ng isang social experiment ng Noypi: Ikaw Ba 'To?, malamang mapabilang ako sa mga pinangangalanang masamang Filipino. Kahit gusto mo talaga, magbabahagi ka pa ba ng buong-buong tulong kung naranasan mo na dati na masailalim sa sariling bersiyon ng social experiment ng mga ulupong sa lipunan? Kung alam mong anumang oras maaari kang pagnakawan, o sa pinakamasahol na mga sitwasyon, mabawian ng buhay ng mga tao sa kalsada na marahil nagpapanggap lamang na magtatanong ng direksiyon, nawawala, o kung anuman? 'Yang mga nanghihingi umano/kuno/kunwa ng barya, barya lang kaya ang hinihingi, o buong wallet mo ang pinag-iinteresan at pati buhay mo ang hingin?

Wednesday, November 21, 2007

HARASSMENT

Hindi ko na alam.

Ikalawang linggo pa lang ng semestre (actually kalahati pa lang ng ikalawang linggo dahil Miyerkules pa lang) sabog na sabog na ako. Kamusta naman, parang hithitero ng katol forever.

Sasailalim ka ba naman sa Law Class ng alas sais hanggang alas nuwebe ng gabi tuwing Martes, tapos ang simula ng Miyerkules, alas siete y media in the morning, sino kayang hindi sasabog? Idagdag pa ang cool na cool na Leadership & Strategy, aka LS10, isang major subject na isang beses lang sa isang linggo kung aming danasin; naman, bakit pa 'yun inilagak tuwing Miyerkules??

Idagdag pa further ang katotohanang hindi ako "morning person," ibig sabihin, pinasosyal ko lang at iningles-Ingles ang "tulugero ako/mantikero, at hindi kayang gumising nang pagkaaga-aga (as in 5:15AM tuwing MWF, at mga 5:45 naman tuwing TTh) para makarating nang matiwasay sa klase." Sa ibang salita, hindi na baleng hapon hanggang gabi ang mga klase ko, huwag lang umagang-umaga. Wala akong balak, ni guni-guning mag-audition bilang host ng Unang Hirit, o 'yung morning show na pinaghati-hatian ng NBN (Ch. 4), RPN (Ch. 9), at IBC (Ch. 13) tuwing umaga, kaya hindi ko kailangan ng ganitong training sa pagmulat nang maaga.

Harassment talaga araw-araw. Walang halong pagmamalabis. Kung maikukumpara, sa tingin ko pareho na 'yung pakiramdam ko n'ung week before finals nitong nakaraang semestre at ang pakiramdam ngayon. Sana mag-Pasko na, para maibsan kahit papaano ang ganitong impiyerno.

Wa na muna kome-komentaryo ukol sa mga propesor. Medyo marami kasi akong parang hindi natitipuhan, exception na marahil ang bentang bentang propesor ko sa Ec102 (Economics cheverloo). Isama na rin ang dakilang JSP1 (Japanese chenes) sensei na nakapagpapaaalala sa akin sa isa kong cool na cool na HS teacher.

Drama-dramahan mang ituring, MISS KO NA ANG HIGH SCHOOL. (Ewan ko lang 'yung mismong paaralan, pero 'yung buhay-HS, ka-miss talaga. Pagpasensiyahan, hindi ako mabuting alumnus [kung paano man ispelengin 'yan]. )

Dito na rin muna siguro magtatapos ang aking munting pagbubulalas ukol sa mga kapighatiang nararanasan sa unang dalawang linggo ng semestre. Harinawang umayos-ayos ang buhay-buhay hanggang sa muling pagbabalik ni Kristo.

So help me God.

Sunday, November 11, 2007

PAGPAPARAMDAM

Hello Philippines and hello world.

Ito na siguro ang pinakamaikli kong mailalagak dito sa aking mumunting blog site. Naman, medyo sandamukal pa ang nabitin kong mga komposisyon, na kung hindi isang talata, ay isang pangungusap pa lamang ang aking naisusulat. Kaya naman hindi ko rin maipaskil dito, dahil hindi pa talaga natatapos. At dahil medyo napaglipasan na naman ng limang dekada, pag-iisipan ko pa kung tatapusin ko pa.

Ipagpaumanhin, dahil hindi talaga ako makagawa ng paraan upang makatapos ng matinong ilalagay dito. (Para namang may matino nang nailagay e noh?) Para lang sa mga tagasubaybay ng blog na ito (meaning myself and imaginary friends. Hahaha. Choz!) nagpaparamdam lang po, baka inakala ninyong ako'y pumanaw na.

Oh well, bukas (12 Nobyembre 2007) magsisimula na naman ang isang semestreng kalbaryo. Wish ko lang maging matiwasay dahil naman, alas siyete y media in da morning ang aking unang klase. At take note MWF 'yun, ibig sabihin, tatlong beses sa isang linggo ko 'yun titiisin. Medyo ipinanalangin ko nang makailang ulit magmula nang malaman ko ang ka-iritasyong balitang 'yan na sana, sana lang, hindi ako magkanda-ewan-ewan dahil sa pagkahuli sa pagtuntong sa silid-aralan.

Marami pa sana akong kuwento, pero ito na lang muna. Hanggang sa muli, usap tayo, kaibigan. (Baligtad yata, 'di ba "kaibigan, usap tayo." 'yun? Whatever. Haha.)

Saturday, October 6, 2007

ISANG LINGGO

SA WAKAS, natapos na rin ang lahat.

Well, hindi naman lahat. Pero halos lahat.

Isang linggo na lang, tapos na naman ang isang semestre. Pagkatapos nito, limang semestre na lang.

ENIWEY, may ilan akong nais isulat nitong nakaraan, na hindi ko mai-segway dahil sa namumutiktik na school requirements. Dahil medyo nalibre naman ang oras ngayon (pansamantalang pagpapahinga lamang ito, dahil finals week na sa susunod na linggo), heto't isusulat ko na ang mga utang kong entry. Ipagpalagay na sinulat ko ang mga entry na 'yan sa araw na nakasulat sa ibaba ng pamagat.

UNA,

---------

KAMALASA'T KALUWALHATIAN: IKALABIMPITONG LARO
Huwebes, 27 Setyembre 2007

Ngayong araw, nagharap sa ikaapat na pagkakataon sa Araneta Coliseum ang magkaribal na paaralan sa bansa: ang ATENEO at La Salle. Matatandaang dalawang beses namayagpag ang Agila laban sa mga, umm, tagapana noong elimination round. Ngunit nang pumalpak laban sa NU, kinailangang maglaban ng dalawang eskuwelahang ito para sa twice-to-beat advantage, at alam nating 'natalo' ang mga dugong bughaw sa score na 64-65.

Naungusan ng mga Agila ang mga tigre noong Linggo (23 Setyembre 2007), 69-64. Kailangang kalabanin nang dalawang beses ang mga taga-Taft upang makuha ang ikalawang puwesto, at makalaban sa matagal nang naghihintay na UE.

Katulad n'ung laro laban sa UST noong Linggo, may libre muli mula sa OAA (sa mga hindi Atenista, Office of Admission and Aid 'yan). Subalit kung n'ung Linggo, Upper Box B ang ipinamudmod, itong laban sa La Salle, General Admission na lang. Pero ayos lang naman, at least mayroon, libre, at hindi na kailangang makipag-gitgitan sa pila.

Umaga pa lang ng araw na 'yun, as in alas siete ng umaga sa PE class, pinag-iisipan ko na kung ako ba'y liliban muli mula sa klase ko sa Psych. Ikalawang pagliban na ito kung sakali, at pareho pang ukol sa laban sa UAAP ang dahilan. Inuudyok ako ng kaibigan kong mag-cut na lang muli para sabay na kaming pumunta, kahit pa Upper A ang nakulimbat niyang ticket mula sa isang scalper (wala ang bisa ng kanyang koneksiyon sa mga panahong 'yan, kaya naman umasa siya sa scalper, at akong dating umaasa sa kanya, umasa na lang sa OAA. Hahaha). Hanggang sa pagtatapos ng Fil Class (1230-130PM), mega pinag-iisipan ko pa rin kung ako ba'y magcu-cut muli o hindi, At nang ako'y nasa third floor na (kung saan naroon ang aming Psych classroom), napagdesisyunan kong papasok na lang ako. Last formal regular lecture meeting na raw kasi, at isang buong chapter pa ukol sa Social Psychology ang tatalakayin. Hindi na maaaring iurong ang nakatakdang longtest sa Martes sa susunod na linggo.

Bagaman consensus ng lahat na wala rin naman akong matututuhan sakaling ako'y pumasok, sinuway ko pa rin ang kanilang payo. Siyempre ako si mega "baka sakali..." Baka sakaling may himalang maganap at may mabanggit ang propesora na wala sa libro, na ikadadali ng pag-unawa sa libro.

At hindi sila nagkamali. Sana nga nag-cut na ako. Kung gan'un, hindi ko na sana mararanasan ang samu't saring mga kamalasan bago mapadpad sa Coliseum. Well, tanggap ko pa rin naman sana ang pagpasok. Kahit hindi ko masimulan ang laro, ayos lang. Sigurado naman, aabot pa ako sa kalagitnaan ng unang quarter. At 'yun ang akala ko.

Habang klase, halatang-halata ang nagbabadyang masamang panahon. Mega dilim ng kalangitan, at mega lakas ng hangin. Ilang minuto bago matapos ang klase, umiyak na ang langit. Humagulgol ever. Ewan ko na lang.

Siyempre, todo-pagmamadali naman ako at nang kaunti lang ang hindi masilayan sa laro. Todo sugod sa punyemas na unos. Ang lakas ng hangin. Nagpayong ka nga, iba naman ang direksiyon ng patak ng ulan. Ending, basa ka rin. Baha pa sa mga kakalsadahan sa eskuwela. Sa mga Atenista, mukhang ilog na 'yung kalsada sa gitna ng trike terminal at Gonzaga. Hindi ilog na mapayapa; ilog na rumaragasa. Nagngangalit ang pagdaloy ng tubig. Hindi blue, brown.

Ewan ko na lang. Siyempre, sinubok kong tumawid. Pero hindi! !@%$&#! Malakas talaga ang agos ng tubig. Ang ginawa ko, naghanap ng baka mas mataas na bahagi ng kalsada, at doon sana tatawid. Hanggang sa may Berchman's, mukhang ilog 'yung kalsadang ngayo'y isinusumpa ko na ang pangalan. Dahil lalong lumakas ang paghagulgol ng kalangitan, muli akong naghanap ng masisilungang bubong. Bumalik ako sa Berch, at hanggang sa may hita ang basa ng pantalon ko. Juice ko.

Ang masaklap d'un, ang timang ng desisyon ko. Lumabas na nga ako at nabasa, babalik pa ako kung saan ako nanggaling. Alangan namang biglang tumahan ang langit pagpasok ko? Ibig sabihin, lalabas ako muli kung saan ako lumabas kanina. Parang concert, may repeat. At hindi nga tumigil ang buhos ng ulan.

Dahil nadiskubre ko ang katimangang 'yan pagpasok ko sa may Berch, lumakad na uli ako sa EDSA Walk para lumabas uli sa may Gonzaga. Eksakto, ganyan rin ang paraan kung paano ako lumabas kanina (pero hindi ako galing ng Berch kanina, galing ako ng Kostka). Siyempre, mega basa na naman ang kapanatalunan ko. Pero dahil namulat na ako sa katotohanang maaaring tumagal pa ang nasabing unos, sumugod na ako kahit high tide pa rin sa kalsadang 'yun. At ako'y nasa trike terminal na.

Hindi nagpakonsuwelo ang mga balasubas na nagmamaneho ng kani-kanilang mga kotse. Todo mega harurot pa rin sila, at dahil nga high tide, todo mega sambulat rin ang kabahaan (with matching kaputikan) sa aming mga nakapila. Kung may naaalala kang patalastas ng isang facial wash, parang kung paano naghilamos 'yung modelo. Wisik to the max.

Hindi naman gaanong nagtagal bago ako nakasakay ng tricycle. Siyempre, mega traffic na sa kahabaan ng Katipunan. At unti-unti na ang pagtila ng ulan. Ang nakakairita, may sumisilip nang sinag ng araw. Lumiliwanag na ang kalangitan. Hindi rin naman pala magtatagal ang gayong unos, sana nagpatila na lang ako bago lumarga pa-Coliseum.

Pagkalipas ng mga labintatlong taon, narating na namin ang MiniStop. At bilang iba pang patunay na hindi ko lang gawa-gawa ang paghagupit ng masamang panahon, kahit itanong mo sa Julie's Bakeshop. Bumagsak ang karatula nilang nakapaskil sa labas, 'yun bang pangalan ng bakeshop. As in bumagsak. Juice ko.

Siyempre, dahil maong, hindi kaagad-agad na natuyo ang pantalon ko. Ibig sabihin, samantalang ako'y nasa LRT, mukhang kakukuha ko lang mula sa sampayan (ng mga nilabhan wala pang isang oras ang nakalilipas) ang suot-suot kong pantalon. Mabuti't nakatayo lang ako, at walang lumandi at nagsabing "EEEWWW, WET!" [Katulad ng karanasan ng isa kong kaibigan noong kapanahunan ng bagyong Egay.]

Nang ako'y makarating na sa Coliseum, hindi ko pa alam kung paano pumunta sa GenAd. Mabuti't hindi rin naman masyadong nagtagal at namataan ko rin ang hagdanan papunta sa nasabing section. Buti rin at nakapasok ako doon na sa kampo ng mga dugong bughaw. May nakasabay pa akong mga mega green, at nang kanilang matanaw na mali ang kanilang pinasukan, masarap sabihing "Excuse mee, hindi po kayo rito." Wahahahaha!

Dahil todo mega sikip na sa napasukan ko, napagpasyahan kong maglakad-lakad at maghanap ng medyo mas maluwag na lugar, dahil mukhang mayroon naman. Nang mapasulyap ako sa score board, second quarter na pala, at apat na minuto na lang ang nalalabi sa unang kalahati ng laro. Sumpaing ulan.

Sa aking pagtatangkang maghanap ng lugar kung saan ako'y makakahinga at makakapalakpak nang matiwasay, may isa na namang kamalasang nangyari. Sumabit ang aking kanang balikat sa sign/billboard/advertisement ng Bench/. 'Yung UAAP Uniform ko pa naman ang suot ko (isa 'yang tshirt na lagi kong suot sa mga laro sa UAAP, puwera n'ung laro laban sa UST nitong Linggo. Natalo kasi n'ung isang taon n'ung ito ang suot ko, kaya naman napagpasyahan kong magpalit, at sa kabutihang palad, nanalo kami n'un. Haha.)

Mabuti na lamang at hindi naman sumabit nang sobra at hindi nawakwak ang buong tshirt. Dahil mega mega mega diyahe na 'yun kung gan'un. Natastas lang nang kaunti ang kanang balikat, pero medyo halata rin at hindi ko alam kung maisusuot ko pa ang nasabing damit sa hinaharap.

Keber na lang sa tshirt. Mega cheer na lang. Ang napansin ko sa GenAd, kahit nandoon ang lahat ng drums ng aming paaralan, matamlay ang cheering ng mga tao. Mas wild pa mag-cheer 'yung mga nasa Upper Box (A man o B). Naapektuhan rin tuloy ang aking pagsigaw bilang suporta sa aming koponan. Masagwa kasi na todo sigaw ako--mag-isa lang din kasi ako; mabuti kung may kasama ako na makikisigaw rin. 'Yung mga katabi ko naman, walang paki. Ewan ko kung naghahanap lang sila ng prospective snatch victim o tahimik lang talaga silang manood ng mga laro.

Anyway, as usual, dikdikan na naman ang laro. Kailan ba naman pumayag ang makabilang kampo na makalamang nang sobra 'yung isa? Pero matapos ang lahat, matapos akong madiyahe sa kasisigaw kahit ako lang mag-isa ang ngumangawa, pagkatapos ng pag-upo't tayo kada time out (oo, maluwag sa ibang bahagi ng GenAd. As in maluwag, puwede ka pang humilata), at matapos akong magpatuyo ng pantalon, ipinasok ni Chris Tiu ang bola nang malapit nang maubos ang oras, pati na pag-asa ng mga asul. Natapos ang lahat sa puntos na 65-64, at muling maglalaban ang dalawang eskuwelahan sa darating na Linggo (30 Setyembre 2007).

Mukhang mega tiba-tiba ang Araneta sa season na 'to ah. Ikalimang pagtutuos na 'yan sa Linggo, at sa mga laban pa lang ng magkaribal na eskuwelahan, lagi't laging halos sold out ang buong Coliseum. Magpatayo na lang kaya ako ng coliseum, tapos ahasin ko ang kontrata ng UAAP, NCAA, PBA, at ng kung anu-ano pa man. Malamang saksakan na ako ng yaman ngayon. HAHAHA!

Para siguraduhin ang aking pagyaman, pati mga scalper na pawang mga tauhan rin naman ng Coliseum, aagawin ko na. HAHAHA part 2!

GO ATENEO! Isa pa sa Linggo!

---------

At dito muna magtatapos ang aking supermega delayed entry. Antabayanan ang kasunod, na lalo namang delayed. Haha.

Friday, September 14, 2007

ANG PERSONALIDAD (DAW)

Kahit pa medyo nawiwindang pa rin ako sa paggawa ng Psy101 Individual Project (na malabo kong matapos bago mag-Lunes, kung kailan 'yun due), nakuha ko pa ring tumingin-tingin ng blog ng ibang mga tao. [Kaya naman pala hindi mo 'yan matapos-tapos eh!]

Kaugnay pa rin ng Psych, namataan ko itong chorva sa blog ng isa kong blockmate. Napansin kong kaaaral lang namin ng paksang ito; katunayan, kalo-long test lang namin ukol dito (Personality Theories + Memory) kahapon (13 Setyembre 2007). Sinubok kong umechos nitong ganitong mga online test na hindi ko naman talaga karaniwang ginagawa. Naaliw ako sa resulta, kaya naman ngayon, ipamamahagi't ibabalita ko sa sanlibutan kung ano ang resultang 'yun:

Your Five Factor Personality Profile

Extroversion:

You have low extroversion.
You are quiet and reserved in most social situations.
A low key, laid back lifestyle is important to you.
You tend to bond slowly, over time, with one or two people.

Conscientiousness:

You have medium conscientiousness.
You're generally good at balancing work and play.
When you need to buckle down, you can usually get tasks done.
But you've been known to goof off when you know you can get away with it.

Agreeableness:

You have medium agreeableness.
You're generally a friendly and trusting person.
But you also have a healthy dose of cynicism.
You get along well with others, as long as they play fair.

Neuroticism:

You have low neuroticism.
You are very emotionally stable and mentally together.
Only the greatest setbacks upset you, and you bounce back quickly.
Overall, you are typically calm and relaxed - making others feel secure.

Openness to experience:

Your openness to new experiences is medium.
You are generally broad minded when it come to new things.
But if something crosses a moral line, there's no way you'll approve of it.
You are suspicious of anything too wacky, though you do still consider creativity a virtue.


Totoo naman yata. Pero mukhang may kokontrang mga friendships ko kapag nabasa nila ito! Ahahahaha!

Kamusta naman, nauna pa 'to kaysa sa komentaryo ukol sa laro n'ung Linggo (GO ATENEO!) kontra sa mga berde ang dugo. Sa bagay, copy-paste lang naman ito. Sakaling matapos ko itong tinatapos kong Psych Individual Project nang matiwasay, at makahanap ng karampatang oras bago mag-Accounting, Fil, at Histo Long Test sa susunod na linggo, gagawin ko na 'yung entry na 'yun. May bonus feature pang komentaryo ukol sa basag-ulong naganap kahapon sa laban nila kontra UE. [KUNG makahagilap ako ng over-precious time.]

Gusto ko rin sanang magkomentaryo ukol sa hatol sa dating pangulo; kaya lang, mukhang malabo na 'yun. Mahirap kasing mag-isip ng ikokomento ukol d'un.

O siya, pakipanalangin na lang sa lahat ng santo (including Santa Claus, please) na ako'y buhay at humihinga pa hanggang Oktubre, pagkatapos kong sumailalim sa dagat-dagatang apoy ng hindi nagpapatigil, hindi nagpapapigil, patuloy na nagpupumiglas na mga HELL week.

Mabuhay at pagpalain tayong lahat.

Friday, July 27, 2007

IKALIMANG LARO

Hindi pa nakalilipas ang isang buwan magmula nang bisitahin ko ang Araneta Coliseum dahil sa PBB Big Night, bumalik na naman ako kahapon (26 Hulyo 2007) para sa pinananabikang muling pagtutuos ng magkaribal na unibersidad: ang inabangang UAAP Season 70 Round 1 bakbakan sa basketball ng Ateneo at La Salle.

Suwerte't napadpad pa ako sa Upper Box A, salamat sa isang kaibigan ko noon pang high school na may kakayahang makakuha ng ticket sa mga ganyang mahahalagang okasyon. Nitong nakaraan, medyo nagkagulo ang paunang pagkuha niya ng mga ticket, kaya naman hindi ko na inakalang makapupunta pa ako't makapanonood nang live sa kinasasabikang labanan. Hindi na rin ako pumila nang nagbenta sa eskuwelahan noong martes (24 Hulyo 2007). Pero kahapon, alas siete ng umaga, PE class namin (magkaklase kasi kami), bumungad ang isang magandang balita. Nakahagilap siya ng ticket, at nag-back-out ang dapat sana'y isasama niya, kaya naman nakasabit ako. 'Yun nga lang, kakailanganin kong lumiban ng klase ko sa Psych (130-300PM) dahil kukunin pa mula sa isang mensahero (na nag-aabang sa Coliseum) ang mga ticket. Cut na rin siya (pati 'yung isa niyang blockmate na nakasama namin) ng klase nila sa Com (300-430PM). Last minute na talaga, pero ayos lang. At least mayroon. At isyu mang ituring ang nasabing pagliban sa klase, 'di ba't may mangilan-ngilang mga bagay-bagay sa buhay na mas mahalaga kaysa sa pag-aaral? Chos! Hahaha!

[Hindi ko na siya papangalanan dahil malamang na kumita siya ng hindi bababa sa milyong piso kung piliin siyang tangkilikin ng mga desperadong makakuha ng ticket, at kung pipiliin niyang pasukin ang negosyo ng pag-sa-scalper. Hahaha! Pero salamat pa rin sa pag-imbita, chong! :) ]

Hindi ko alam kung bakit ako nadadamay sa kaechusahang labanan sa pagitan ng dalawang eskuwelahan. Wala naman akong natural na galit sa La Salle. Natural bang pumapasok ito sa katauhan mo kapag pumasok ka sa Ateneo? O sa kabaligtaran, kusa rin bang pumapasok sa katauhan ng mga taga-La Salle ang pakikisangkot sa bakbakang ito laban sa mga Atenista? Hindi rin naman ako tulad ng iba na tatlong buwang gulang pa lamang, miyembro na ng papaslang-ako-para-makanood-ng-laro club. Anu't ano pa man, nadamay na nga ako, e ano pang magagawa kundi makisangkot na nga?

Hayun, hindi pa tapos ang laro ng UST at NU, halos puno na ng mga naka-kulay berde ang kalahati ng Coliseum, at siyempre pa, ang mga dugong bughaw sa kabilang kalahati. At bandang mga alas kuwatro y medya, itinampok na ang isa sa pinakaaabangang laro ng halos lahat ng nilalang, kolehiyo man, elementarya, nagtatrabaho sa Makati o karinderya, o nasa sinapupunan pa lang.

May nahagilap na upuan 'yung blockmate ng kaibigan ko para sa aming tatlo, pero parang wala rin namang silbi. Ayon nga sa narinig ko sa kung saan, ito 'yung larong nagpupumilit makahanap ng upuan ang mga tao, pero tatayo rin lang naman. Oo nga, bukod sa tayo nang tayo 'yung nasa harapan ko, hindi yata talaga mapipigilang mapatayo sa gan'un kahusay na laro. Matigang ba naman sa labanan nang isang taon dahil sa suspensiyon, sino'ng hindi mananabik na makapanood?

Dikit ang laban; nang manood ako ng Bandila kagabi, "dikdikan" ang salitang ginamit. Kung hindi mo napanood, ayyy. Kung napanood mo, ang saya 'di ba? Makalilimutan talaga na mayroon ka pang Long Test kinabukasan, o Paper (at Notecards para sa English paper! Haha!) na kailangan na rin kinabukasan. Tila baga huminto ang panahon, ang pagtakbo ng oras, nang mga oras na 'yun. Kahit nga raw 'yung mga kapamilya ko sa bahay, mega tutok. Special mention, napaaga nang 'di hamak ang pag-uwi ng kapatid ko, na hindi naman kadalasang umuuwi nang maaga.

Dikitan talaga ang score sa bawat quarter, sa memorya kong walang tulong ng MemoPlus o ng Glutaphos, natapos nang pantay, 30-30, noong 1st half. Hanggang sa umabante nang kaunti ang asul, didikitan na naman ng luntian, at sa kadulu-duluhan, nagpantay na naman sa pagtatapos ng 4th quarter. 'Yun nga lang, hindi ko na talaga matandaan ang puntos, 'di ko man lang mahulaan tulad ng unang nabanggit noong 1st half.

Overtime. Karagdagang limang minuto ng kantiyawan, sigawan, at pagkamangha. Akala ko, mauulit ang trahedyang naganap noong isang taon sa Game 3 ng Finals laban sa UST. Bigla kong naalala, pareho pala ang suot kong tshirt kahapon sa suot ko noong isang taon. Kamusta naman, UAAP uniform? Nagbabadya ba? Hindi.

Naungusan ng Ateneo ang La Salle sa Overtime. Dikitan pa rin, hindi lumalayo nang sobra ang lamang, 'di tulad ng trahedyang naganap sa pagitan ng DLSU at UE nitong nakaraang..umm..hindi ko na maalala kung kailan 'yun. Pagkatapos ng hindi mabilang na kantiyawan sa pagitan ng dalawang nag-aalab na kampo ng manonood, pagkalipas ng hindi mabilang na pagsigaw ng "Go Ateneo!" katuwang ng cheer ng kabilang panig, pagkalipas ng hindi mabilang na pagsubo ng kaibigan ko ng Strepsils bilang first aid sa nagbabadyang kawalan ng boses, pagkalipas ng hindi mabilang na hinayang, palakpak, talon, at tuwa, natapos ang laro sa puntos na 80-77, ang ikaapat na panalo naming nag-angat sa estado ng aming basketball team sa ikalawang puwesto, may apat na panalo't isang talo.

Masarap nga yata talaga ang pakiramdam ng nananalo, kaibang-kaiba sa mga karanasan ko sa panonood ng mga laro namin ng basketball noong high school. Lalong kaiba sa pakiramdam noong Game 3 noong isang taon. Naaalala ko pa, nang pauwi ako sakay ng LRT matapos ang 'di kaaya-ayang pangyayari, mega dilaw ang nasakyan ko, at ako lang yata ang naka-asul. Ngayon, masarap dalhin kahit ang malaking support paraphernalia na nakulimbat ko ('yung kamay na nakapormang number 1 tapos sponsored ng Samsung) hanggang bahay (take note, dyip lang ang sinasakyan ko pauwi). At kahit pa medyo pinagtitinginan ako ng mga tao dahil sa kakaibang dala-dalahan ko, keber lang. Panalo naman eh.

Wala na ring pakialam kung may hindi pa natatapos na gawain, o may Long Test pa kinabukasan. Panalo naman eh. Iba talaga ang pakiramdam ng nananalo, at lalong iba ang pakiramdam ng nasa Araneta (panalo man o talo, iba ang saya. Sakay na!) Ramdam na ramdam ang tesiyon. Higit sa lahat, libre ang sumigaw. Mapa-"Go Ateneo!", "One Big Fight!", o "Suspended!", walang makikialam. Hindi katulad ng nasa bahay, na mapasigaw ka lang nang kaunti dahil sa galak o panghihinayang, minsan mukha ka nang ewan, lalo kung walang pakialam sa mga ganyan ang mga kasama mo sa bahay.

Hindi ko talaga masuri ang buong laro dahil una, short-term memory lang ako't hindi ako nakapag-notes dahil sa dikdikang laban, at pangalawa, hindi ako eksperto sa sports. Anu't ano pa man, harinawang naipahatid ko at nailabas ang kasiyahan mula sa naturang pangyayari. At harinawang magpatuloy ang pagkapanalo ng dugong bughaw. We bleed blue.

Ah, basta. Mahusay talaga 'yung laro. Hindi kabagot-bagot. Bawat segundo, katutok-tutok. Makalaglag-baba. Makalaglag-panga. Pagbati sa parehong koponan para sa isang mahusay na laro!

At siyempre pa, 80-77. WIN or lose, it's the SCHOOL WE CHOOSE! Go Ateneo! One Big Fight!
I-shoot mo, i-shoot mo, i-shoot mo na ang ball,
i-shoot mo na ang ball,
ang sarap mag-basketball! (Repeat)

Monday, July 2, 2007

ANG MALAKING GABI

Whatever. Parang masagwa kapag isinalin sa Filipino. Ang tinutukoy ko diyan ay ang Big Night ng Pinoy Big Brother season 2 nitong nakaraang Sabado (30 Hunyo 2007).

Dahil sa ABS-CBN nagtatrabaho ang kapitbahay namin, nagpamudmod siya ng mga ticket para sa naturang magaganap na finale ng isa na namang edisyon ng PBB. Nakakuha ang tatay ko ng tatlo, kaya naman kahit na ipinangangalandakan kong isinusuka ko ang PBB2, pinili ko na ring kunin ang pambihirang oportunidad na makapanood ng isang live television event.

Pambihira lamang talaga ang gan'un dahil bukod sa hindi ako sanay na makipagpilahan (at kung minsan, makipagpatayan pa sa mga sinigitero't singitera) para lamang makapanood ng isang event (gayong puwede ka namang manood sa TV), madalas ring para sa pag-aakala ko, hindi convenient ang pagdarausang lugar ng mga event na gan'un. Ngayon-ngayon lang rin kasi ako nagkamalay na hindi naman pala gan'un kahirap pumunta ng Araneta Coliseum galing sa bahay namin. Hanggang Folk Arts Theatre (na Tanghalang Francisco Balagtas na ngayon) lang yata ang alam kong mapuntahan (bagaman hindi pa rin ako nakapapasok d'un). Subalit kung sa ABS-CBN studio, Ninoy Aquino Stadium, Cuneta Astrodome, Philsports Arena (dating Ultra), o Meralco Theatre idaraos ang seremonyas, ibang usapan na 'yan. Sa bahay na lang ako manonood; maraming lugar na sa pangalan ko lang alam. At bukod sa katimangan sa lugar, hindi rin lagi-lagi na may kapitbahay kang taga-ABS, o GMA. Kamakailan lamang din namin sila naging kapitbahay.

Dahil nga alam ko na ngayon kung nasaan ang Araneta Coliseum, at dahil pagkakataon na ito upang mabigyang-kasagutan ang mangilan-ngilang tanong ko sa production chenes ng mga produksiyong pantelebisyon, inangkin ko na ang tatlong ticket at hindi na hinayaan pang umanod sa ilog. Kahit nagkaroon ng mangilan-ngilang pagkakataon na inisip ng mga kapamilya kong ipamigay na lamang ang ticket at pagkakitaan (binalak yata nilang ibenta ng 50-75 piso, haha!) wala silang nagawa dahil nga inangkin ko na ang mga 'yun. At napag-isip-isip rin ng kapatid at nanay ko na sumama. Para na rin siguro sa karanasan ng panonood nang live sa mismong pinaggaganapan.

May klase ako ng Sabado, kaya't nagkita na lamang kami sa Araneta ng mga alas kuwatro. Aba, wala pang gaanong tao; hindi napatunayan ang inaasahan at inaakala kong may mga pipila na mga alas singko pa lang ng umaga. Siguro sa Wowowee lang 'yun o sa Eat Bulaga. Pero may dumating nang mga tagasuporta ni Beatriz, at nagpamudmod ng mangilan-ngilang support paraphernalia.

Dahil nga wala pa namang gaanong tao at wala pang pila, naglamyerda muna kaming tatlo sa Gateway; d'un na lang kami naghintay at nagpalipas ng oras. Aircon eh, samantalang saksakan naman ng init sa labas. Siyempre, d'un na rin kami lumamon at d'un na namin inihanda ang mga sikmura sa mukhang matagal-tagal na pilahan at panonood. At d'un ko rin napag-alamang may mga takubets na babayaran mo ng sampung piso bago ka makagamit. Alam ko namang may ilang mga takubets na may bayad, pero sa pagkakaalala ko, hanggang dos pesos, o siguro hanggang mga limang piso lamang ang sinisingil. Ano ba 'yan, diyes pesos? Magpapalit lang naman ako ng damit! Pero dahil diyahe naman kung sa gitna ng Gateway e bigla akong mag-burles, at dahil mega naiinip ako sa dami ng tagapagtangkilik ng takubets sa may Food Court (libre kasi), nagbayad na rin ako. At d'un ko nadiskubreng malinis naman pala ang naturang kubeta, at punuan ang lalagyan ng mga tisyu, paper towel, at sabon; 'di katulad ng ilang CR na minsan pati tubig wala (alalahanin mo ang magiting na patalastas ng Diatabs o Imodium ba 'yun). Pero kahit na, sana ibinili ko na lang ng fishball 'yung sampung piso ko at naghintay na lang d'un sa libre, kahit tumirik pa ang mga mata ko o makatulog dahil sa tagal.

Buweno, dahil medyo nawili kami sa pagtitingin sa mga bagay na wala naman kaming balak bilhin, bahagyang hindi natupad ang pinlano kong pagbalik sa Coliseum ng mga alas sais. Mga 630PM na kami nakabalik, at pagpunta namin sa may green gate ng Coliseum (sa tapat ng Shopwise), nagulantang kami na wala pa ring tao. 'Yun pala, nagsimula ang pila sa may kabilang kanto ng green gate, at sandamakmak na ang mga tao. Muntik nang mapuno ang buong bangketa hanggang sa susunod na kanto ng mga naghihintay makapasok. Nang makapila na kami, medyo nagkausap-usap ang mga tao, at naulinigan kong sa kabilang gate (red gate naman daw ang tawag), mas marami pa ang nakapila. Dahil sa ekspresyon ng nagkukuwento na para bang may rebolusyon na sa kabila sa dami ng tao, inisip ko na lang na sana makapasok pa kami, kahit man lang Lower Box o Upper Box A. Utang na loob, huwag lang sa General Admission. Bakit ba kasi ako nahilig sa pagwi-window shopping; kung sana kanina pa kami pumila e di malamang nasa may unahan pa kami, parang sayang tuloy, ang aga pa naman din naming dumating. Anu't ano pa man, wala na rin namang magagawa kundi sumunod sa mga "naunang" pumila (oo, may mga panipi 'yan dahil hindi naman talaga nauna 'yung iba sa pila, kundi <*ehem*>).


Nagulantang na naman ako nang wala pang alas siete ay biglang gumalaw na ang pila. Akala ko may kung anumang kaguluhan sa may harapan. 'Yun pala, nagpapapasok na. Aba, ilang beses ipinangalandakan ni Toni Gonzaga na "gates open at 730," tapos mga 7PM pa lang nagpapapasok na? Laking gulat ko dahil inakala ko pa nga na mga alas otso na magsisimulang magpapasok; pero nakakatuwa ring paminsan-minsan ay napabubulaanan ang mga inaasahan mo. Ibig sabihin (siguro), nagbabago na ang kaugalian (malamang-lamang, tungo sa ikabubuti) kaya't hindi na nangyayari ang mga inaasahan mo (na ibinabase naman kadalasan sa mga nakaraang balasubas na karanasan).

Hayun na nga, nagpapasok ng mga alas siete, at pag-akyat namin, may nagsisigawan. Hindi ko na inalam kung ano ang dahilan ng pagbubulyawan nila, pero mukhang malala dahil may mga mura-mura pa, with matching tono na parang papatay ng tao. Siguro, may napakalalim silang dahilan kung bakit sila nagbubulyawan at nagmumurahan--tulad marahil ng kainisan dulot ng hindi pagpapapasok. Aba, sapat na sigurong dahilan 'yun para sa kanila para hugutin ang mga itak at magsimula ng rebolusyon.


Pagpasok namin, sa Upper Box B kami napadpad. Nakapasok pa ako para sa Upper A, pero dahil hindi na yata sanay makipag-gitgitan ang nanay at kapatid ko (laban sa mga taong mahilig chumorva <*ehem*>), bago pa man sila makapasok ay pinigilan na dahil puno na raw. Dahil wala na rin naman akong mamataang mauupuan, lumabas na lang ako uli at sumama sa Upper B. Chenes.

Pero ayos din naman pala dahil sa may bandang gitnang harapan sila nakahagilap ng puwesto, at maayos ang view. Sakop ng gusto kong anggulo at katamtaman lamang rin naman ang layo. Ayos. PERO hindi pala talaga ayos. Mega feel at home 'yung nakakuha ng puwesto sa likod ko; mantakin ba namang magpatong nang magpatong ng mahiwaga niyang mga paa sa sandalan ng upuan ko (take note, barefoot). Nagulantang talaga ako nang mapatalikod, with matching galaw-galaw pa kasi ng mga daliri sa paa. Yak. [Baka magawan ko pa 'to ng hiwalay na entry dahil sa trauma na sinapit ko mula sa kanyang mahiwagang mga paa, at dahil na rin sa kakaiba niyang echusa.]

Anyway, nakapasok kami sa Coliseum at nakapuwesto mga pasado alas siete y medya. Buti na lang, nag-unli ako n'ung araw na 'yun dahil kung hindi, baka nagsitirik na ang mga mata ko sa inip. 'Yung iba, kapapasok lang, naghahanap pa ng mauupuan. 'Yung iba, nakikipagdadaan sa mga katabi. 'Yung iba, nag-aayos ng support paraphernalia. 'Yung iba, nakatingin sa kawalan. Ako, padada-dada sa kapatid at nanay, obse-obserba, at mega dutdot.

Sa pag-oobserba ko, nasagot na ang mangilan-ngilang tanong ko na matagal-tagal na ring bumabagabag sa katauhan ko (sa kasawiang palad, hindi naisali ang mga ito sa 'Dare to Ask'). Una na riyan, ano ba ang ginagawa sa Coliseum kapag gan'ung uri ang palabas? Matagal ko na rin naman kasing alam na bilog ang Coliseum; pero kapag nanonood ako sa telebisyon, parang nasa isang bahagi lang 'yung audience, sa isang direksiyon lang nakaharap ang performers at/o host. Iniisip ko noon, hinahati ba ang Coliseum? Paano naman 'yung kalahati? (Sayang ang espasyo.) O ginagamit ba nila? E paano naman 'yung mga manonood sa bahaging 'yun, tinatalikuran na lang nila?

'Yun pala, hinahati nga ang Coliseum. Hindi naman hating-hati as in kalahati; marahil nasa mga 1/4 lang 'yun ng kabilang bahagi ng Coliseum (kaharap ng audience side), kaya hindi rin naman masyadong maaksaya sa espasyo. May dambuhalang kortinang nakatakip, siguro 'yun na rin ang magsisilbi bilang backstage. Ang saya, at least ngayon, alam ko na.

Mas matiwasay rin palang tingnan ang set design kung live mong panonoorin (para sa 'kin). Mas kinatuwaan at na-appreciate ang trabaho ng set at/o stage designers. Simple lang ang entablado n'ung gabing 'yun, hindi masyadong magarbo; pero ang kapayakan ding 'yun ang lalong nagpahusay n'un para sa akin. Marahil, may nakita na akong 'di hamak na mas maganda ang pagkakadisenyo sa entablado, pero dahil nga namamangha ako, kinatuwaan ko na rin 'yun.

Sa mga nanonood, kanya-kanyang sinusuportahan. May maka-Bea, maka-Gee-Ann, maka-Mickey, at kahit mangilan-ngilan na lang, mayroon pa ring maka-Wendy. Kanya-kanyang asikaso sa mga hiyaw; may mga cheer-cheer eklavu na kahit hindi pa nagsisimula. Litanya pa nga ng kalikod ko,

Naku, lumabas ka na Wendy at nang mabatukan na kita .... Nanggigigil ako! Magtigil-tigil ang mga nagsisigaw ng Wendy [bilang suporta sa kanya]! Wendy, labas!

Sa mga panahong 'yun ko rin napag-alaman na medyo hayok ang mga tao sa support paraphernalia, siguro iuuwi para souvenir. Nang dumating ang mga lobong kulay pink (para kay Bea), hiyawan ang mga utaw. Hingi dito, hingi d'un. E para namang hindi tatagos, lalabas, o tatakas 'yung hangin paglipas ng ilang araw 'di ba? Iimpis lang din naman 'yun. Pero hayok na hayok talaga sila. 'Yung isa nga, sampu-sampu pa yata ang kinulimbat, e dalawa lang naman sila. Nang may manghingi, buong pagdaramot silang tumugon na, "Hiningi lang din namin 'to eh."

Mega echos din ang mga sponsor. Tingnan bilang halimbawa ang kasiya-siya, kalugod-lugod, at kaaya-ayang patalastas ng Nissin Cup Noodles. Paulit-ulitin ba naman ng kulang-kulang isang oras ang patalastas na 'yun. Mygas. Kahit sino maririndi, pupusta pa ako na kahit 'yung may-ari ng Nissin, o kahit 'yung talent sa commercial, e magsasawa sa kauulit. [Kung hindi mo maalala ang patalastas ng Nissin, 'yun 'yung may officemate silang natagalan sa loob at lunch time na. Napagdesisyunan ng barkada na iwan na lang siya, at nauna na sa kakainan. Mag-aala-una na nang makalabas ang naturang empleyado, kaya't nagmadali siyang tumungo sa Mini Stop para bumili ng Nissin Cup Noodles. At habang nagaganap ang lahat ng 'yan, sipi sa kantang "No Touch" ng Juan de la Cruz band ang kapita-pitagang background music: "Pahawak naman, Pahipo naman... Sige na, sige na...."] Laking pasasalamat ng sangkatauhang manonood nang sa wakas, napagpasyahan ng kung sinuman na itigil na ang pagpapaulit-ulit-ulit-ulit ng naturang patalastas.

Pampagising si Chokoleit; bago magsimula, nagngangangawa siya bilang ice breaker o pampaaliw sa live audience. Ayos naman, nakakatuwa, at least nabawasan ang pagkabagot at pagkarindi sa letsugas na commercial. Pero inisip ko, bakit ngayon lang nila napag-isip-isip na magbigay ng pampabawas sa kabagutan ng sangkatauhan? Ibig bang sabihin, hindi ganoon kahalaga ang live audience nila kumpara sa TV audience? Oo, 'di hamak na mas sangkaterba't sanlaksa ang TV audience, pero 'di ba dapat ring pahalagahan ang mga taong piniling magtiyagang pumunta? Porke ba walang bayad ang ticket, gan'un na lang? O ganyan talaga kapag live audience?


Nagwala ang sangkatauhan nang tumugtog ang theme song. Akala nila, simula na. Mega hiyaw, mega tuwa. Pero, tugtog pa lang; practice yata. Bumilang pa ng hindi iilang minuto bago tunay na nagsimula. At nang nagsimula na nga, parang hindi na masyadong nagsisigaw ang mga tao; siguro masyadong naging anti-climactic ang nakaraang maagang pagpapatugtog ng theme song.

Dahil nagsimula na ang coverage sa TV, nagsimula na ring gamitin ang lahat ng kasangkapan. Lalo ko namang kinatuwaan ang gamit ng ilaw. Sa TV kasi, medyo naiirita ako sa lights. Para bang istorbo lang para sa akin; wari bang (wari bang?!?!) dapat pampaganda 'yun ng kung ano, overall effects marahil, subalit para sa akin, lalong nawawasak at/o nababalahura ang view sa TV dahil sa lights. Natutuwa naman ako sa gamit ng ilaw sa teatro, pero hindi ko pa nakikita nang totohanan at live ang sa TV. At humigit-kumulang parehas lang rin naman pala ang layon at epekto ng naturang kasangkapan. Marahil dahil na rin sa gamit ng lights kaya ko kinatuwaan nang labis ang opening production number ('yung kasama si Tina). Mas masaya. Kita lahat (bagaman hindi mo na rin masyadong maaaninag ang mga pagmumukha nila); kaibang-kaiba sa TV na babatay lang ang nakikita mo sa perspektiba ng cameraman. Doon, puwede kang pumili kung saan ka titingin at kailan mo titingnan.

Dito ko na rin napag-alaman na may mga camera palang nakakabit sa istrukturang mahaba, hindi ko kasi mailarawan at hindi ko mahanap ang tamang termino. Crane yata ang tawag d'un, o kung anuman. Tapos mano-mano pala ang paggalaw d'un, akala ko de-makina. Nagulat na lang ako nang biglang may crane (o kung anuman) na umiikot, tapos camera pala 'yun, at tao ang nagpapaikot.

Kautang-utang na loob naman ang dadanasing kabagutan ng live audience tuwing commercial break. Wala lang. Total silence. Kung hindi man, aaliwin kunwa ng host (e.g., Toni Gonzaga) ang audience, kaunting joke-joke, tapos katahimikan na naman. Minsan, nagrerehearse sa harap ng humigit-kumulang pitong libong nilalang ang mga sasayaw sa susunod na segment. Minsan, magre-rehearse ng script ang host, babasahin niya nang malakas. Minsan, may hahanapin sila (si Tita Elvie) at magtatanong ng kung ano, tungkol sa script, costume, sequence of events, et cetera et cetera et chusa. Kung papaanong hinubog ang kaisipan ko sa nakaraang labimpitong taon na hindi dapat ginagawa ang ganyan sa harapan ng live audience--kung paanong dapat raw ay handang-handa na ang lahat kahit isang araw man lang bago ang Big Day (o Night)--ganoon ding nabalahura sa karanasang ito. At least ngayon alam ko nang ganyan siguro ang kumbensiyon sa mga programa sa TV. 'Yan din ang isang tanong ko noon: Ano ang ginagawa sa studio kapag commercial break? Ngayon nasagot na. Hahanapin nila si Tita Elvie. Magtatanong, magre-rehearse. Buti pala kapag sa bahay, at least puwede kang maglipat ng channel habang commercial break.

Anak ng putakti. Dahil nga Big Night, napakaraming commercial break. Napakatagal rin ng bawat commercial break. Napakaraming beses tinanong si Tita Elvie. Napakaraming beses halos mamuti ang mga mata ko sa inip. Napakaraming beses bumuka ang bunganga ko para maghikab. Napakaraming text messages ang naipadala't natanggap sa pagitan naming magkakadutdutan sa bawat commercial break. Napakaraming beses gumalaw ang daliri sa paa ng kalikod ko.

Tatlong oras nagpasalit-salit ang halu-halong pakiramdam ng pagkaintriga (sa kung sino ang mananalo, bitin kasi nang bitin), pagkagulantang (sa kung paanong galit na galit talaga ang sangkatauhan, lalo na ang kalikod kong feel at home, kay Wendy), pagkamangha (sa kung paanong sa pamamagitan lamang ng pakikitira sa 'Bahay ni Kuya' at pagchochorva ng mangilan-ngilang sitwasyon ay nakahakot ang apat kataong natira ng humigit-kumulang pitong libong tao para manood sa Araneta), pagkadismaya (sa kung paano nilang tratuhin ang live audience tuwing commercial break), pagkatuwa (sa pagkakadiskubre ng mga kasagutan sa ilang katanungan ko ukol sa live TV event), at pagkabagot (sa sangkatutak na commercial break).

Sa wakas, paglipas ng pitumpu't siyam na taon, paglipas ng samu't saring chechebureche, dumating din sa punto ng pag-aanunsiyo sa Big Winner. Siyempre, hindi ligtas ang puntong ito sa sari-sari't sandaigdigan pang pasakalye bago marating ang Big Winner mismo. Nang ianunsiyo na si Gee-Ann ang 4th Big Placer, nanlumo ang sangkatauhan. Inasahan ng lahat na si Wendy ang lalabas. Parang nanghina pa ang katabi ko, parang bumubulong-bulong ng "Kainis naman... Eeh... Ayoko na... Bakit si Gee-Ann?" or something like that. Dalawa pa yatang beses naulit ang "Eeh." Lalong nanlumo ang mga nakadilaw (maka-Gee-Ann) at lalong tumindi ang sigawan ng "Wendy labas!"

At nang ipinagbigay-alam na si Wendy na ang 3rd Big Placer, nagdiwang at nagbunyi naman ang lahat. Standing ovation. Parang katatapos lang kumanta ni Andrea Bocelli (o 'di kaya, ni Christian Bautista. Haha!) Mararamdaman mo ang kasiyahan ng lahat na hindi siya, salamat sa mga espiritu, ang Big Winner. Tipong na-perfect, na-A mo ang Accounting Longtest. Parang nanalo sa Lotto, PhP800M solo winner. At nang magsimulang magsalita si Wendy bilang 'valedictory address,' muling nanumbalik ang atmospera ng pagkamuhi. Kung natatandaan mo, humiling pa si Wendy na kahit sandali'y pagbigyan siyang magsalita. Kung hindi naririnig sa TV ang sigaw ng tao, hindi na naririnig si Wendy sa Coliseum dahil sa sigaw ng tao. Nawalan ng silbi ang sound system at sangkaterbang speakers. Mega "boo" ang buong sanlibutan.

Pagkalipas ng commercial break, ramdam pa rin ang katuwaan dahil nga lumabas na ang kinamumuhian. Tipong wala nang talo kahit sino sa dalawa ang manalo. Win-win situation. Pero siyempre, mega suporta pa rin ang mga, umm, supporters, nina Mickey at Bea.

Nang ipangalandakang si Mickey ang 2nd Big Placer, wala nang masyadong ugong-ugong sa Coliseum, sigawan na lang yata para kay Bea, pati na rin kay Mickey. Hindi ko alam kung inasahan na nilang si Bea ang mananalo sa dalawa, o sadyang wala na lang talaga silang pakialam dahil nga napalayas na ang noon pa dapat pinalayas.

Kasiya-siya naman ang nasaksihan ng mga nasa Araneta nang commercial break matapos ang proklamasyon kay Bea bilang pinakabagong Big Winner. Pagtapos niyang makalabas sa higanteng Disco Ball (at hindi ko maintindihan kung bakit Disco Ball ang chorva), umentrada ang mga sponsor at nagpatalastas. Sa mga panahong pinanonood mo ang ipinapakitang susunod na kabanata ng Walang Kapalit, at ang kapita-pitagang Nissin Cup commercial, halakhakan naman sa amin dahil talon nang talon si Bea. Parang 2 year-old na batang (lalaking) unang beses pa lang nakakita ng remote-controlled na kotse. Talon-talon, mistulang kangaroo, at hiyaw-hiyaw, mistulang retarded. Hello, act your age! Hahaha!

May mangilan-ngilan rin palang kabutihan ang panonood ng live; at 'yan ay ang matuklasan ang mga bagay-bagay na hindi nakikita ng sanlibutang sa TV lang nanonood. Hindi ninyo nakita ang tunay na pagsasabuhay ni Bea sa kanyang kilalang-kilalang litanya: "ACT YOUR AGE!" Nyahaha.

Natapos ang lahat sa pagpapamana ng dambuhalang tsekeng nagtataglay ng milyong piso. Naalala ko si Keanna pagkatanggap niya ng tsekeng gan'un din nang manalo siya sa Celebrity Edition: "Paano ko 'yan ie-encash?" Sa awa ng mga espiritu, hindi naman guman'un si Bea. At least she acts her age. Chos!

Nagwakas ang lahat sa isang performance ng Cebalo ng tanyag na tanyag na "Pinoy Ako." At nagwakas nang tuluyan ang pagkahaba-habang prusisyon. Sa may labas, may namimigay ng Nissin Cup Noodles. At least may matino naman palang nagagawa ang naturang produkto bukod sa mambulahaw ng katinuan. Pero dahil dinumog na ang nag-iisang booth (o dalawa yata 'yun, sa green gate), hindi na kami nakipagsiksikan. Baka himatayin lang 'yung namimigay sa kawalan ng sapat na hangin kung daragdag pa kami sa patuloy pang dumaraming gutom na nilalang na dumudumog sa booth niya.

Sumakay kami ng bus pauwi, mga mag-aala-una lang naman ng madaling araw. Bus ang sasakyan namin patungong Monumento, sabay dyip hanggang sa may amin. Ayaw ko ng aircon bus dahil medyo malamig naman at dahil baka mahilo ako sa air freshener, kung may pambili pa sila n'un. Lagi kasing kontra sa pang-amoy ko ang pang-amoy ng kahit sinong tsuper. At napag-alaman ko rin kamakailan na mas malamang na maisakatuparan ang planong hold-up sa aircon bus, kunwari nakabulatlat ang mga kortina, 'yun pala may holdapan nang naisasakatuparan sa loob. Katuwa-tuwa 'yung regular bus na nasakyan namin, mantakin mo ba namang kay ayos-ayos. At dahil umuulan nga nang madaling araw na 'yun, mega tulo from heavens above ang tubig sa bus. Para lang kaming walang bubong. Nakanamang bus 'yan. High quality talaga! No match ang iba! Sa'n ka pa?

Mabuti't mabilis na natapos ang kalbaryong 'yun dahil wala namang masyadong traffic. Sumakay kami ng dyip, at bumaba't tinahak ang kalye sa may amin, kung saan hindi miminsang may napabalitang nakikialam sa mga pinto't gate sa madaling araw (sa pagtatangka marahil na malooban ang bahay ng may bahay), kung saan hindi miminsang makaririnig ng putok ng baril (dahil sa mga argumento o simpleng napagkursunadahan lang), kung saan hindi miminsang may napabalitang na-holdap (at hindi rin kailangang gabi ang holdap; kahit pa 'yan alas dose ng tanghali). Ayos. Ala-una ng madaling araw. The best.

Sa awa ng Diyos, hindi umatake't nangyari ang alinman sa mga nabanggit noong naturang gabi. Nakauwi naman kami nang matiwasay, at nakapanood ng tsismis sa The Buzz kinabukasan, siyempre pa't ukol na naman sa nakalipas na malaking gabi.

Thursday, June 21, 2007

PAGLIPAS NG LIMAMPU'T TATLONG TAON

Hay, mukhang limampu't tatlong taon na mula nang huli akong makapag-post. Hindi ko na tuloy natupad ang pangakong mag-aanalisa ng mga kandidato para sa nakaraang eleksiyon. Nag-analisa pa rin naman ako, pero hindi ko na naipangalandakan ang resulta ng kaeklatan kong iyon. Actually, may mga gusto akong sulatin noong bakasyon, subalit hindi ko na nagawa dahil mahirap humagilap ng pera para maibayad sa computer shop. Minabuti ko na munang gamitin sa mas kapaki-pakinabang na mga bagay ang perang nakakalap ko, tulad ng gawing barkong papel ang mga perang papel, at ipaanod sa ilog Pasig (baka makarating kay <*ehem*> at mai-feature ako sa susunod na SONA). Kung nagkaroon ng pagkakataon noong bakasyon na umulan ng tig-5 sentimong barya (oo, 'yung may butas sa gitna), marahil nakapagpundar ako at nakapunta sa computer shop. At kung nangyari 'yun, ito siguro ang ilan sa mga naisulat ko:

ANG MGA PATALASTAS II
-Sequel sa post na "Ang Mga Patalastas," na layong pumuna (ayan, pumuna, hindi manlait) ng ilang piling campaign ad ng mga balahurang politiko na tumakbo nitong kalilipas na eleksiyon. Kabilang siguro rito ang Tapatan/Sorry Echuva Ad (ni Dancing Queen), ang Maniwala Ka sa Echuva Ko Ad (ng kandidatong tunog-gulay ang apelyido), at hindi pa rin mawawala ang Pabahay Echuva Ad (ibang bersiyon naman ng ad ng politikong naglalakad umanong kapatid). Hindi ko na matandaan kung iyan na talaga lahat, dahil madalas na pang-short term lamang ang aking memory. Kung may bigla akong matandaan na dapat sana pala'y pinuna ko, baka isingit ko na lamang sa kung saan sa hinaharap.

Tatangkain ko na ring alalahanin kung anu-ano sana siguro ang mga naisulat ko kung napuna ko nga sila noon pa. Una, kay Dancing Queen. Ang tanong , bakit ka nag-Dancing Queen? Ang sagot, pasensiya na, nasaktan ko kayo eh. Mygas. Sana lang sinagot niya 'yung tanong 'di ba? Ewan ko na. Ikalawa, d'un sa tunog-gulay na madalas gawing paksa ng panunuligsa sa hindi katanggap-tanggap na pagwawaldas ng salapi para lamang sa kampanya. Oo nga, marahil, natupad mo na ang ilang mga pangarap ng ilan sa mga kinontsaba mong mga karaniwang tao, kung sa kanila mo ginamit ang higit 160 milyong pisong winaldas mo lamang sa kampanya. 'Yun namang sa naglalakad na utol, hindi ko maintindihan kung bakit siya magse-senador gayong sa pabahay pala ang forte at genre niya. Sana siguro sumapi na lamang siya sa Gawad Kalinga? O nanatili sa Pag-Ibig o HUDCC ('di ko alam ang pormal na depinisyon niyan, siguro Housing & Urban Development Chuva Chenes) habambuhay? Bakit kailangan pang mag-senador? At ang lalo kong hindi maintindihan, ang litanya ng kinontsaba: "bumilis ang fast-tracking ng mga proyekto n'ung nasa HUDCC pa siya." Umm, may ibibilis pa pala ang "fast" tracking!

MEGA ENDORSE
-Ito ang end-product ng ginawa kong pag-analisa kunwa sa ilang mga politikong sa pagpapalagay ng machenes kong kalooban ay may kakayahan, at karapatan, na manungkulan sa pamahalaan sa darating na tatlong taon (para sa mga sendaor, anim na taon, puwera na nga lamang kung mapagdesisyunan nilang may gawing kung anuman sa 2010 elections.. At assuming magkakaroon ng halalan sa 2010). Hati ang nararamdaman ko sa lumabas sa ComElec count; natutuwa ako dahil walo sa mga ieendorso ko sana ang naiproklama na, anim mula sa GO (out of seven, at no, hindi ko isinama sa mga 'karapat-dapat' si Loren), isang independent (hindi 'yung galing militar), at isa galing ng TU (at isa lang siya talaga, si Joker). Medyo nakadidismaya na apat sa kanila ang hindi pumasok, tatlo mula sa Ang Kapatiran, at isa mula sa GO (ang asawa ng ayon sa ilang nabasa ko lately, "the best Philippine president we never had." Sumalangit nawa). Wala akong sinang-ayunan sa naglalaban ngayon para sa ikalabindalawang puwesto.

Hanggang sa mga lokal na posisyon, sinubok kong sukatin ang kakayahan ng mga tumakbo sa lungsod ng Caloocan. At nanalo ang mga sinasang-ayunan kong Congressman, at Mayor. Hindi nanalo ang ninais kong maging Bise-Alkalde; 'yun pa ring lumang Vice-Mayor ang nailuklok, samantalang ang parang nagustuhan ko ay 'yung kapartido ng nanalong alkalde. Mga kandidato para sa pagka-Konsehal lamang ang hindi ko nakumpleto; isa lamang ang naisama ko sa listahan sa aking sample ballots (as if!), at nanalo naman siya. Ikinatutuwa ko ring nanalo ang sinasang-ayunan kong kandidato sa pagka-Alkalde sa Maynila. At buti na lamang, hindi umepekto ang jingle ng kalaban sa TV ad na parang ganito ang letra: "Kay [surname of politician] pa rin, hindi na magbabago.." So ano 'yan, balak niyong gawing pagmamay-ari ang Maynila?

MULA UMPISA HANGGANG KATAPUSAN
-Ito na ang entry na "kakambal" ng kauna-unahan kong post. Siyempre, ito ang kapita-pitagang panlalait (oo, panlalait, hindi lamang pamumuna) sa kachuvahang seryeng may pamagat na Sana Maulit Muli. Pinanood ko ang buong huling linggo ng naturang serye dahil baka naman may nangyaring kababalaghan, milagro, at himala (take note, "at" ang conjunction, hindi "or") na nakapagpabuti sa kabuuan ng serye. Ngunit hindi nga nangyari ang kailangang kababalaghan, milagro, at himala, na kung naabot sana lahat ay marahil na nakapagpabago ng mangilan-ngilang aspeto sa serye na napakarami naman talagang dapat na ipinagbago, matapos ang ilang buwan ng pag-ere nito sa telebisyon.

Subalit uulit-ulitin ko, hindi nga nangyari ang inaasahang pagbabago. Tingnan ang lumipad na truck sa kalagitnaan ng huling linggo (kung tama ang pagkakaalala ko, Miyerkules iyon ipinalabas sa telebisyon). Naaalala mo na ba? Hay, ito totoo lang ah, walang halong exaggeration, pagmamalabis, o kung anuman; isang buong commercial break akong hindi tumigil sa katatawa. Hindi ko alam kung nangingitim na ako o namumula sa kawalan ng hangin (dahil nga hindi ako makahinga nang maayos dahil sa sobrang tawa), pero ang sigurado ko, naluha ako nang todo. Parang daig ko pa ang nag-drama sa dami ng nailuha ko, pero hindi ako nag-drama, tumawa ako nang tumawa. Humalakhak.

Ano ba naman kasi 'yun? Pekeng-peke, to the highest level, ang paglipad at pagkakahati ng truck. Tangkain mong maghanap ng video n'un, o bumili ka ng DVD (payong kapatid: pirated lang ah, hindi akma sa salaping iwawaldas mo kung bibili ka ng original na DVD n'ung seryeng 'yun) para masipat mong muli. Tingnan ang loveteam samantalang umiiwas sa lumilipad na truck. Pekeng-peke. To the highest level. Ayon nga kay Rufa Mae, "todo na'to!" Todo sa ka-peke-an, todo sa kabulukan ng "special" effects. Sa pagtalon ng dalawa (na halatang-halata namang idinikit lang), naaalala ko noong may nakikita akong naglalaro ng paper doll na pinatatalon ang mga ito. Mukha talaga silang paper doll. Hindi ko na alam kung bakit ganito ang nangyayari sa telebisyon.

At ang ending. Ano ang mensahe ng gayong palabas? Na kayang paglaruan ang tadhana? Siguro, maganda ang mensahe kung titingnan ito bilang pagpapahayag na tao ang siyang may hawak sa sarili niyang tadhana. Pero 'yung paglaruan ang kamatayan? 'Yung paikut-ikutin ang buhay? 'Yung basta ka na lamang magsusuot ng relo at mabubuhay ang isang tao? Ano 'yun? Ibig bang sabihin, kapag may namatay uli sa kanilang dalawa, isusuot na lamang ng isa ang relo at mabubuhay nang muli ang isa? Hindi ko na talaga alam. At take note, sa Jollibee ang una ninyong pagkikita. Instant advertisement, parang 'yung sa Maging Sino Ka Man na bigla na lang may mananakit ang ulo at rerekomendahan ni John Lloyd ng paracetamol na safe kahit walang laman ang tiyan. Juice ko.

------------------

Ayan. Ayan na yata ang lahat ng binalak kong isulat noong nakaraang bakasyon. Ipagpaumanhin kung hindi ko na napalawig nang mabuti, una, dahil ang aking memory span ay tunay namang maikli lamang, at ikalawa, lubhang hahaba ito kung palalawigin ko pa nang husto. Condensed version na ang mga 'yan, dahil magmumukha nang masagwa kung itotodo ko pa sa pagpapalawig gayong limampu't tatlong taon na nga ang nakalilipas. Kung ka-Sun ka namin (meaning Sun subscriber), mauunawaan mo ang sinasabi ko. Tipong tuwang-tuwa kayong nag-uusap through dutdutan (i.e., text) at bigla-bigla na lamang masisira ang momentum dahil sa made-delay ang mga mensahe. Madalas, pagdating ng mensahe, 'di ka na maka-relate, o 'di mo na maunawaan ang sinasabi. Parang, "may napag-usapan pala tayong ganyan??" Ewan ko, pero baka ako lang 'yun dahil short-term lang nga ang memorya ko. Anu't-anupaman, nawa'y maging regular nang muli ang aking bloglife ngayong may access na ako sa libreng computer at internet. Siya nawa.

Friday, March 30, 2007

ANG MGA PATALASTAS

Hmm, mukhang sampung taon na naman mula nang huli akong mag-post dito. At walang ibang dahilan bukod sa tinatamad ako at walang maisip na ilagay. (At oo, hindi mawawala diyan ang kagila-gilalas na karamihan ng mga pangangailangang gawin sa eskuwelahan!!) At ngayong tapos na ang lahat-lahat, as in lahat-lahat, as in second sem, at pupuwede na akong chumorva ng kung anuman, heto na akong muli.

Matapos akong ma-praning, mawala sa huwisyo, at magtatanong ng sangkatutak na mga tanong, medyo nawala yata ang misyon ko sa buhay na manlait nang manlait. Pero huwag mag-alala, 'di na kita gagambalain, alam ko namang ngayon, may kapiling ka nang iba.... Tanging hiling ko sa'yo.... et cetera, et cetera, et chusa. Huwag mag-alala, heto ako uli at balik na sa di-maiiwasang since birth na panlalait. [Tingnan mo 'yang katang 'yan, walang saysay ever. Suriin mong maigi, at baka ma-praning ka.]

Election period na naman. At as usual, puputaktihin na naman tayo ng sandamukal na mga patalastas ng mga politiko (kinda makes you wonder where your taxes go [hindi pa pala ako taxpayer, kaya wala akong karapatang magkomento ukol diyan]). Maya't maya na naman ang daan ng truck na pinalamutian ng sandamukal na poster (sana nga pati buong windshield tinakpan na rin), at sandamukal na speaker (susme, tatalunin pa sa ingay ang concert ng bamboo o ng kamikazee).

"Ispageting pababa, pababa nang pababa. Pati si [insert name of politician here, preferably 3 syllables. (pero dahil malikhain tayo, kahit dalawampung pantig, pagkakasyahin!)], ibaba na! Ibaba!"

"Boom tarat tarat. Boom tarat tarat. [insert name of politician here, preferably 3 syllables.], 2x, Boom-boom-boom."

"[insert name of politician here, preferably 3 syllables.], 2x, sa buhay ay kailangan. Nang umunlad ang inidoro. [insert name of politician], 2x, sa buhay ay kailangan. Nang mai-flush, inidoro."

'Yan. Ganyang mga makabuluhang political jingle na naman ang ikasisira ng eardrums ng limang milyong katao. Oo, limang milyong katao ang nagkakaroon ng diperensiya sa tainga tuwing may eleksiyon. Hindi pa kasama diyan ang nagmamaneho ng campaign truck, na tinatayang nasa dalawampung katao naman. 'Wag mo nang kontrahin, dahil pautot ko lang 'yang estadistikang 'yan. [PERO, ang mas kataka-taka, bakit pati politiko nagkakaroon ng diperensiya sa tainga, umaatake nga lamang pagkatapos ng eleksiyon? Hmm...]

Dahil nga higit isang buwan na lang at (sana) papasok na naman tayong lahat (puwera sa aming mga wala pang 18, oo bata pa ako!) sa presinto para maglagay ng pangalan ng mga taong inaasahan nating makapagpapabago ng estado ng ating pamumuhay, mga taong inaasahan nating mabubuti ang idudulot sa lagay ng pamamalakad sa gobyerno, tuloy-tuloy na rin ang kanilang pangangampanya para maihalal sa kung saan mang posisyon ang gustuhin nila. [Kamusta ang run-on? :)]

Kaya naman, dahil sa aking sensibilidad para manlait nang manlait, idadamay ko na pati ang mga political ad ng mga nagnanais na iluklok sa puwesto para makapaglingkod sa bayan. Baka makatulong sa pagpili mo ng isusulat mo sa balota.

Hindi ko alam kung sadyang mapanlait lang ako o timang talaga ang mga patalastas ng ilang politiko ngayon. Hay, ewan, basta ito na:

[Note: Hindi porke't nilait ko ang ad, hindi ko na gusto ang politiko. May ilan akong hinahangaan, pero sumakit ang ulo ko sa mga ad nila. Gumamit ng context clues na natutuhan mo sa kindergarten para malaman kung sinu-sino sila. Huwag kang mag-alala, kakaunti lamang naman sila.]

[Note 2: Kung iba ang opinyon mo sa mga ilalagay ko rito, ayos lang. Kung gusto mo, ipagtanggol mo ang manok mo. Hindi naman ako magsusumbong sa nanay ko o sa tatay ko, baka sa tindahan ni Aling Nena lang kita isumbong. Kanya-kanya tayong opinyon. Pero hindi ko sasabihing "Kanya-kanyang opinyon tayo, we are a democratic, free country." No, we're not.]

Unahin na natin si Loren Legarda. Hmm, nakita mo na ba 'yung ad niya? Wala akong masyadong problema sa visuals, pero susme, narinig mo ba nang maigi 'yung kanta?? "Siya lang ang tunay na pag-asa, TANGING si Loren lang.. Kung sa sipag at talino lang naman, TANGING si Loren lang..." Excuse me, walang ibang choice? Tanging siya lang? Hmm, parang hindi yata. Ibig bang sabihin, kapag namatay siya ngayon (knock-on-wood), wala nang ibang pag-asa, wala nang ibang masipag, at wala nang ibang talino? At bakit pa siya sumali ng partido kung TANGING siya lang? Para namang iniwan niyang nakabitin 'yung mga kasama niya. Ewan ko lang..

Isunod na natin si Ping Lacson. May pa-H.O.P.E.-H.O.P.E. pa siyang nalalaman. Pero hindi ko alam, hindi epektibo 'yung acronym niya para sa akin, dahil hindi ko talaga matandaan. At pakinggan ang litanya: "Si Ping ang kinabukasan." Umm, kapareho n'ung nauna, kapag namatay ba siya ngayon (knock-on-wood), wala na tayong bukas? Parang hindi naman. (Pero parang lang 'yan).

Heto pa ang isa: 'yung nagbabandera ng tatak raw niya. Sige lang, "ang tatak [insert candidate name here], sa senado ibalik na, [insert candidate name, pasigaw]!" Nagpunit pa siya ng papel na may apat na letra: E, V, A, at T. At least, may malinaw na balak siyang gawin. PERO, ano 'yun, gan'un lang? Magpupunit lang siya ng papel sa senado? At ang lalong hindi ko maatim, 'yung mga sinaunang bersiyon ng mga patalastas niya. Kung natatandaan mo pa, binanggit niya ang pangalan ng ilang mga kamag-anakan niya na nanungkulan din sa pamahalaan. At ang kasaysayan raw ng senado ay kasaysayan ng tapat na paglilingkod. Sa hindi malamang kadahilanan, 'yun din daw ang tatak [insert candidate surname]. Hmm, ano ba 'yan? Umaasa sa mga naunang kamag-anakan para iangat ang sarili? Parang timang. Ano nga ba kasi ang kaugnayan ng magiging performance niya sa naging panunungkulan ng kamag-anakan niya? Hiniram ba niya at ipinasaksak ang utak nila sa sarili niya? O baka nagpalit-palit sila ng espiritu?

Isa pa ring karumal-dumal 'yung patalastas ng anak kasalukuyang senador, na tumatakbo rin bilang senador. Clue: tunog-buko ang pangalan niya. Natatandaan mo na? Ano ang nakita mo sa patalastas? Malamang sa hindi, ang nakita mo ay 'yung tatay niyang kasalukuyang senador. Sa palpak-palpak kong mga estimasyon, 70% ng duration ng ad, 'yung tatay ang naka-plaster sa TV screen, tapos 15-20%, 'yung anak ng kandidatong wala pang kamuwang-muwang sa ginagawa niya, at 10-15% lamang ng duration ng patalastas ang itinagal ng mukha niya. At, hindi lamang 'yan, may linya pa siya na "Oo, anak, mahal ng tatay ang bansang 'to, higit pa sa kanyang buhay." (Or something to that extent.) Susme! Ewan ko lang ha, pero maniniwala ka pa ba sa ganyang mga pahayag? Sige, ikaw.

Isa pa sa talagang nakakikilabot ay 'yung d'un sa tunog-gulay ang apelyido. Obserbahan: siya raw ang may pinakamaraming patalastas sa telebisyon ngayon. Ibig sabihin, siya ang may pinakamalaking ginastos para sa kampanya. Samantalang ayon sa mga pinagbabasa ko nitong nakaraan, wala naman daw siyang ginawa sa probinsiya niya. Alma nga raw ng mga magsasaka, "[pangalan ng gulay] namin ay lanta, dahil [pangalan ng kandidato] namin ay tan-g-a." (Parang gan'un, 'di ko maalala 'yung tiyak na salitang ginamit. 'Di ko na rin matandaan ang URL, sumangguni sa mahal na patrong google search at baka matiyempuhan mo). Muli, kinda makes you wonder where your taxes go.

Tumungo na tayo sa mismong patalastas. May mga kinontsaba pa siyang karaniwang tao para sa walang kuwentang ad niya. Sa totoo lang, tawa ako nang tawa sa tuwing makikita ko ang patalastas niya. 'Yung mga karaniwang tao, magbabanggit ng pangarap nila; kesyo gusto nilang sumikat para sumikat ang Philippines (huh??), gusto nilang magkabahay, gusto nilang mag-aral, gusto nilang mamalengke, gusto nila ng toblerone, gusto nila ng syota, gusto nila ng walang lamang bote ng C2, gusto nila ng ganito, ng ganyan, et cetera, et cetera, et chusa. Sabay sulpot ni kandidato; parang larong pambata. "Pangarap kong tuparin ang mga pangarap mo. Ako po si [candidate], pro-pinoy!" Excuse me, you may pass! Paciencia biscuits, pero ano ba 'to?! Sige, mangarap tayo nang mangarap nang sabay-sabay! Tara lets! Kung iuupo natin siya sa senado, mangangarap lang ba siya? Mangarap tayong lahat!!!

Heto pa ang isa sa karumal-dumal talaga. 'Yung ad ng parang hose raw kung sumipsip kay (you-know-who). 'Tol!! [Parang masarap palitan ng U at L ang 'T, palagay mo?] Hesus, Sta. Marya, Josep! Sto. NiƱo, Sta. Inez, Sta. Catalina! Mo. Ignacia, Sta. Cruz, Sta. Claus! Tingnan mo pa ang nasa poster: "Walking 'Tol." Kamusta ka? Ano'ng akala niya sa utol, hindi naglalakad? (Puwera na nga lang kung baldadong talaga). Ayon sa butihin kong ina, may pelikula raw noong panahon ni kopong-kopong na Walking Tall (o Toll, o kung anumang katunog). Sige, pero sana naman nag-iisip 'yung politiko, 'di ba?

Tingnan, lalo pa, ang mga sinaunang bersiyon ng kanyang mga patalastas. May isa d'un, kassama niya si Keanna Reeves at Manny Poohcquiao (pati na rin ang ilang karaniwang mamamayan). Alalahanin kung paano sila nagpakahirap tawagin 'yung chenes; halos magkandatumba-tumba na nga sina Keanna at Poohcquiao. Tapos hayun lang si politiko, lakad lang nang lakad. Narinig siguro 'yung mga tawag. Lilingon sandali, tapos kakaway, sabay talikod. Ewan ko, ganito ba ang gusto natin sa senado? Sa political ad pa lang, mahirap nang abutin. Maabot mo man, titingnan ka lang at kakaway sandali, tapos lalakad na naman nang mag-isa. Hindi ko na talaga alam..

Gusto mo pang mag-lokal? Sige, pero isa lang ang ikinatatakas ng huwisyo ko. Sa Maynila. Nakapasyal ka na ba nitong nakaraan sa Maynila? Kung oo, sigurado ako [oo, SIGURADONG-SIGURADO, kahit saan pa 'yan sa Maynila] na nakita mo na ang mga poster nila. Sa kaliwa, 'yung kasalukuyang nanunungkulan; sa kanan 'yung imamanok niya para pumalit sa kanya. At take note, magkamag-anak sila. Sa naglipanang posters, hindi pagtatakhang maipagkamali sila bilang kambal. Pareho pa ng suot na damit. Grabe. Grabe talaga. Buhat na buhat. Kinda makes you wonder about political dynasties.

Hindi ko alam kung ito na ang lahat ng nilalayon kong malait na ad, dahil ito lang ang pumasok sa utak ko ngayon. Kung may iba pa, sa susunod na lang, dahil hindi ko matandaan ngayon kung alin ang mga 'yun. Pero baka matagalan uli ang susunod kong post, dahil summer na at wala nang masyadong libreng Internet (sa eskuwelahan ko lang itina-type ang lahat ng mga post ko eh.. haha) Pero 'wag mag-alala. Samantalang papalapit ang halalan, pipilitin kong patuloy kayong magambala para maengganyong pumili ng (mahusay) na kandidato.

Friday, March 9, 2007

DARE TO ASK

Wala lang. May mga katanungan lang talagang bumabagabag sa kalooban ko nitong mga nakaraang araw. Puro tanong lang 'to, bunga ng kapraningan at ang katahimikan ng pag-upo sa inidoro.

Pero para magmukhang may silbi, una kong ibibida ang advocacy noon ng Philippine Daily Inquirer:

Dare to ask.

(Wow naman) :)

Sabi nga daw ni Lea Salonga bago siya mag-audition para sa Miss Saigon, "Why not the world?"

Sabi naman ni Romy Garduce bago niya maakyat ang Everest, "How hard can it be?"

Higit sa lahat, 'di malilimutan ang pagtatanong ni Ninoy Aquino bago siya lumipad pa-Pilipinas at mamatay sa tarmac ng airport, "Why can't I come home?"

'Yan ding mga tanong na 'yan ang nakapagpasimuno ng pagbabago. Mga simple, oo, pero nakapagdulot ng mga di-malilimutang tagpo sa kasaysayan ng Filipinas.

Kaya naman, ako naman ang magtatanong. Baka magbago ang takbo ng lipunang Filipino sa mga makabuluhan kong tanong.

[Note: 'Di ko na ilalagay dito ang tanong na "Puwede bang mag-softdrinks kapag coffee break?" Gasgas na kasi. Kaya naman, 'di na ako mag-aaksaya ng espasyo at magpapagod sa pagta-type ng tanong na "Puwede bang mag-softdrinks kapag coffee break?" ]

[Ilan pala sa mga katanungang ito ay inspired ng mga libro ni Bob Ong]

Sino ang nauna, manok o itlog?

Bakit may mga teleseryeng itlog sa ratings? Bakit may teleseryeng manok na manok ang pagkuha ng manonood kahit itlog na itlog naman ang content?

Bakit may mga bulok na teleserye? Bakit ipinagpipilitang gawing artista ang ilan sa mga nananalo sa reality shows na wala namang kaugnayan sa pag-aartista?

E bakit nga ba patok na patok ang reality shows? Reality nga ba ang mga 'yun?

Bakit ako mahilig sa reality shows?

Bakit ka mahilig sa reality shows? Kung hindi ka mahilig, kaya mo bang duraan sa mukha si Big Brother?

Bakit may pausong isa-isa araw-araw ang ipinapasok na housemates? Pabor ka ba rito? Bakit gustong-gusto mong mag-subscribe sa 24/7 channel service?

Bakit kaya nauuso ang 24/7? Bakit ko ito piniling ipasok bilang salita ng taon?

Bakit checked-out ang librong kailangan ko? May makikita ka bang librong "The Dehumanization of Man" ang title? Maaari mo bang ipagbigay-alam ang lokasyon? Puwede ko bang mahiram, sandali lang?

Bakit mahirap sa eskuwelahan? Mahirap ba talagang mag-aral? Kaya mo bang i-reverse psychology at sabihing nasa isip lang ng taong nakaka-D o F ang kahirapan ng mga subject?

Ano kaya ang ipinagkaiba kung hindi ka nag-grade one? Paano mo ba nasabing literado ka ngang tao? May pagkakaiba kaya, bukod sa boring na mga araw kasama ang teacher mo sa English na nagtuturo ng S-TV-IO-DO; boring na Math teacher na nagtuturo ng X+Y=1215125130 at age and geometry problems; boring mong mga recess time kasama ang mga tsismosang kusinera ng canteen; lunch time kung saan may nalaglag na blackboard eraser sa ulo mo, dahil nalimutan mong may inilagay ka palang eraser d'un para sana pambiktima ng mga magbubukas ng pinto; tsismisan sessions tungkol sa kabadingan ng teacher kasama ang barkada; pagnakaw ng tingin sa crush mo noong high school; pagnakaw ng cellphone ng kaklase mo galing sa bag niya? May kabuluhan nga ba ang ganitong nakagawian mong mga bagay dahil sa elementarya at high school?

Ano ba talaga ang distinksiyon ng kursong AB at BS? Bakit may ganyang ka-eklavuhan? Paraan lang ba 'to para makapag-promote ng diskriminasyon?

Bakit talamak ang diskriminasyon? Paano ito napaiigting ng media? Naipapalaganap ba ito ng mga pelikula?

Bakit may mga taong mahilig sa pelikula? Pelikula ni FPJ (sumalangit nawa)? Pelikula ni Panchito? Bakit nagtumpok ang mga lalaki sa isang stall sa Quiapo? Anong pelikula 'yun?

Bakit nauso ang Quiapo? Bakit may pirated DVD sa paligid ng Simbahan? Bakit 'pirated' ang tawag? 'Di ba puwedeng 'chinorva'?

Sino ang nagpauso ng DVD-9? Bakit hindi mo pa alam hanggang ngayon kung ano ang DVD-9?

Ang mura ng DVD ngayon ano? Sa halagang 80 pesos, mayroon ka nang isang bilog na bagay na naglalaman ng sampu hanggang labindalawang pelikula. Sa halagang 40 pesos, mayroon ka nang single DVD, madalas nga lang, walang case. Ang saya 'di ba?

Bakit si Jose Rizal ang nakadukdok sa piso? Gan'un ba siya ka-cheap? Hindi naman 'di ba? Sino ang nagpausong magkaroon ng 200 peso-bill para mailagay ang mukha ng tatay niya rito? Bakit tatlo ang nasa isanlibong piso?

Mukha bang pera ang mga taong naka-imprenta sa pera?

Mukha bang pera ang ilang mga tumatakbo ngayon sa politika? Gusto mong pangalanan natin sila?

Makapal ba ang mukha ng ilang nasa politika na ngayon? Gusto mo rin bang pangalanan natin sila?

Hindi ba dapat iniihaw nang buhay ang ilang mga nasa politika? Willing ka bang mag-provide ng grillers of all sizes? Paki-dala ng mga 4 feet ha, para special 'yung kanya. Ok lang ba sa'yo kung sa'kin na ang uling?

May mga cannibal ba talaga? Paano kaya nila kinakain ang tao? Hilaw? Luto? O half-cooked?

Bakit may half-cooked na pagkain? Masarap ba ang mga ganito? O timang lang talaga 'yung nagluto?

Alam ba ng nagluluto sa inyo ang sustansiya ng kinakain mo ngayon? Alam mo bang nalaglagan 'yan ng buhok niya kanina?

Ano ang silbi ng gulay sa katawan mo, bukod sa sinasabi ng nutritionists? Alam mo ba ang ginagawa ng roboflavin, ascorbic acid, calcium at iba pang minerals sa katawan mo, bukod sa sinasabi ng nutritionists? 'Di kaya mayroon silang conspiracy?

Bakit patok ang conspiracy theories? Mayroon ba silang karampatang aplikasyon sa buhay mo? May conspiracy theories ka bang naiisip? Hindi kaya ampon ka at pinagkakaisahan ng pamilya mo ngayon?

Interesado ba ang pamilya mo sa conspiracies? Interesado ba silang itapon ka sa kalawakan?

Nakapunta ka na ba sa Neptune? Ilang tao na nga ba ang nakapunta sa kalawakan? Si Shaider kaya, nakapunta na? Si Gloria? Pero naniniwala ka sa mga litratong galing sa outer space? Malay mo ba kung conspiracy lang 'yun?

Nakabibingi nga ba ang matataas na lugar? Kung gayon, nakabibingi ba ang altitude sa outer space?

Bakit may mga binging driver? As in binging-bingi?
[True to life stories]:
(1) Pasahero: Manong, bayad ho.
'Di kikibo ang driver. Ngawit na ang nag-aabot. Uulitin ni pasahero ang sigaw.
P (mas malakas): Manong, bayad ho.
'di pa rin kikibo ang driver.
Iba pang pasahero (sabay-sabay): Manong, bayad daw ho.
Driver: Bayad? (kukunin ang 20 peso-bill) saan 'to?
P: Mayhaligue ho, isa lang. [Mayhaligue: isang kalye sa Maynila.]
D: Saan?
P (mas malakas): Mayhaligue ho, isa lang.
D: Ilan?
P: Isa lang ho!
D: Isa lang?
IPP (sabay-sabay): Isa lang raw ho.
pagkalipas ng ilang sandali,
D: Sukli, o.
nang umabot na sa Mayhaligue,
P: Manong, para ho.
'Di titigil ang driver. Uulitin ng pasahero ang sigaw. Mas malakas.
P: Manong, para ho sa tabi!
Tuloy ang pagkaripas ng dyip. Isang kanto na ang inilayo mula sa Mayhaligue.
IPP (sabay-sabay, malakas): PARA NA RAW HO!
Ilang segundo ang tuloy ng pagkaripas bago huminto. Isa't kalahating kanto na ang inilayo, bababa si pasahero:
P (pabulong): Hay nako!
(2)P: Bayad nga ho, o.
'Di kikibo ang driver. Ngawit na ang nag-aabot. Uulitin ni pasahero ang sigaw, mas malakas.
P: BAYAD HO!
Tatanggapin ni manong driver ang 20 peso-bill.
P: Isa ho 'yang Batangas at isang Grand, estudyante pareho. [Batangas: isang kalye sa Maynila; Grand (Central): isang mall sa may Monumento sa Caloocan.]
Patuloy lang ang pagtakbo ng dyip. Walang kibo ang driver at patuloy lang sa pagkaripas.
Maya-maya,
P: Manong, 'yun pong sukli ng bente, isang Batangas po at isang Grand, estudyante.
D: Ha? Saan?
P (mas malakas): Isa pong Batangas at isang Grand. Estudyante.
D: Isang Batangas at?
P+IPP: Grand daw ho.
Lilipas pa ang mahabang panahon, at nang malapit na sa Batangas Street,
P (boses-galit): MANONG 'YUNG SUKLI HO NG BENTE! ISANG GRAND AT ISANG BATANGAS!
D: Grand at Batangas?
P: Opo.
Matagal na panahon uli. Batangas Street na.
D: Sukli, o.
*'Di siguro narinig ni driver na estudyante 'yung dalawa. Kulang ang sukli niya ng apat na piso. Hindi na nagreklamo ang dalawa. Nakakarindi.
**May nagbayad pa uli, dalwang matanda, at isandaan 'yung pera. Ikaw na ang mag-imagine kung ano ang nangyari sa kanila.

Bakit may mga pasaherong 'di na nagrereklamo kapag kulang ang sukli? Bakit may mga driver na kulang magsukli? Masarap ba silang sapakin nang sabay-sabay?

Bakit ma-cheverloo echusa ever ang chenes kemedu? Chakadoo echos chever? Charot?

Nauubusan na ba ako ng tanong? Bakit kaya?

May karugtong pa ba ito? Mapa-praning pa ba ako uli at magtatanong ng sangkaterbang mga tanong?

Ikaw kaya, sasagutin mo ba ang mga ito? Praning ka rin ba?

Dare to ask.

-------
P.S.: Mayroon yatang mga opensibang mga tanong, at nililinaw kong hindi ko layong makapanakit ng damdamin ninuman. Naintindihan mo ba 'tong P.S.? Kailangan pa ba 'to?

Dare to ask.