Higit isang taon na yata mula nang huli akong bumisita rito para maglagak ng kung anong nilalaman ng puso't isipan. Bunsod ng katamaran, at kung anu-ano pang dahilan, hindi na ako muling nakabalik at tila naabandona ang mumunting espasyong ito.
Ngayon, isang pagtatangkang buhayin muli ang patay. Haha.
Kalilipas lamang ng isang napakahalagang araw sa kasaysayan ng iniirog kong bansa, ang pinanabikan con todong Halalan 2010. Ito ang tiningala bilang ang araw kung kailan magsisimula ang pagbabago, dala na rin ng walang katapusang pagkamuhi sa kahit na anong ikilos ng papatapos na rehimeng Arroyo. Sabi ng nakararami, malaki ang bahaging gagampanan ng araw na ito (10 May 2010), sa pagbuhay sa bansa at sa partisipasyong demokratikong inaakala nating matagal nang namayapa. Heto diumano ang unang araw ng panibagong yugto, matapos ang halos isang dekadang pamumunong Arroyo. Tunay nga, elementarya pa ako siya na 'yan. Tapos na ako sa kolehiyo, siya pa rin. Ngayon, magbabago na. Ngayon, maiiba na. Daw.
So hayun na nga, mega go to register noon pang Mayo 2009. Todo pananaliksik sa mga kandidato, attend ng forum dito, nood ng debate diyan. Tila nabuhay ang bahaging politikal na minsan-minsan lang nating nakakapiling (mga isang beses sa tatlong taon). Napakaraming kaibigan ang tunay na nag-isip, nagdili-dili, nagmuni-muni, at pumili ng kani-kaniyang kandidatong susuportahan.
Marahil, dahil na rin sa hype ng lahat, ito na ang panahon kung kailan ako nakaramdam ng pinakamatinding libog politikal. Dati-rati naman, nakiki-salimpusa na ako sa mga quick count operations at sa pagtatangkang panatilihin ang animong kabanalan ng boto at balota. Naging semi-partisan na rin ako noong 2007, pero ngayon, naging partisan much ako nang piliing suportahan ang isang kandidato pagka-Pangulo.
Pero parang ang point lang naman talaga ng entry na ito ay isiwalat ang mga ninais kong maluklok--ang laman ng iisang balotang may numerong 745 something something...(nakalimutan ko na rin hahaha), na ipinagpipilitan ng iba na dapat itago at gawing pribado via the ballot secrecy folders na muntik nang magkahalagang higit PhP300.00 ang isa. Kanina pagboto ko, parang binili na lang sa palengke 'yung folders. Keri lang, keber naman ang folders na 'yan. Hahaha.
So ito na nga:
Pangulo:
1. Teodoro, Gilberto, Jr.
Pangalawang Pangulo:
1. Binay, Jejomar C.
Mga Senador:
1. Bautista, Martin D.
2. Bello, Silvestre III H.
3. Biazon, Rozzano Rufino B.
4. Cayetano, Pilar Juliana S.
5. Defensor-Santiago, Miriam P.
6. Enrile, Juan Ponce
7. Hontiveros-Baraquel, Ana Risa
8. Lacson, Alexander L.
9. Lambino, Raul L.
10. Marcos, Ferdinand Jr. R.
11. Roco, Sonia M.
12. Tamano, Adel A.
Party-List Group:
1. Trade Union Congress of the Philippines
Kinatawan ng Distrito:
1. Cabochan, Carlos V.
Alkalde:
1. ABSTAIN
Bise-Alkalde:
1. Vallega, Cherry S.
Mga Konsehal:
1. Abelardo, Alvin E.
2-6. ABSTAIN
So ayun. Sila ang pinaniwalaan kong magdadala ng "pagbabagong" parang kating-kati tayong makamtan ngayong taon. Alam kong may kani-kaniya tayong manok, pero aaminin kong dismayado ako sa naipakikitang partial results ngayon sa TV c/o the first ever automated election counting sa bansa. Pero gulantang rin naman ako sa bilis ng resulta. Haha.
Dismayado ako sa politikang lokal ng Caloocan. Wala kaming choice. Echiverri-Erice vs. team-up ng matagal nang magkaribal na Asistio-Malonzo. At wala akong nakitang may promesa sa mga tumakbong konsehal; para bagang basta magkaroon lang ng posisyon, makatakbo lang ba sa eleksiyon.
Dismayado ako dahil kahit nag-abstain ako sa mayoralty race, dahil wala naman yata talagang deserving sa Echiverri-Asistio feud, may mananalo at mananalo. Malamang si Echiverri 'yun.
Dismayado ako dahil parang hindi man lang pumapasok sa partial counts 'yung nag-iisang city council candidate na nakitaan ko ng malinaw na direksiyon at may nais talagang gawin para sa siyudad. Hindi siya mananalo.
Dismayado ako dahil 'yung congressional candidate ko, nasa likuran din ng karera. Nangunguna ang incumbent na kahit may mga nagawa namang iilan para sa ikabubuti ng distrito, ang claim-to-fame ay ang pagpirma sa HR1109, at pakikipag-giyera kay Vicki Belo ukol sa liposuction.
Dismayado ako dahil iilan sa mga pinaniwalaan kong Senador ang pumapasok. Aapat (Cayetano, Defensor-Santiago, Enrile, at Marcos) lang ang kasali sa Magic 12 as of press time. 'Yung mga talagang gusto ko (Hontiveros-Baraquel, M. Bautista) ay nasa likod-likod. Sabit si Hontiveros; nawawala si Bautista, kagaya ng pagkawala nina Bello, Lambino, Lacson, at Tamano.
Dismayado ako dahil imbes na itong mga taong ito ang pumapasok, nananatiling pasok sa senatorial race ang mga tulad nina Revilla at Lapid.
Dismayado akong nasa ikalawang puwesto si Estrada sa karera pagka-Pangulo as of press time. Dismayado talaga ako. PARANG, ANO BA. ANO BA NAMAN. ANO BA TALAGAAAA.
Dismayado akong si Aquino ang nangunguna. Dismayado akong parang puro simpatiya na lang ang umiiral. Dismayado ako dahil hindi naman talaga siya dapat tatakbo, pero sa isang iglap, nadedo ang ina, at napakarami raw ang nagmakaawang tumakbo siya sa para pamunuan ang bansang ito. Dismayado ako dahil wala pa siyang naipapakitang konkreto, na wala siyang maisagot sa mga kritiko, na parang siya na lang lagi ang banal at tama--na kung sa kampo nila manggagaling ang kritisismo ay lagi nang tama, at kung sila naman ang babatuhin ng kritisismo ay kaagad na "black propaganda." Dismayado akong mas may naisakonkreto pa si Lapid sa kanya sa Senado. Dismayado ako dahil hindi ko lubos maisip kung paano niyang nakuha ang loob ng samabayanan, kung bakit may mahika pa rin ang kanyang pangalan. Dismayado ako dahil hanggang ngayon, hindi ko makalkula kung hanggang saan sa kanya ang purong "kabanalan" at "pagtulong sa bayan" at kung hanggang saan naman ang kahayukan sa kapangyarihan at personal na interes.
Dismayado akong nasa likuran din si Teodoro. Siya ang pinaka-idolo ko sa eleksiyong ito, at siya ang nagbigay-inspirasyon sa akin na kaya pa nating baguhin ang mukha ng politika. Na may kandidato pang may galing at talino, may malinaw na direksiyon, at may kayang ibahaging inspirasyon nang hindi naninira ng iba. Naniniwala akong panahon na ngayon, na mismong ngayon dapat ang simula ng pagbabago katulad ng sinasabi ng lahat ng hype na ito, at hindi na dapat pang ipagpaliban. Dismayado akong mukhang pinalalampas natin si Teodoro.
Dismayado akong parang wala naman palang bearing 'yung mga kampanya at media hype. Akala ko ba "ako mismo," "ako ang simula," "may magagawa tayo?" Sa nakikita ko (maaaring limitado nga ang aking abot-tanaw rito pero) parang wala/hindi naman pala.
Dismayado akong demokrasya ito, na ganito umaarangkada ang demokrasya rito. Oo, dismayado akong iisa lang ang aking boto. Sana puwedeng dalawa, o isanlibo. Hahaha.
Dismayado akong kakailanganin kong tanggapin ang magiging resulta bukas-makalawa. Na kakailanganin kong patakbuhin ang susunod na tatlo hanggang anim na taon ng buhay ko sa ilalim ng pamumuno ng mga piniling ito ng iba, ng mga opisyal na malamang hindi ko naman gusto.
Paano ngayon ang sinasabing "kung hindi ka bumoto, wala kang karapatang magreklamo?" E kung bumoto, pero hindi nanalo ang mga ibinoto, magkakaroon na ba bigla ng karapatan para magreklamo?
Hindi ko alam. Pero gaya nga ng nasabi na, kakailanganin nating lahat na mamuhay sa piniling ito ng iba. Ginusto natin ng demokrasya, o ayan at pagsalu-saluhan natin. Iba't iba nga marahil tayo ng pinanggagalingan; kung minsan masaklap, pero naa-aggregate ang mga interes nating lahat as in LAHAT sa bawat eleksiyong ating dinadaanan. At kung minsan, ang agregasyong ito ay hindi nagiging kanais-nais, at nakadidismaya para sa iba.
Sa huli, mukhang kailanga't kailangang galangin ang kahihinatnan ng pinakabagong agregasyong ito ng ating lipunan. Kung nariyan na ang mga ibinoto ng taumbayan, wala na tayong magagawa kundi maging mabuting mamamayan. At ang paggalang at pagiging mabuting mamamayang ito ay hindi lamang yata nagtatapos sa bulag na pagtanggap ng resulta ng halalan, kundi sa lalong pakikisangkot para sa mga pinaniniwalaang tila nabura at naisantabi ng mga naipanalo ng halalan.
Kumbaga, kung pinaniniwalaan natin ang mga bagay na pinaninindigan ng ating mga kandidato, pero hindi sila mananalo, baka 'yun ang isang biglang-bukas na daan tungo sa lalong aktibong partisipasyong demokratiko bilang mamamayan--ang manatiling nakapanig sa mga halagang nakikitang dapat panindigan, bagaman sa ibang (maaaring mas mahirap na) paraan kaysa kung nailuklok nga sa pampublikong opisina ang kandidatong sinuportahan.
Marahil, ibang-iba nga lang talaga ang inasahan ko sa halalang ito, na nagbubunsod ng pagkadismaya. Pero siguro magandang daan ito para lalong maging mapagmatyag at aktibong mamamayan, (paunti-unti ma'y) tungo pa rin sa mga halagang dating pinaniwalaan. Higit pa rito, ang lalong aktibong partisipasyon para ibiting patiwarik, itali, hawakan sa leeg (a la the Jamby Madrigal commercials) ang mga mananalong ito--mula sa pangulong 'yan hanggang sa mga konsehal na 'yan--para tuparin at totohanin ang mga lumilipad na pangako at platapormang mapangahas nilang inilatag sa kanilang kampanya.
Aantabayanan pa rin natin ang opisyal na resulta ng halalan, na maaaring lumabas na sa mga susunod na araw. Ang bilis nga ng automated. Iba na ngayon! (ang sistema ng pagbibilang, pero luma pa rin ang hitsura ng resulta)