Saturday, September 3, 2011

ISANG TANONG

Dahil parang wala namang kabutihang naidulot sa mundo ang pagsusulat ko sa Ingles sa nakaraang entry, manunumbalik ako sa likas kong wika. Haha.


Marami-rami na palang nagbago sa interface ng blogspot, pero hindi naman 'yun ang pakay ko sa pagsusulat ngayon, kaya never mind this paragraph. Hahaha.

Kanina kasi, sa ikasampu naming Six Sigma training session, naitanong ang tanong na:
Ano ang isang tanong na itatanong mo sa Diyos kapag nagkaharap kayo?
Or something to that effect.


Nakagugulantang na lang din kung ano ang relasyon nito sa Six Sigma. "Siyentipikong" pamamaraan kasi ang Six Sigma ng paghahanap ng solusyon para sa mga suliraning operasyonal na mabigat ang paggamit sa estadistika bilang pangunahin nitong metodo. Kanina naman, pinag-uusapan ang kalinangan ng pagiging malikhain upang makahanap ng solusyon. Pinag-usapan ito gamit ang pitong prinsipyong Da Vincian, una na rito ang Curiosita - ang walang patumanggang pagnanais magtanong nang magtanong.


Kaya 'yun nga ang tanong. Napaisip ako. Ano nga ba ang itatanong ko sa Manlilikha sakaling magkaroon man ang abang tulad ko ng pagkakataong makaharap Siya at makausap?


Sabay naisip ko ang tanong na,
Bakit pa ba kinailangang lumikha; bakit pa ba nagmeron ang mga lalang?
Hindi naman niyan tinutunggali ang kondisyong isang tanong lang, dahil maarte lang naman ako at isa lang naman ang gustong patunguhan ng mga tanong na 'yan. Haha.


Hindi ko rin masyadong mawari kung bakit iyan nga ang tanong na naisip ko. Marahil kasi, sa aking pananaw, sa tanong ding iyan mauuwi ang marami pang ibang katanungan.


Kasi kung magtatanong tayo kung bakit ba may kahirapan sa mundo, kung ano ba ang misyon/silbi natin sa mundo, kung bakit ba ganito ang takbo ng buhay, et cetera et cetera et chusa, baka mapunta pa rin tayo sa tanong na, sa una't una pa lang, bakit pa ba kinailangang likhain ang lahat ng nilalang?


Kung wala namang nilalang, wala namang magiging paghihirap. Walang maghahanap ng kani-kanilang "life purpose." Walang krimen, walang mga ganid at hayop sa lipunan, walang magnanakaw, walang wang-wang (uy. Haha.)


Sa aralin nga namin sa pilosopiya dati, palaging nariyan din at umaaligid ang posibilidad ng kamatayan. Kumbaga, aking-akin lamang at siguradong-sigurado ang kamatayan ko; kagaya ng iyong-iyo lamang at siguradong-sigurado rin ang kamatayan mo.


Sa isang sabi, kung mauuwi rin lamang naman ang lahat sa katapusan at kamatayan, bakit pa nga ba kinailangang nagkaroon pa ng pagmemeron? Bakit pa kinailangang iparanas sa samu't saring uring nilalang ang pagdurusa at kalupitan ng mundo?


Pilit kong pinananatili ang personal na adhika at paniniwalang nilikha ako upang maging instrumento ng Lumikha sa mundo, upang ipalaganap ang Kanyang Pag-ibig, sa kung ano/saan mang maabot ng aking makakaya at abot-tanaw.


Ngunit naroon pa rin ang dudang baka hindi iyan, at ang tanong na baka hindi na iyan kakailanganin kung sa una pa lang, hindi na nagkaroon ng mga nilikha. Dahil kung walang nilikha, wala akong pag-iisipan ng kung ano ang aking silbi sa uniberso, walang pagpapaabutan ng Kanyang Pag-ibig, wala, walang-wala.


Sa mapangahas na hula at pilit na pag-unawa gamit ang abot-tanaw ng aking pisikal na karanasan, nabagot lang ba ang Panginoon at kinailangan Niya ng mga mumunting laruan upang pagmasdan, kaaliwan/katuwaan, at alagaan? Kapara ba ng kapag nababagot tayo noong ating kabataan ay dinadampot natin ang mga mumunting pigurin at laruan sa sala, at lumilikha ng isang pang-aliw na mundo kung saan kinokontrol natin ang mga ito at ginagawan ng kuwento?


Limitado nga lamang ang abot-tanaw ko bilang tao, ngunit may mga pagkakataon kasing tila hindi na sumasapat ang tugong, "hindi, nilikha ako para mag-alay at magmahal sa iba," o 'di kaya ang pakiwaring, "hindi, ganyan lamang talaga ang takbo ng mga bagay, ganyan lang talaga ang buhay." May mga pagkakataong mahirap makisama na lang nang basta sa agos ng buhay dahil "ganoon lang talaga ito." Minsan nakabubuo tayo ng mga tanong na hindi natin alam kung saang dako ng uniberso hahalughog ng karampatang sagot.


Sa tradisyong Boy Abunda, iba't iba man ang ating paniniwala't patutunguhan, ang mahalaga raw ay nag-uusap tayo at patuloy na nag-uusap. Sa kasong ito, marahil nga ang mahalaga pa rin ay nagtatanong tayo't hindi basta na lang nakikisakay. Dahil sabi ng mga pilosopo, sa pagtatanong daw unang nabubuksan ang pinto tungkol sa mga bagay-bagay; sa duda nabibigyang-pagkakataon na makakita ng ibang abot-tanaw sa nakasanayan. Curiosita.


Baka rin may mga tanong kasing naitatanong ngunit hindi nahahanapan ng sagot.