Wednesday, June 11, 2008

PAGLILIYAB: IKALAWANG BAHAGI

Pagkatapos nga ng umaatikabong digmaang Log kontra TnT, pormal nang nagtapos ang OrSem 2008. Mag-isa kong tinahak ang malayong daan pa-Aurora dahil nakipaglandian yata si Kim (HAHAHAHA, tama 'di ba? Hahaha.) tapos 'yung si Miguel naman na sana makakasabay ko, biglang naglaho. Samantalang binabagtas ang kahabaan ng Katipunan sa ilalim ng maniningning na mga tala, maraming nasasaisip ang nagpupuyos at nagliliyab kong maechos na damdamin.

Noong OrSem ko (dalawang taon na ang nakalilipas, ang tanda ko na! Hahaha.), naipakilala ako sa kulturang Ateneo, sa kalakarang pangkolehiyo, at sa buhay pagkatapos ng masaya at maalwang mga taon sa paaralang sekundarya. Naipakilala rin sa akin ang pangunahing magiging mga kasama't kaibigan ko sa kolehiyo, ang O3 2010. Pinatikim sa akin ang maaaring kahintnan ng apat na taong gugugulin ko sa pamantasan. Siyempre, enjoy con todo ang lolo ninyo, maraming freebie eh. Maya't maya ang pamumudmod ng maraming bagay. Hahahaha. Pero enjoy rin with TnTs, Logs, at blockmates, bagaman hindi naging panahon ang OrSem ko para makilala ko sila nang lubos at maging close ko sila kaagad. Siguro kasalanan ko na rin, dahil medyo ako ang kusang loob na bahagyang lumalayo sa kanila noong una. Kunwari tahimik at mahiyain. Hahaha.

Sa pangkalahatan, masasabi kong ang karanasan ko sa dalawang OrSem ng buhay ko ay naging mga pagkakataon ng pagkatuto at pagkilala sa maraming bagay. Pero mukhang mas marami akong mababanggit ukol sa katatapos na Liyab: OrSem 2008 Pre-Sesquicentennial (ang haba hahaha).


Pagkatuto

Katulad siguro ng kahit na sinong OrSem volunteer na puwede mong tanungin, may mga bagay-bagay na matututuhan mula sa OrSem. Para sa akin, marami:

Pagkatuto...

…na kahit nakakasawa, nakaka-umay, at nakakapagod ang pagnguya sa Salisbury Beef with Brown Sauce and Edible Fungi (muli, more commonly known as Burger Steak), nakaka-miss din pala. Hahaha. Na tipong kahit ‘yun na paulit-ulit, oks lang pala kasi libre naman. Hahahaha.

...na may mga bagay palang hakot kung hakot sa calories (180 ba naman, at ayon sa ilan kong nasangguni, tinalo pa ang isang cup ng kanin), pero puwede na rin kasi may L-Carnitine naman. Mas mabilis mo rin kahit paanong matutunaw ang 180 calories na sanhi rin ng parehong bagay. At puwede na rin kasi libre naman. Hahaha.

...na kaya pala ng sanlibutan na ngumiti lagi sa isa't isa, kahit sa hindi nila kakilala, nang hindi nangangawit ang facial muscles at hindi inaakusahang may tililing o maluwag ang tornilyo.

Iba kasi ang ngitiang nagaganap sa OrSem. Akala mo, masaya lahat ng tao palagi. Akala mo, walang ginagawa na tipong walang kapagurang nadarama ang mga nilalang. Sa SecMob, medyo requirement ito—na kahit mukha ka nang ginahasa sa katatakbo, kailangan forever smile pa rin. Haha.


...na kaya pala ng mga taong maging bukas sa pakikipagkilala sa mga taong hindi nila kilala; na masaya pala ang pakikipagkilala sa mga bagong tao.

Hindi naman maikakailang isang panahon ang OrSem para sa pakikipagkilala sa maraming tao, kaya hindi ito katatakhan. At siyempre, masaya ring makipagkilala sa ibang tao, new friends kumbaga. May mga bago ka nang makakawayan at masasabihan ng mailap na “hi” tuwing babagtasin mo ang College Lane, ang SEC Walk, EdSA Walk, o kahit saan ka man mapunta.


...na may mga pagkakataon palang may pakialam ang lahat sa isa't isa; na kaya pala nating magtulungan sa paghahanap ng mga taong nawawala, mag-alala para sa mga taong dumudugo ang ilong, nahihimatay, nasusugatan, o kung ano pa man.

...na may mga pagkakataon din palang nararamdaman mo nang lubusan na sulit ang lahat ng ibinigay mo, na walang nasayang sa mga pagod mo, na maligaya ka kasi alam mong nagkasilbi ang ginawa mo.

...na mahusay rin pala ang kakayahan kong magpanggap. Haha.

May ilan kasing nagsulat d’un sa GD na message-message na mature daw ako, mabait, matulungin, welcoming, at tahimik. Hahaha. Hindi naman sa purong panlilinlang, pero nangyari lang ang ilan diyan dahil kailangan sa mga sitwasyon. Kailangan kong magmukhang mature, mabait, matulungin, welcoming, at tahimik dahil Log ako. Hindi naman ako puwedeng maglupasay habang OrSem. Hindi rin ako puwedeng magtaray dahil halwer, bakit ka pa nag-Log kung ganoon? Hindi rin ako maaaring mag-ingay con todo dahil bawal kong i-overpower ang TnTs. Minsan lang mangyari sa akin sa tunay na buhay at sa ilalim ng normal na mga sitwasyon ang mga katangiang ‘yan. Hahahahahaha. Choz lang.


Pagkilala

Magtanong ka uli ng volunteers, o kahit Freshies, at pihadong papatunayan nilang maraming makikilala sa karanasang OrSem. Ako rin, maraming nakilala:

Pagkilala...

...sa hindi iilang Log volunteers.

Ang mga Log tao na nakakasalubong sa kung saan-saan sa tatlong araw ng OrSem na nangingitian ako at nangingitian ko. Ang mga karamay namin bilang Log volunteers—pinagtatanungan sa mga panahong lost kami sa rutang daraaanan, pinagtatanungan kung sila ba ang nagnakaw ng mga pagkain at upuan ng block namin, pinagtanungan sa mga pagkakataong may mga bagay kaming kailangang alamin tungkol sa pagiging Log. Ang galing ng LOG. Go LOG. Haha.


...sa iba pang volunteers mula sa iba't ibang komite.

Hindi ko masyadong nakilala pero sila ang mga taong sinangguni ko nang nawalan ako ng nametag, nang naghanap ako ng CR, nang may itinanong ako na kung anuman.


...sa TnTs ng ibang mga block.

Mga taong sagad hanggang kaluluwa rin ang pataguan ng enerhiya; mga taong bigay-todo sa pagsasayaw at paggabay sa Freshies sa kanilang OrSem. Pagbati sa inyong lahat para sa mahusay na pagtatrabaho.


...sa Log heads.

Ang makukulit na mga taong gumabay sa amin at nagpatag ng landas na daraanan namin. Ang mga taong nagsilbi naming mga sanggunian tuwing makakaranas kami ng mga bagay na hindi normal na nararanasan, at tumutulong sa aming resolbahin ang mga bagay na ‘yun. Muli, GO LOG. Haha.


...sa TnTs ng block P7.

Ang walang katulad na TnTs na sina Guido at Franz.

Si Guido, na kahit may hindi kaaya-ayang nararamdaman (sinisipon/inuubo kasi nang medyo may katagalan na), patuloy pa ring ginampanan ang trabahong kailangang gawin; nagtatakbo pa rin, nag-aasikaso, at nagpapabuhay sa Freshies.

Si Franz, na kahit nakararamdam na ng kapaguran dulot na rin ng init ng panahon at dami ng aktibidades, patuloy pa ring sinikap na pangitiin ang Freshies sa pamamagitan ng pagbabato ng jokes. At go lang siya kahit medyo hirap ang Freshies intindihin ‘yung jokes. Hahaha.

Elibs ako sa inyo; litaw na litaw ang dedikasyon at pagmamahal ninyo sa responsibilidad na iniatang inyong mga balikat. Hanep din sa chemistry. Hahaha. Meant to be pa kasi magka-birthday. Haha.


...sa Log partner ko.

Ang walang kaparis na si Trina.

Malamang sa hindi, nasiraan kaming tatlo ng bait kung hindi dumating ang partner ko para tumulong. Hindi matatawaran ang naging pakikibahagi at pakikisangkot ng partner ko sa OrSem na ito. Kung ako lang ang Log, malamang na kukulangin ang pag-inom ng isang buong bote ng Enervon sa isang araw para asikasuhin ang lahat ng pangangailangan ng Freshies. Kinaya ko ang mga araw nang isang kapsula lang ang nilalagok dahil naroon si Trina.


...sa mukha ng samu't saring Freshie.

Mukha lang, dahil hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na opisyal na makipagkilala sa kanila, hahaha, puwera na ang Freshies ko at ilang Freshies nina Kim at Mark sa O2.


...sa Freshies ko. P7!

Iba ang pagka-game ng block na ito. Sa una, may hiyaan factor pa. Pero nang lumaon, nailabas rin ang tinatagong kulo. Testigo ako sa pagiging bonded ng (karamihan sa) block na ito sa loob lamang ng maikling panahon. Hayop pa sa paglalaro ng Mamera, kahit hindi ko napanood. Mamera champions! Haha.


...sa katotohanang may mga bagay na ayaw mong matapos pero kailangang matapos.

Tunay nga, sa pagtatapos ng digmaang makailang-ulit nang nabanggit, may kung ano sa aking ayaw tanggapin ang mga pangyayari. Tila baga ayaw tanggaping ito na ang katapusan. Gusto ko pang magpa-mob nang magpa-mob, pero wala na. Hahaha. Basta ‘yun na ‘yun.


...sa katotohanang ayaw ko pa pala talagang tumanda.

Kasi ayaw kong dumating ang panahong nakaupo na lang ako sa gumegewang na silya (rocking chair wahahahaha), pinagmamasdan ang mga apo kong naglalaro, habang inaalala ang mga masasayang pagkakataon ng buhay ko tulad ng OrSem na ito. Masakit lang kasing isipin na pagdating ng mga panahong ‘yun, wala na akong kakayahan para bumalik sa mga araw na tulad nito; na sa alaala na lang ako puwedeng magbalik. PERO, ayoko rin naming mamatay nang maaga, kaya gusto ko na rin sigurong tumanda. Hahaha.


...sa katotohanang kung gusto, kayang gawin.

Dito ko lubos na nakilala ang katotohanang kung gusto, kaya naman talagang gawin. Hindi naging masakit sa loob kong mamulat bago mag-alas singko araw-araw para makarating sa eskuwelahan nang medyo maaga-aga. Kahit pa forever late ako sa call time, achievement na rin sa aking gumising nang bago mag-alas singko nang hindi nagrereklamo sa kaibuturan ng aking puso. Iba kasi ang mga araw ng OrSem, tipong lagi kang nananabik pumunta ng CovCourts para masaya uli, tipong lagi kang nananabik sa bawat bagong araw dahil nga gusto mong gawin ‘yung mga gagawin mo.

...sa sarili ko.

Di-hamak na sangkterba ang nalaman ko nang lubos ukol sa aking sarili—bilang Atenista, bilang kaibigan, bilang katrabaho, bilang kuya, bilang tao. Mahirap humanap ng mga salitang maaaring makatumbok sa kung ano ang mga nakilala ko sa aking sarili sa panahon ng pagtatrabaho sa OrSem. Hindi ko mismong mailarawan, kaya sa’kin na lang ‘yun. Haha.

Marami pa akong nais ilahad, pero una, hindi ko maisip sa ngayon; at ikalawa, masyado na kasing overdue ang entry na ito (isang linggo nang late! hahaha), kaya kung hihintayin ko pa ang panahong masasaisip ko na ang lahat, malamang tungkol sa OrSem 2009 na ang sinusulat ng mga tao.

Para kunwari hindi naman sa hindi ko maisip ‘yung mga gusto kong isipin at sabihin, ganito na lang: marami pa akong gustong ilahad pero hindi sasapat ang alinmang salita para buuin ang pagkukuwento sa isang tunay na kakaibang naging karanasan ko sa pagtatrabaho sa OrSem. Oha. Hahaha.

Pero medyo totoo na hindi nga talaga sasapat ang alinmang salita para sabihin ang lahat ng gusto kong sabihin. Sa mga volunteer, alam kong nauunawaan ninyo ang ibig kong sabihin. (O baka ako lang ‘to? Hahaha.)

Nakarating ako sa bahay ng mga pasado alas dose, matapos ang higit isang oras na paglalakbay sa pamamagitan ng pagsakay sa tatlong magkakaibang jeep. Pagdating ko, tinanong ako ng tatay ko, “Enjoy ka naman?”

Wala akong maisagot kundi isang nagliliyab na OO. Nais kong ilahad ang lahat ng kina-enjoy ko sa OrSem na ‘to, pero natuklasan kong pagkatapos ng tatlong araw, wala na muna pala akong enerhiya para sa pagkukuwento.

Natulog ako, at pagkagising ko ng 8 Hunyo 2008, alas onse pasado na. Tapos na ang panahon ng paggising nang bago mag-alas singko. Wala nang OrSem. Pero paniguradong mananatili ang lahat ng alaalang maibabaon ko mula rito sa loob ng matagal na panahon.

Naging hudyat ang OrSem para malaman kong marami pa pala akong gustong gawin sa nalalabing dalawang taon ko sa mga Paaralang Loyola ng Pamantasan. Medyo napansin kong may bahid ng pagsasayang ang naging unang dalawang taon ng buhay ko rito, pero buti na rin at napag-isip-isip kong nasayang ko nga. At least, mas may kakayahan na akong piliin ang pamumuhay na "hindi nagsasayang ng oras," kahit sa pananaw ko lang, sa natitira pang dalawang taon.

Hindi ko alam kung paano tatapusin ang NAPAKAHABA ko nang entry, pero hindi ko hahayaang tumulad ito sa kanta ng Parokya ni Edgar na bigla na lang mawawala. Magpapasalamat na lang ako sa mga tao, kahit pa maaaring nakapagpasabi na ako ng pasasalamat sa iba pang bahagi ng entry ko.

SALAMAT

  1. Sa OrCom, na walang katulad ang preparasyong ginawa para maisakatuparan ang Liyab.
  1. Sa Log heads, na walang sawang nagpakapagod para ituwid ang aming mga landas. Lalo sa SecMob heads Van, Sel, at Krizanne, sa paghahanda at pagtulong sa trabaho namin. Mataas lang si Van sa pagkakaangat niya sa OrCom. Haha.
  1. Sa TnTs ko: Guido at Franz, para sa isang masayang karanasan sa OrSem. Walang makahahambing sa energy AT chemistry ninyong dalawa. Hahaha. Isang pribilehiyo ang makatrabaho kayo. Hindi magiging gan’un ang kinahinatnan ng OrSem ng P7 kung hindi dahil sa inyo. Guido, good luck sa ikaapat na taon. Franz, good luck kay VCI. Haha. Babatiin ko na din kayong dalawa ng HABERDAY sa darating na Linggo! Haha. Kuwentuhan tayo minsan.
  1. Sa Log partner ko: Trina, para sa walang kaparis na pagtulong at pag-asikaso sa Freshies. Sa pagsama sa banyo sa mga pagkakataong hindi ako puwede, sa pagpapa-comm sa nawalang cellphone, sa pakikibahagi sa maraming parte ng OrSem. Ikaw ang naging tagapagligtas namin. Good luck kay VCI at kay Rudy Ang. Haha. Kuwentuhan tayo minsan.
  1. Sa Freshies ko: P7, para sa pagiging game sa lahat ng bagay, at para sa aktibong pakikilahok sa OrSem. Sana nag-enjoy kayo, dahil ako, nag-enjoy na kayo ang Freshies ko. Haha. Salamat din na hindi ninyo ako in-OP n’ung O-night, noong mga panahong nakiki-block ako sa inyo. Haha. Kung kailangan ninyo ang tulong ko, huwag kayong mahihiya. Pati ‘pag nagkita-kita tayo sa kung saang bahagi ng paaralan, batiin ninyo naman ako, o. Hahaha. Minsan kasi disoriented ako na ewan, kaya ‘di ko nakikita ang mga tao kahit kaharap ko na. Haha. Kuwentuhan tayo minsan.
  1. Sa Enervon, dahil wala ako rito kung wala kayo. Sponsor ba? HAHAHA.
  1. Sa Panginoon, sa paggabay sa aming lahat sa panahon ng OrSem. Sa pagbibigay ng direksiyon at liwanag. Dahil hindi umulan. Dahil binigyan Mo kami ng enerhiya. Sa lahat. Salamat.

Magkita-kita na lang tayo uli sa CovCourts next year. At siguraduhin nating muli nating mae-enjoy ang lahat ng pagod at enerhiyang ating ibubuhos at ibibigay.

Tunay nga,

NO OTHER UNIVERSITY DOES IT THE WAY WE DO | ADMU

Tuesday, June 10, 2008

PAGLILIYAB: UNANG BAHAGI

[Medyo pangatlong araw na ngayon mula sa mismong pangyayari, kaya paumanhin na lang kung delayed ang mumunti kong entry ukol sa isang pangyayaring maaring habambuhay ko nang babalik-balikan sa alaala. Ngayon lang din kasi nagsimula ang klase, kaya ngayon ko lang maaabuso ang libreng internet. Hahahaha.

Katulad ng mangilan-ngilan ko nang nailagak rito dati, quasi-madramang tagpo na naman ito. Haha.]

Nagboluntaryo ang inyong abang lingkod para sa Logistics ng kadaraos na OrSem 2008, "Liyab." Hindi ko ito nagawa sa nagdaang taon, at dati, wala rin akong nalamang makakasama, kaya hindi ko alam kung bakit ako napa-sign up nang 'di oras. Siguro may nagtakda lang talaga na magboluntaryo ako, kaya 'yun na nga ang naganap.

Pasada muna ng mga naganap sa diretsong walong araw ng OrSem mode. Kailangan ko lang itong isulat dahil ayokong makalimutan sa hinaharap.

Dumating ang pagtatapos ng klase sa nagdaang summer sem, kaya dumating na rin ang inaasahang Log training (31 Mayo at 1 Hunyo 2008), na siyang nagbigay sa aming mga nagboluntaryo ng maraming kaalaman para maging handa sa mangyayaring OrSem.

Nangyari sa training days ang maraming bagay, kabilang na ang pagpapaintindi sa kung ano ang pinasukan naming trabaho, pagpila para sa pag-sign up (sa Log-SecMob ako pumila; 'yun 'yung umaalalay sa TnTs at sumasama sa Freshies at makulit na nagpapa-mob. Haha), pagpapaalala ng heads sa kung ano ang mga dapat at 'di dapat gawin, pagsasanay sa mga dapat gawin sa iba't ibang sitwasyong maaaring maganap sa mismong mga araw ng OrSem (may Log lang at may oras din na kasama ang TnTs), pag-aanunsiyo sa Securities and Mobilization (SecMob) ng hahawakang blocks (sa P7 ako nailagak. GO P7!! Haha), maraming GDs, pagkain ng MARAMING Burger Steak at pag-inom ng Health Tea nang walang anumang lamig (medyo mainit pa nga eh), at siyempre, marami pang GDs. Hindi rin kalilimutan diyan ang naganap sa ikalawang araw ng training, na medyo ritwal sa pagiging Log dahil isinasagawa raw 'yun taon-taon.

Dahil kulang ang mga nagpakitang kaluluwa (tatlong daan mahigit raw ang pumirma noong Marso samantalang higit isandaan lang ang tumungo sa training days), medyo kinailangan naming mag-recruit ng dagdag na mga mabubuting espiritu para tumulong sa paglakas ng aming hanay. Kaya naman, may idinaos na emergency training sa sumunod na araw (2 Hunyo 2008), kung kailan nakilala ko naman ang aking magiging magiting na Log partner.

Sumunod na araw (3 Hunyo 2008), nagkaroon ng isang pangkalahatang assembly para sa lahat ng mabubuting kaluluwang naglaan ng kani-kanilang oras para paghandaan ang OrSem na sasalubong sa mga bagong Atenistang biningwit ng OAA. Nagkaroon ng misa, pinapanood ang walang katulad na O-film, at ipinamudmod ang puting Jollibee shirts na no comment na lang sa itsura ng damit dahil sponsor naman ng chibog forever for three days plus training days ang Jollibee. Hahaha.

Ikalimang araw ng OrSem mode (4 Hunyo 2008), Super Set-Up day. Pumunta ang (halos) buong Log committee para ihanda ang CovCourts na siyang magiging pangunahing tahanan ng OrSem. Medyo wala akong matandaang nangyaring kabanggit-banggit, puwera na siguro sa ultimate struggle sa pagpapa-print ng Log-SecMob Masterfile (na naglalaman ng lahat ng kailangang impormasyon para sa OrSem) sa Alva. Hahahaha. Fast-forward na tayo. Haha.

OrSem na.

Unang araw (5 Hunyo 2008), 6:30AM ang call time namin, pero dahil ako ang dakilang tagasuway sa mga call time, menos diyes para alas siyete ako napadpad ng CovCourts. Hahaha. Reminders mula sa heads, tapos go na kami ni Log partner papunta sa aming mga upuan para maghintay ng Freshies at makisayaw mej kasabay ng aming TnTs. Haha.

Nangyari sa unang araw ang pinananabikang unang parte ng Campus Tours na malalayong tunay mula sa isa't isa ang stops. Ewan ko na lang, kasi hindi pa masyadong magkakakilala ang Freshies, at hindi pa rin nila kami gaanong kakilala, sabay mega hiyaw na lang ako na mag-mob sila. Siyempre, tulad ng mga panahong Freshie ako, minsanan lang kung seryosohin ang pagmo-mob. May ilang Freshie kaming Luneta mode, pero nauunawaan ko naman kasi nga mainit saka nakakapagod. Pero salamat pa rin dahil sumusunod pa rin naman sila, bagaman nahuhuli minsan. Haha.

Pagtapos ng Tours, nagsimula na ang GDs, at medyo mas nagkakilanlan na ang mga nilalang (Freshies, TnTs, at siyempre Logs). Mukha naman silang masaya na naglaro, at tila nagkakilala sila nang medyo mahusay sa aktibidad na ito, salamat sa TnTs na nagplano ng mga lalaruin. Siyempre, 'yung mga consequence ng mga natalo sa mga laro: sayaw sa harap ng ibang block. Pumili ka na lang sa Banana, Chuga, o Pacific Ring of Fire. Haha.

Hindi ko lang malilimutan ang isa sa mga medyo pinakamatagumpay na pagpapa-mob, kasi tumakbo talaga 'yung Freshies ko. Mob ito mula sa GD Room (SEC A 116) pabalik ng CovCourts, at mukhang nabigyan ko naman sila ng motibasyon para tumakbo nang totoo dahil mega sigaw ako na kailangan nilang bilisan dahil pagkain ang naghihintay sa CovCourts. Marami-rami naman ang napatakbo (gutom hahaha), pero MEDYO pa rin ang tagumpay dahil kalahati lang ng block ang sumunod sa akin. Sobrang layo na naiwan n'ung kabilang kalahati. Hahaha.

Sa hapon, relak-relak lang dahil AVRs lang ang destinasyon ng sangkatauhan. Sa Escaler kami nadestino, at masaya dahil ercon. Haha. Pinanood lang ang O-film, nagkaroon ng pagpapakilala ang COA, saka ipinangalandakan ang ika-150 anibersaryo ng minamahal naming/nating paaralan. Pagkatapos n'un, mob back to CovCourts para sa misa. (Pangalawa kong misa sa loob ng tatlong araw.)

Kailangan ko palang banggitin na ang pagkain sa araw na ito ay walang iba kundi.....

Burger Steak. Na naman.

Pagkatapos makalabas ng Freshies, meeting-meeting kunwa ang buong komite para sa mga kailangan at/o dapat pagbutihin para sa susunod na araw. Ipinamudmod na rin ang pulang OrSem shirts care of our official inumin Fab (isang 180-calorie drink PERO may L-Carnitine naman. Ewan ko kung anong kabalintunaan 'yun). Ayaw ko na lang din ikumpara ang itsura ng Fab shirt sa Jollibee shirt dahil matimbang pa rin ang lamantiyan kaysa sa panulak. Hahahaha.

Ikalawang araw (6 Hunyo 2008), marami na namang naganap. Katulad kahapon, alas sais y media ang call time, pero alas siete ako napadpad ng CovCourts. Reminders uli, hintay ng Freshies. Medyo maraming na-late na Freshie. Umalis ako para mag-reg, hindi pa sila kumpleto, may mga sampu pang kulang.

Pagbalik ko, naka-mob out na to GD Rooms, na medyo ikinagulantang ko dahil 8:55AM pa lang, samantalang ang naka-imprenta sa schedule na hawak ko, 9:00AM ang mob out. So eniwey, nakumpleto naman na ang Freshies pagdating ng GD time.

Dalawang oras ang GDs para sa araw na 'yun. So masaya na naman ang Freshies sa mga larong inihanda ng TnTs. Masasabi kong mas nagkakilala ang block sa araw na 'yun, dala na rin ng mga larong tulad ng bahay-baboy-bagyo, kung saan 'di oras akong pinasali. Kinailangan naming tandaan ang kaarawan at high school ng mga tao, pero dahil palyado nga ang memorya ko, wala na yata akong matandaan ngayon. Paumanhin sa mga nakagrupo ko..

Pagkatapos ng larong may blindfold na hindi ko matandaan ang tawag, go na ang block P7 sa SEC Field para sa inter-block kumpetisyon sa larong Mamera. Medyo nagsisisi ako na iniwan nila ang mga gamit nila sa kuwarto, kaya kinailangan kong magbantay. Habang nabubulok ang inyong lingkod sa GD Room na walang katao-tao, nakikipaglaban na ang P7 sa iba pang Management blocks para sa kanilang unang pagkapanalo bilang isang block. Panalo ang block sa Mamera game. Sayang na hindi ko napanood, kaya hindi ko natutuhan ang cheer nila na medyo sounds like sa isang maselang bahagi ng katawang pambabae. Para hindi malaswa, sasabihin ko na lang na sounds like sa isang lugar sa bansang Thailand. Hahaha.

Pagkatapos ng Mamera, lunch uli, at anak ng tinokwa, nawalan kami ng mga silya sa di-malaman at di-mapagtantong kadahilanan. Tuloy, sa sahig sa may likod ng CovCourts napaupo at napakain ang block. p7, MULI AKONG HUMIHINGI NG PAUMANHIN PARA SA NANGYARING ITO.. Pero mukhang buti na lang din na sa sahig sila umupo, dahil mas nagkaroon din sila ng bonding time; mega baraha sila, at kahit semento ang kanilang kinauupuan, mukha naman silang masaya. Gujab, P7! Haha.

Pagkatapos niyon ay isang mahabang talk ng kung sinu-sinong tao sa administrasyon ng eskuwela sa Irwin Theater. Siyempre nakatulog ako. Hahahaha. Tapos, mob back to CovCourts at mob back to Irwin na naman para sa kanilang SOM night. (Siyempre, 'yung pagtulog ko lang ang mahalagang nabanggit ko sa parteng ito ng OrSem Day 2. Wahahahaha.)

Babanggitin ko rin na ang chibog para sa araw na ito ay walang iba kundi.....

Chickenjoy. Sa wakas, kalayaan mula sa Burger Steak! HAHAHAHA.

Ikatlo at huling araw na ng OrSem (7 Hunyo 2008), at sari-saring emosyon ang nararamdaman ko. Parang may kung anong boses na nagdidiktang ayaw ko pang umusad ang oras, na sana ganito na lang palagi. Pero saka na 'to sa part 2 ng entry. Haha. Pasada muna uli ng mga naganap.

Katulad ng nakagawian, alas siete na naman ang oras ng naging pagtapak ko sa CovCourts.Alas otso pa naman ang gates open, so medyo matagal-tagal pa. Haha. Sa umaga, go kami sa Course and Department (CD) Room namin na Leong Auditorium para sa kanilang Course and Departmental Talks. Masaya na naman ako, kasi mabilis ang mob-ing namin. Hahaha. Mukhang mabilis na pagmo-mob lang ang naging kaligayahan ko e noh? HAHA hindi naman.

Medyo delayed ang pagtatapos ng talk ni Mike Tan, kaya kami na rin yata ang isa sa mga pinakahuling block na napadpad pabalik sa CovCourts. Mega walang gana pa ang pagmo-mob ng block na tipong kilometro ang pagitan ng unahan ng block sa hulihan.

Sa kabutihang palad, hindi na kami nanakawan ng silya dahil may label na kada upuan. Haha. Pagkatapos ng lunch, mob to GD Rooms, at ang huling GD para sa OrSem na'to ay 'yung susulat ng mga mensahe para sa bawat tao sa block, at siyempre kasali kaming apat (TnTs at Logs) haha. Pagkatapos n'un, Tours part 2 na.

Ewan lang sa stops ng tours part 2, dahil pagewang-gewang lang kami sa New Brick Road. Tipong tawid-tawid lang talaga. Buti na lang din, para hindi na gaanong nakakapagod. Haha. Pero may Freshie akong dumugo ang ilong, dahil daw yata sa alinsangan ng panahon. Buti na lang at wala namang nangyaring hindi kanais-nais. Medyo struggle lang n'ung hinanap na siya dahil tapos na 'yung tours at nasa CovCourts na kami.

O-night na, at siyempre, maraming bandang nagsitugtog. Hindi lang ako gaanong nakapanood ng buong O-night dahil sa sari-saring rason. Noong una, nakiki-block ako sa block nina Kim at Mark na O2; mega baraha kami. Pero nang lumaon, sa block ko naman ako nakiblock. Haha. Nakakatuwa lang tingnan na magkakasama ang karamihan sa P7 sa O-night. Tapos para akong Freshie nang nanood sa pagtugtog ng Parokya ni Edgar. Haha. Nagsibili pa ang Freshies ng mga damit, tapos nagpalit sila, at 'yung iba sa kanila magkakaparehas pa ng binili. Block Spirit, kumbaga. Haha.

Nakilaro pa ako with the block, at buwisit lang na forever akong talo sa larong nagpapasahan sila ng barya habang nasa gitna ako at kumakanta sila ng "I Wanna Be a Tutubi." (Tama ba 'yung pagkakaalala ko sa kanta? Haha). Ang siste, kailangan kong hulaan kung nakanino 'yung pesteng barya sa pagtatapos ng kanta nila. Sa tatlong beses kong pagsalang sa gitna, walang ni isang tumama sa hula ko. Napasayaw tuloy ako nang 'di oras ng Banana. Hahaha.

May isa pang larong baraha na hindi ko matandaan kung ano ang tawag. Hahaha. Tapos lumabas ako nang matuklasang LIBRE ang pagkain para sa Logs. 'Yun nga lang, alam niyo na siguro kung ano ang nakahatag. Ang walang kamatayang Salisbury Beef with Brown Sauce and Edible Fungi (more commonly known as BURGER STEAK, pinaganda lang namin ang pangalan para hindi nakakasawa. HAHAHA). 'Di na bale, libre naman. Saka masarap naman 'yung Tapa Rice n'ung lunch. nth Burger Steak for OrSem. Haha.

Pagbalik ko, napag-alaman kong may plano palang mag-dinner ang p7 pagtapos ng O-night. Muli, block spirit kumbaga. Haha. So nag-gates open na, at hindi na nila napanood ang pagtugtog ng Urbandub. Medyo kawawa 'yung banda, kasi halos upuan, kaunting Freshies, at maraming Logs na lang ang kinantahan nila. 'Yung iba pa nga, keber na sa kanila dahil mega naghahanda na para sa pinananabikang taunang palaro na Log vs. TnT. Haha.

Sabik na ang lahat, kaya ipinagdasal na magsilayas na ang sponsors para makapagsimula na sa giyera. Hahaha. Nang magsimula na ang digmaan, labo-labo na. Mabilis nasimot ang inihanda naming mga bala, at medyo taghirap sa pagre-refill dahil medyo iisa lang ang gumaganang source/daluyan ng tubig. Gayunpaman, masayang maligo matapos ang tatlong araw ng pagbababad sa tindi ng sikat ng araw. Hahaha. Ewan lang sa'kin dahil wala naman akong natamaan nang direkta; parang lahat ng bala ko daplis-daplis lang sa maraming tao. Gusto kong hanapin 'yung TnTs ko, pero hindi ko matagpuan. Wala naman akong lakas ng loob para sumugod sa TnT base dahil duwag akong maisalaksak at mailublob sa cooler! Hahaha.

Ito ang nagmarka ng pagtatapos ng OrSem 2008, at parang hindi ko mapigilang magdrama. Medyo wala pa palang drama ang entry na ito, sa part 2 na lang 'yung drama. Haha. Masyado na kasing mahaba kung ipipilit ko pang isalaksak dito. Abangan na lang ninyo 'yung Part 2. Hahaha.

Mag-isa kong tinahak ang daan palabas ng paaralan, medyo alas onse lang naman ng gabi. Tatlong jeep ang kailangan kong sakyan para makarating sa paroroonan. Sa mahabang biyahe, medyo hindi ko mapigilang makatulog (dahil hatinggabi na nga) at magbaliktanaw.

...itutuloy...
Hahahaha.