Hindi pa nakalilipas ang isang buwan magmula nang bisitahin ko ang Araneta Coliseum dahil sa PBB Big Night, bumalik na naman ako kahapon (26 Hulyo 2007) para sa pinananabikang muling pagtutuos ng magkaribal na unibersidad: ang inabangang UAAP Season 70 Round 1 bakbakan sa basketball ng Ateneo at La Salle.
Suwerte't napadpad pa ako sa Upper Box A, salamat sa isang kaibigan ko noon pang high school na may kakayahang makakuha ng ticket sa mga ganyang mahahalagang okasyon. Nitong nakaraan, medyo nagkagulo ang paunang pagkuha niya ng mga ticket, kaya naman hindi ko na inakalang makapupunta pa ako't makapanonood nang live sa kinasasabikang labanan. Hindi na rin ako pumila nang nagbenta sa eskuwelahan noong martes (24 Hulyo 2007). Pero kahapon, alas siete ng umaga, PE class namin (magkaklase kasi kami), bumungad ang isang magandang balita. Nakahagilap siya ng ticket, at nag-back-out ang dapat sana'y isasama niya, kaya naman nakasabit ako. 'Yun nga lang, kakailanganin kong lumiban ng klase ko sa Psych (130-300PM) dahil kukunin pa mula sa isang mensahero (na nag-aabang sa Coliseum) ang mga ticket. Cut na rin siya (pati 'yung isa niyang blockmate na nakasama namin) ng klase nila sa Com (300-430PM). Last minute na talaga, pero ayos lang. At least mayroon. At isyu mang ituring ang nasabing pagliban sa klase, 'di ba't may mangilan-ngilang mga bagay-bagay sa buhay na mas mahalaga kaysa sa pag-aaral? Chos! Hahaha!
[Hindi ko na siya papangalanan dahil malamang na kumita siya ng hindi bababa sa milyong piso kung piliin siyang tangkilikin ng mga desperadong makakuha ng ticket, at kung pipiliin niyang pasukin ang negosyo ng pag-sa-scalper. Hahaha! Pero salamat pa rin sa pag-imbita, chong! :) ]
Hindi ko alam kung bakit ako nadadamay sa kaechusahang labanan sa pagitan ng dalawang eskuwelahan. Wala naman akong natural na galit sa La Salle. Natural bang pumapasok ito sa katauhan mo kapag pumasok ka sa Ateneo? O sa kabaligtaran, kusa rin bang pumapasok sa katauhan ng mga taga-La Salle ang pakikisangkot sa bakbakang ito laban sa mga Atenista? Hindi rin naman ako tulad ng iba na tatlong buwang gulang pa lamang, miyembro na ng papaslang-ako-para-makanood-ng-laro club. Anu't ano pa man, nadamay na nga ako, e ano pang magagawa kundi makisangkot na nga?
Hayun, hindi pa tapos ang laro ng UST at NU, halos puno na ng mga naka-kulay berde ang kalahati ng Coliseum, at siyempre pa, ang mga dugong bughaw sa kabilang kalahati. At bandang mga alas kuwatro y medya, itinampok na ang isa sa pinakaaabangang laro ng halos lahat ng nilalang, kolehiyo man, elementarya, nagtatrabaho sa Makati o karinderya, o nasa sinapupunan pa lang.
May nahagilap na upuan 'yung blockmate ng kaibigan ko para sa aming tatlo, pero parang wala rin namang silbi. Ayon nga sa narinig ko sa kung saan, ito 'yung larong nagpupumilit makahanap ng upuan ang mga tao, pero tatayo rin lang naman. Oo nga, bukod sa tayo nang tayo 'yung nasa harapan ko, hindi yata talaga mapipigilang mapatayo sa gan'un kahusay na laro. Matigang ba naman sa labanan nang isang taon dahil sa suspensiyon, sino'ng hindi mananabik na makapanood?
Dikit ang laban; nang manood ako ng Bandila kagabi, "dikdikan" ang salitang ginamit. Kung hindi mo napanood, ayyy. Kung napanood mo, ang saya 'di ba? Makalilimutan talaga na mayroon ka pang Long Test kinabukasan, o Paper (at Notecards para sa English paper! Haha!) na kailangan na rin kinabukasan. Tila baga huminto ang panahon, ang pagtakbo ng oras, nang mga oras na 'yun. Kahit nga raw 'yung mga kapamilya ko sa bahay, mega tutok. Special mention, napaaga nang 'di hamak ang pag-uwi ng kapatid ko, na hindi naman kadalasang umuuwi nang maaga.
Dikitan talaga ang score sa bawat quarter, sa memorya kong walang tulong ng MemoPlus o ng Glutaphos, natapos nang pantay, 30-30, noong 1st half. Hanggang sa umabante nang kaunti ang asul, didikitan na naman ng luntian, at sa kadulu-duluhan, nagpantay na naman sa pagtatapos ng 4th quarter. 'Yun nga lang, hindi ko na talaga matandaan ang puntos, 'di ko man lang mahulaan tulad ng unang nabanggit noong 1st half.
Overtime. Karagdagang limang minuto ng kantiyawan, sigawan, at pagkamangha. Akala ko, mauulit ang trahedyang naganap noong isang taon sa Game 3 ng Finals laban sa UST. Bigla kong naalala, pareho pala ang suot kong tshirt kahapon sa suot ko noong isang taon. Kamusta naman, UAAP uniform? Nagbabadya ba? Hindi.
Naungusan ng Ateneo ang La Salle sa Overtime. Dikitan pa rin, hindi lumalayo nang sobra ang lamang, 'di tulad ng trahedyang naganap sa pagitan ng DLSU at UE nitong nakaraang..umm..hindi ko na maalala kung kailan 'yun. Pagkatapos ng hindi mabilang na kantiyawan sa pagitan ng dalawang nag-aalab na kampo ng manonood, pagkalipas ng hindi mabilang na pagsigaw ng "Go Ateneo!" katuwang ng cheer ng kabilang panig, pagkalipas ng hindi mabilang na pagsubo ng kaibigan ko ng Strepsils bilang first aid sa nagbabadyang kawalan ng boses, pagkalipas ng hindi mabilang na hinayang, palakpak, talon, at tuwa, natapos ang laro sa puntos na 80-77, ang ikaapat na panalo naming nag-angat sa estado ng aming basketball team sa ikalawang puwesto, may apat na panalo't isang talo.
Masarap nga yata talaga ang pakiramdam ng nananalo, kaibang-kaiba sa mga karanasan ko sa panonood ng mga laro namin ng basketball noong high school. Lalong kaiba sa pakiramdam noong Game 3 noong isang taon. Naaalala ko pa, nang pauwi ako sakay ng LRT matapos ang 'di kaaya-ayang pangyayari, mega dilaw ang nasakyan ko, at ako lang yata ang naka-asul. Ngayon, masarap dalhin kahit ang malaking support paraphernalia na nakulimbat ko ('yung kamay na nakapormang number 1 tapos sponsored ng Samsung) hanggang bahay (take note, dyip lang ang sinasakyan ko pauwi). At kahit pa medyo pinagtitinginan ako ng mga tao dahil sa kakaibang dala-dalahan ko, keber lang. Panalo naman eh.
Wala na ring pakialam kung may hindi pa natatapos na gawain, o may Long Test pa kinabukasan. Panalo naman eh. Iba talaga ang pakiramdam ng nananalo, at lalong iba ang pakiramdam ng nasa Araneta (panalo man o talo, iba ang saya. Sakay na!) Ramdam na ramdam ang tesiyon. Higit sa lahat, libre ang sumigaw. Mapa-"Go Ateneo!", "One Big Fight!", o "Suspended!", walang makikialam. Hindi katulad ng nasa bahay, na mapasigaw ka lang nang kaunti dahil sa galak o panghihinayang, minsan mukha ka nang ewan, lalo kung walang pakialam sa mga ganyan ang mga kasama mo sa bahay.
Hindi ko talaga masuri ang buong laro dahil una, short-term memory lang ako't hindi ako nakapag-notes dahil sa dikdikang laban, at pangalawa, hindi ako eksperto sa sports. Anu't ano pa man, harinawang naipahatid ko at nailabas ang kasiyahan mula sa naturang pangyayari. At harinawang magpatuloy ang pagkapanalo ng dugong bughaw. We bleed blue.
Ah, basta. Mahusay talaga 'yung laro. Hindi kabagot-bagot. Bawat segundo, katutok-tutok. Makalaglag-baba. Makalaglag-panga. Pagbati sa parehong koponan para sa isang mahusay na laro!
At siyempre pa, 80-77. WIN or lose, it's the SCHOOL WE CHOOSE! Go Ateneo! One Big Fight!
I-shoot mo, i-shoot mo, i-shoot mo na ang ball,
i-shoot mo na ang ball,
ang sarap mag-basketball! (Repeat)