Thursday, June 21, 2007

PAGLIPAS NG LIMAMPU'T TATLONG TAON

Hay, mukhang limampu't tatlong taon na mula nang huli akong makapag-post. Hindi ko na tuloy natupad ang pangakong mag-aanalisa ng mga kandidato para sa nakaraang eleksiyon. Nag-analisa pa rin naman ako, pero hindi ko na naipangalandakan ang resulta ng kaeklatan kong iyon. Actually, may mga gusto akong sulatin noong bakasyon, subalit hindi ko na nagawa dahil mahirap humagilap ng pera para maibayad sa computer shop. Minabuti ko na munang gamitin sa mas kapaki-pakinabang na mga bagay ang perang nakakalap ko, tulad ng gawing barkong papel ang mga perang papel, at ipaanod sa ilog Pasig (baka makarating kay <*ehem*> at mai-feature ako sa susunod na SONA). Kung nagkaroon ng pagkakataon noong bakasyon na umulan ng tig-5 sentimong barya (oo, 'yung may butas sa gitna), marahil nakapagpundar ako at nakapunta sa computer shop. At kung nangyari 'yun, ito siguro ang ilan sa mga naisulat ko:

ANG MGA PATALASTAS II
-Sequel sa post na "Ang Mga Patalastas," na layong pumuna (ayan, pumuna, hindi manlait) ng ilang piling campaign ad ng mga balahurang politiko na tumakbo nitong kalilipas na eleksiyon. Kabilang siguro rito ang Tapatan/Sorry Echuva Ad (ni Dancing Queen), ang Maniwala Ka sa Echuva Ko Ad (ng kandidatong tunog-gulay ang apelyido), at hindi pa rin mawawala ang Pabahay Echuva Ad (ibang bersiyon naman ng ad ng politikong naglalakad umanong kapatid). Hindi ko na matandaan kung iyan na talaga lahat, dahil madalas na pang-short term lamang ang aking memory. Kung may bigla akong matandaan na dapat sana pala'y pinuna ko, baka isingit ko na lamang sa kung saan sa hinaharap.

Tatangkain ko na ring alalahanin kung anu-ano sana siguro ang mga naisulat ko kung napuna ko nga sila noon pa. Una, kay Dancing Queen. Ang tanong , bakit ka nag-Dancing Queen? Ang sagot, pasensiya na, nasaktan ko kayo eh. Mygas. Sana lang sinagot niya 'yung tanong 'di ba? Ewan ko na. Ikalawa, d'un sa tunog-gulay na madalas gawing paksa ng panunuligsa sa hindi katanggap-tanggap na pagwawaldas ng salapi para lamang sa kampanya. Oo nga, marahil, natupad mo na ang ilang mga pangarap ng ilan sa mga kinontsaba mong mga karaniwang tao, kung sa kanila mo ginamit ang higit 160 milyong pisong winaldas mo lamang sa kampanya. 'Yun namang sa naglalakad na utol, hindi ko maintindihan kung bakit siya magse-senador gayong sa pabahay pala ang forte at genre niya. Sana siguro sumapi na lamang siya sa Gawad Kalinga? O nanatili sa Pag-Ibig o HUDCC ('di ko alam ang pormal na depinisyon niyan, siguro Housing & Urban Development Chuva Chenes) habambuhay? Bakit kailangan pang mag-senador? At ang lalo kong hindi maintindihan, ang litanya ng kinontsaba: "bumilis ang fast-tracking ng mga proyekto n'ung nasa HUDCC pa siya." Umm, may ibibilis pa pala ang "fast" tracking!

MEGA ENDORSE
-Ito ang end-product ng ginawa kong pag-analisa kunwa sa ilang mga politikong sa pagpapalagay ng machenes kong kalooban ay may kakayahan, at karapatan, na manungkulan sa pamahalaan sa darating na tatlong taon (para sa mga sendaor, anim na taon, puwera na nga lamang kung mapagdesisyunan nilang may gawing kung anuman sa 2010 elections.. At assuming magkakaroon ng halalan sa 2010). Hati ang nararamdaman ko sa lumabas sa ComElec count; natutuwa ako dahil walo sa mga ieendorso ko sana ang naiproklama na, anim mula sa GO (out of seven, at no, hindi ko isinama sa mga 'karapat-dapat' si Loren), isang independent (hindi 'yung galing militar), at isa galing ng TU (at isa lang siya talaga, si Joker). Medyo nakadidismaya na apat sa kanila ang hindi pumasok, tatlo mula sa Ang Kapatiran, at isa mula sa GO (ang asawa ng ayon sa ilang nabasa ko lately, "the best Philippine president we never had." Sumalangit nawa). Wala akong sinang-ayunan sa naglalaban ngayon para sa ikalabindalawang puwesto.

Hanggang sa mga lokal na posisyon, sinubok kong sukatin ang kakayahan ng mga tumakbo sa lungsod ng Caloocan. At nanalo ang mga sinasang-ayunan kong Congressman, at Mayor. Hindi nanalo ang ninais kong maging Bise-Alkalde; 'yun pa ring lumang Vice-Mayor ang nailuklok, samantalang ang parang nagustuhan ko ay 'yung kapartido ng nanalong alkalde. Mga kandidato para sa pagka-Konsehal lamang ang hindi ko nakumpleto; isa lamang ang naisama ko sa listahan sa aking sample ballots (as if!), at nanalo naman siya. Ikinatutuwa ko ring nanalo ang sinasang-ayunan kong kandidato sa pagka-Alkalde sa Maynila. At buti na lamang, hindi umepekto ang jingle ng kalaban sa TV ad na parang ganito ang letra: "Kay [surname of politician] pa rin, hindi na magbabago.." So ano 'yan, balak niyong gawing pagmamay-ari ang Maynila?

MULA UMPISA HANGGANG KATAPUSAN
-Ito na ang entry na "kakambal" ng kauna-unahan kong post. Siyempre, ito ang kapita-pitagang panlalait (oo, panlalait, hindi lamang pamumuna) sa kachuvahang seryeng may pamagat na Sana Maulit Muli. Pinanood ko ang buong huling linggo ng naturang serye dahil baka naman may nangyaring kababalaghan, milagro, at himala (take note, "at" ang conjunction, hindi "or") na nakapagpabuti sa kabuuan ng serye. Ngunit hindi nga nangyari ang kailangang kababalaghan, milagro, at himala, na kung naabot sana lahat ay marahil na nakapagpabago ng mangilan-ngilang aspeto sa serye na napakarami naman talagang dapat na ipinagbago, matapos ang ilang buwan ng pag-ere nito sa telebisyon.

Subalit uulit-ulitin ko, hindi nga nangyari ang inaasahang pagbabago. Tingnan ang lumipad na truck sa kalagitnaan ng huling linggo (kung tama ang pagkakaalala ko, Miyerkules iyon ipinalabas sa telebisyon). Naaalala mo na ba? Hay, ito totoo lang ah, walang halong exaggeration, pagmamalabis, o kung anuman; isang buong commercial break akong hindi tumigil sa katatawa. Hindi ko alam kung nangingitim na ako o namumula sa kawalan ng hangin (dahil nga hindi ako makahinga nang maayos dahil sa sobrang tawa), pero ang sigurado ko, naluha ako nang todo. Parang daig ko pa ang nag-drama sa dami ng nailuha ko, pero hindi ako nag-drama, tumawa ako nang tumawa. Humalakhak.

Ano ba naman kasi 'yun? Pekeng-peke, to the highest level, ang paglipad at pagkakahati ng truck. Tangkain mong maghanap ng video n'un, o bumili ka ng DVD (payong kapatid: pirated lang ah, hindi akma sa salaping iwawaldas mo kung bibili ka ng original na DVD n'ung seryeng 'yun) para masipat mong muli. Tingnan ang loveteam samantalang umiiwas sa lumilipad na truck. Pekeng-peke. To the highest level. Ayon nga kay Rufa Mae, "todo na'to!" Todo sa ka-peke-an, todo sa kabulukan ng "special" effects. Sa pagtalon ng dalawa (na halatang-halata namang idinikit lang), naaalala ko noong may nakikita akong naglalaro ng paper doll na pinatatalon ang mga ito. Mukha talaga silang paper doll. Hindi ko na alam kung bakit ganito ang nangyayari sa telebisyon.

At ang ending. Ano ang mensahe ng gayong palabas? Na kayang paglaruan ang tadhana? Siguro, maganda ang mensahe kung titingnan ito bilang pagpapahayag na tao ang siyang may hawak sa sarili niyang tadhana. Pero 'yung paglaruan ang kamatayan? 'Yung paikut-ikutin ang buhay? 'Yung basta ka na lamang magsusuot ng relo at mabubuhay ang isang tao? Ano 'yun? Ibig bang sabihin, kapag may namatay uli sa kanilang dalawa, isusuot na lamang ng isa ang relo at mabubuhay nang muli ang isa? Hindi ko na talaga alam. At take note, sa Jollibee ang una ninyong pagkikita. Instant advertisement, parang 'yung sa Maging Sino Ka Man na bigla na lang may mananakit ang ulo at rerekomendahan ni John Lloyd ng paracetamol na safe kahit walang laman ang tiyan. Juice ko.

------------------

Ayan. Ayan na yata ang lahat ng binalak kong isulat noong nakaraang bakasyon. Ipagpaumanhin kung hindi ko na napalawig nang mabuti, una, dahil ang aking memory span ay tunay namang maikli lamang, at ikalawa, lubhang hahaba ito kung palalawigin ko pa nang husto. Condensed version na ang mga 'yan, dahil magmumukha nang masagwa kung itotodo ko pa sa pagpapalawig gayong limampu't tatlong taon na nga ang nakalilipas. Kung ka-Sun ka namin (meaning Sun subscriber), mauunawaan mo ang sinasabi ko. Tipong tuwang-tuwa kayong nag-uusap through dutdutan (i.e., text) at bigla-bigla na lamang masisira ang momentum dahil sa made-delay ang mga mensahe. Madalas, pagdating ng mensahe, 'di ka na maka-relate, o 'di mo na maunawaan ang sinasabi. Parang, "may napag-usapan pala tayong ganyan??" Ewan ko, pero baka ako lang 'yun dahil short-term lang nga ang memorya ko. Anu't-anupaman, nawa'y maging regular nang muli ang aking bloglife ngayong may access na ako sa libreng computer at internet. Siya nawa.