Kani-kanina lamang, nanood ako ng isang interesanteng lecture tungkol sa naglipanang mga soap opera. Ang inimbitahang magsalita ay si Jose Maria Bartlolome, Head for Program Analysis chenes ng GMA Network, Inc. Layon ko sanang magamit ang nasabing lecture, upang mas may matutuhan ako at mas lumawig ang kaalaman ko ukol sa topic ko sa English Research Paper. (Ang paksa ko kasi ay tungkol sa mga palatuntunang nagpapalaganap ng tsismisan sa mga personalidad sa showbiz.) Bagaman malayo ang naging pagtalakay niya sa mga ninais ko sanang maging kinahantungan n'ung lecture, ayos na rin dahil nakakatuwa naman at may natutuhan rin naman ako. (Pero gaya ng naitanong ng English teacher ko, at ngayo'y itinatanong ko na rin sa sarili ko, "How will you (I) use that in your paper?" At ang sagot: "Ma.")
Ito 'yung ilan sa mga nabanggit n'ung lecturer na ikinatuwa ko (as in ikinangiti, ikinatawa, at pinagmuni-munihan). Mamarapatin kong ibahagi sa inyo:
Ito 'yung ilan sa mga nabanggit n'ung lecturer na ikinatuwa ko (as in ikinangiti, ikinatawa, at pinagmuni-munihan). Mamarapatin kong ibahagi sa inyo:
--------------------------
Ukol sa pangalang "soap opera":
Ito naman ay matagal ko nang alam. Pero para sa kapakanan ng maaaring makabasa nito at hindi alam kung bakit nga ba pinangalanang "Soap Opera" ang mga seryeng 'yun, ito ang dahilan: sa radyo lamang napakikinggan ang mga ganitong serye noong panahon ni kopong-kopong. At ang mga kompanyang gumagawa ng mga sabon at detergent ang kadalasang tumutustos sa mga gastusin ng mga serye. Kumbaga, sila ang nagtataguyod dito, sponsor. Kaya naman, pinangalanang Soap ang mga Operang iyon. (Sa palagay ko naman, medyo hindi na kailangang ipaliwanag kung bakit "Opera". Mygush.)
--------------------------
'Yun daw mga babae (especially nanay) ang madalas na tumangkilik sa mga nasabing palatuntunan. Sila raw kasi 'yung naiiwan sa bahay para mag-alaga ng bata, maglinis ng bahay na dinudumihan ng bata, at maloka dahil sa mga makukulit na bata. Kung bakit soap opera, dahil raw sa kinapagod-pagod ng buong araw, ito na lang 'yung "tanging konsolasyon" nila para guminhawa naman kahit sandali. Kaawaan niyo na, mga masasamang budhi.. At dahil sa tanging konsolasyong naibabahagi ng mga soap sa kanila, naroon ang posibilidad ng pagkagunaw ng tahanan, sakaling marapating pagdamutan ang nanay ng remote control kung oras na ng paborito niyang palatuntunan. Kapag pinagdamutan mo 'yun, sige ka, 'di ka ipagluluto, 'di ka ipaglalaba.. Mawawasak ang kinabukasan mo.. dahil.. hindi mo pinanood ng soap opera ang nanay mo.
--------------------------
Ang ratings raw kagabi ng Asian Garbage ay bumaba, samantalang 'yung ratings ng 'Di Na Sana Maulit Muli ay tumaas. Dahil raw mamamatay (o namatay) na 'yung Jasmine. Akalain mo nga namang ang bayolenteng Robin Padilla (as always) ay makakatabo ng 41% sa ratings n'ung isang gabi?? (DAW) Ewan ko, pero bumaba raw 'yung ratings na 'yun sa 34% at umangat 'yung isa pang kachuvahang serye sa 33%. (Talo pa rin.. DAW) Pero at least, tumaas ang ratings, dahil nga mamamatay na 'yung bida.
Side-comment: Hanggang ngayon ay nasisiraan pa rin ako ng bait sa kachuvahang seryeng 'yun. Akalain mo ba namang mamatay dahil nasagasaan ng bus?!?! BOBA/BOBO talaga.. At nakita ko kamakailan ang patalastas ng mga susunod na pangyayari. 'Yung Travis ay masisiraan at makikita niya pa rin nang makikita 'yung kaluluwa n'ung namatay na Jasmine. HAY, EWAN KO!! Lahat ng babae akala niya 'yung Jasmine na. Komento: 'Di yata't siya ay adik!! [Pasensya na rin pala at wala akong maisulat na entry tungkol sa Asian Garbage. 'Di ko kasi napanood 'yung first episode. Gusto ko sanang panoorin, para malait, pero marami pa akong kailangang gawin na mas mahalaga nang 'di hamak kaysa sa seryeng 'yun. Noon kasing kapanahunan ng unang episode ng 'Di Na Sana Maulit Muli, wala pang masyadong kailangang gawin..]
--------------------------
May nabanggit rin siya ukol sa 'nature' o kalikasan ng telebisyon sa Filipinas (at kahit yata sa buong mundo). Ang sabi niya, ang kalikasan raw ng telebisyon ay entertainment--makapagbigay-aliw. Oo nga naman. Bakit pa naimbento ang telebisyon kung hindi kailangan ng tao ng aliw? Bakit pa kakailanganin ang mga soap opera, talent search, reality show, at tsismis center kung hindi kailangan ng tao ang maaliw? Siguro, kung mawala (o sadyang tanggalin) ang mga ito, magiging primitibo muli ang buhay. Ano kaya ang gagawin ng tao kung wala ang entertainment na magiting na dinadala ng telebisyon sa ating mga bahay-bahay? Kung mawala na ang entertainment at puro channel4, discovery channel, o TV Patrol-24 Oras Channel na lang ang pagpipilian? Ano kaya ang gagawin ng tao? Siguro, mas aangat ang ekonomiya (??), dahil baka sa trabaho ituon ng mga tao ang kanilang pagkabagot. (Hello, may radyo naman.. Pero, kung mapag-isipan mong mabuti, iba pa rin ang audio-visual na medium.. Hmmmmmm..) O 'di naman kaya, baka umangat ang industriya ng mga mental hospital!!
--------------------------
At ito na ang pinaka-quotable at memorable sa lahat (para sa akin)...
May isang nasabi si Sir Jose Maria tungkol sa lengguwahe, at sa pagsisiyasat kung bakit Filipino na ang nagagamit nang mas malawak ngayon, sa halip na Ingles, sa telebisyon. Ang sagot niya, masa na raw kasi ang nanonood ngayon. Kung baga, noon, class AB lang ang may TV, ngayon, DEFGHIJKLMNÑNGOPQRSTUVWXYZ, at kahit anumang titik pa ang gustuhing ipangalan ng mga kachuvahang tagapagtaguyod ng social classes, mayroon na ring TV. Kaya naman, Filipino na ang ginamit, dahil nga masa na ang manonood. Iba pa rin daw ang talab ng media kung wikang katutubo ang gagamitin--'yun nga naman kasi ang nauunawaan. Ang pinaka-nagustuhan kong bahagi ng talakayang ito ukol sa wika ay nang sabihin niyang:
Pinakamalaking kalokohan 'yung ibinabandera ng pamahalaan. Maski saan ka magpunta, wikang katutubo pa rin ang namamayani. Hindi lahat nakakaintindi ng Ingles, kahit gan'un pa ang sinasabi ng gobyerno. Malaking kalokohan ang ipagpilitan 'yung Ingles.
(Parang gan'un.. 'Di ko uli maalala 'yung tiyak na mga salitang ginamit niya.) :)
Gusto ko 'yung katagang "Pinakamalaking Kalokohan". Take note, 'di lang basta kalokohan, 'di lang din malaking kalokohan, kundi PINAKAmalaking kalokohan ng pamahalaan. Kahit naniniwala akong superlative degree ang lahat ng kalokohan (i.e., lahat ng ginagawa) ng gobyerno, ito 'yung isa sa pinaka-kinasisiraan ko ng bait. Akalain mo nga ba naman kasing ibasura ang Filipino?! Samantalang ibida nang ibida ang Ingles (oo, mahalaga ang Ingles dahil sa globalismo achuchuchu, pero bakit kailangang nasa ilalim lamang nito ang Filipino, at bakit hindi paunlarin nang husto ang sarili nating wika)?!** Ano 'yun?! Kaya siguro mabaho at malansa ang Filipinas (lalo na ang d'un sa bandang Mendiola, at sa lahat ng mga Ingles-Inglesang lugar). Kung hindi mo alam ang dahilan kung bakit malansa, hay, ewan ko, nasayang lang siguro ang katalinuhan ni Jose Rizal kung gayon.
--------------------------
Kahit na hindi ko man magamit ang anumang nasabi niya sa English Paper ko, ayos pa rin. Marami pa rin kasi akong natutuhan, at 'yun ang mahalaga. Haha...
--------------------------
**Recommendation: "Ang Kapangyarihan ng Wika, Ang Wika ng Kapangyarihan" (by Conrado de Quiros)
--------------------------
P.S.: Inilagay ko itong P.S. Sabado na ng hapon. 'Yung tungkol sa paksa ko sa pinagpipitaganang English Argumentative Paper. Papalitan ko na lang raw 'yung main stand/claim, babaguhin nang kaunti, dahil..basta. At ikinatuwa ko naman kaagad, dahil lahat halos ng nasaliksik ko ay medyo hindi akma d'un sa una kong tesis. Kaya, bunsod ng mga pagbabagong gagawin ko, maaari ko na rin sigurong magamit ang lecture na 'to. :)
Bagaman, hindi ko pa rin gaanong alam kung paano ko babaguhin nang kaunti 'yung tesis. :)
--------------------------
P.S.: Inilagay ko itong P.S. Sabado na ng hapon. 'Yung tungkol sa paksa ko sa pinagpipitaganang English Argumentative Paper. Papalitan ko na lang raw 'yung main stand/claim, babaguhin nang kaunti, dahil..basta. At ikinatuwa ko naman kaagad, dahil lahat halos ng nasaliksik ko ay medyo hindi akma d'un sa una kong tesis. Kaya, bunsod ng mga pagbabagong gagawin ko, maaari ko na rin sigurong magamit ang lecture na 'to. :)
Bagaman, hindi ko pa rin gaanong alam kung paano ko babaguhin nang kaunti 'yung tesis. :)